KABANATA 24: Dayuhan

3.6K 159 19
                                    

Hindi ko maiwasang hindi mangamba habang pinagmamasdan ang doktor na kasalukuyang sinusuri ang kalagayan ng ginoo. Kanina'y pinainom niya ito ng paunang lunas subalit walang pagbabago rito. Wari mo'y mahimbing itong natutulog ngunit kung titignang maigi ay maputla ang mukha nito lalo na ang kaniyang labi.



Maya-maya pa'y nagsalita rin sa wakas ang doktor, "Sadyang nakalalason ang inumin na nakonsuma ng heneral ng Espanya, at kaya nitong kumitil ng buhay kung nagkataon. Mabuti at napigilan ang heneral na tuluyang maubos ang nasabing inumin kaya't hindi gaanong naapektuhan ang kaniyang katawan."




"Ibig sabihin po ba nito'y ligtas na ang heneral?" puno ng pagsusumamo kong tanong.




"Bagamat hindi naubos ng heneral ang nakamamatay na inumin, ay kinalulungkot kong sabihin na maaring hindi na... magising ang heneral ng Espanya," anunsiyo ng doktor na aking ikinabigla.



"Hindi. H-hindi ito maaari," hinawakan ko nang mariin ang braso ng doktor at nakiusap, "G-gumawa po kayo ng... paraan."





Nang humingi ng tawad ang doktor ay labis na naghinagpis ang aking puso. Waring gumuho ang aking mundo na kahit niyakap ako ni ina, ay hindi ako tumitigil sa pag-iyak. Ang aking buong atensiyon ay nakatuon sa natutulog na ginoo habang patuloy ang pag-agos ng aking mga luha.




Kasalanan ko ito!



Kung hindi ako nagpadala sa aking poot upang makilala ang tunay na salarin, ay hindi ito mangyayari.



Hindi sana napahamak ang ginoo.




Sa buong araw ay hindi ako lumisan sa piling ng ginoo. Umaasang ako ang una niyang makikita sa pagmulat ng kaniyang mga mata. Imbes na ibaon ang aking sarili sa nakalulunod na lungkot ay kinuwento ko sa ginoo ang aking paboritong mga aklat. Gayon rin ang aking masayang kabataan. Sa sobrang bilis ng oras ay hindi ko namalayang lumubog na ang araw sa kanluran.




"Kuya?" bumukas ang pintuan ng silid at bumungad ang kapatid kong si Stella na may dalang pagkain.




Nagkukumahog kong binitawan ang kamay ng ginoo at sinalubong ito. Pigil ang ngiti ng aking kapatid habang nilalapag ang bandeha na naglalaman ng kanin, tinola at inumin.



"Maraming salamat, Stella," wika ko nang abutan niya ako ng kutsarita.




Umiling siya bago ako ikulong sa kaniyang bisig, "Kuya, huwag mo sanang sisihin ang iyong sarili sa nangyari sa iyong ginoo. Nakasisiguro akong hindi niya maiibigan ang makita kang umiiyak sapagkat ang desisyon na kaniyang ginawa ay iyo ring gagawin kung siya'y nasa iyong posisyon, tama ba ako?"



Kinagat ko ang aking labi at tumango, tumatangis, "T-tama ka, Stella."



"Kung gayo'y tama nga ang balitang kumakalat sa buong San Fernando na kasintahan mo ang heneral ng Espanya," bulong niya na aking ikinabigla.




Pinunasan ko ang aking mga luha at kumawala sa kaniyang yakap, "Balita? P-paano nangyari–"




"Walang dudang miyembro ng katipunan ang nagpakalat nito. Bagamat wala pang sapat na katibayan na kayo nga ng heneral ng Espanya ay magkasintahan, ay marami ang tutol sa dito," aniya habang naka-krus ang braso.




"Ang balita bang ito'y n-nakarating na kay... ina?" pumiyok ang aking boses sa labis na kaba.



Sandali itong nanahimik bago tumugon, "Kuya, matagal nang... alam ni ina ang ugnayan ninyo ni Heneral Vicencio."




Ugnayan? Ako'y nababagabag sa kung anong ugnayan ang nalalaman ni ina sa pagitan namin ng heneral ng Espanya. Marahil ay hinihintay niya lamang na aminin ko ito sa kaniya.




"Kuya, batid kong napakarami nang tumatakbo sa iyong isip, subalit... ang dapat mong pagtuunan ng pansin ay kung paano mo ipapaalam sa mga sundalong Espanyol ang nangyari sa kanilang punong heneral," dagdag pa ni Stella.




Hindi ko man ibig na iwan ang ginoo kahit isang saglit, ay nagtungo pa rin ako sa kaniyang mansyon matapos ang usapan namin ni Stella. Tanging dala ko lamang ay ang aking kabayo at ang pag-asang hindi mangyayari ang rebolusiyong aking ikinakatakot.




Ang kaba ay napalitan ng pagtataka nang malaya akong nakapasok sa tarangkahan ng kaniyang mansyon. Bukod sa huni ng mga alitaptap ay wala akong marinig sa paligid. Ang mga sundalong dapat ay nagbabantay sa bukana ng mansyon ay wala rin roon. Nang maitali ko ang aking kabayo sa malapit na puno ay tumungo na ako sa silid tanggapan ng mansyon ng heneral.




Ilang buwan na nga ba ang nakalipas magmula noong una akong pumasok rito?




Malinaw pa sa aking alaala ang kaba na namayani sa aking puso nang tumutol ako sa napagkasunduang kasal ng aking kapatid at ng ginoo noong gabing iyon. At kung paano ako natunaw sa aking kinatatayuan nang magtama ang aming mga mata.




Nang pihitin ko ang pinto ng silid ng ginoo ay waring bumalik sa akin ang palitan namin ng mga salita.



Hindi ko mapigilang mapaluha sa aking naalala. . .




"Papayag ka ba kung sasabihin kong... handa akong tabihan ka?" mga salitang lumabas lamang sa aking bibig nang hindi ko lubos na pinag-isipan.



Mga salitang nagmula sa aking puso na kailanman ma'y hindi ko pinagsisihan. Ako man rin ay hindi makapaniwala sa kung paanong ang mga salitang iyon ay naging tulay sa ating ugnayan sa kasalukuyan.



"Ikaw ba ay nakasisiguro sa iyong alok, Ryannel? Marahil ay nadala ka lamang ng iyong awa sa akin kaya mo nasabi iyan," mariing wika ni Heneral Vicencio.



Umiling ako, "Bagamat katulad mo'y maaga rin akong nawalan ng ama, hindi ko kailanman kinaawaan ang mga naulila. Batid kong ang higit mong kailangan ay..."



Humakbang ako palayo nang lumapit sa akin ang heneral at isara ang espasiyo sa pagitan naming dalawa. Ang kaniyang bughaw na mga mata na nakatitig sa akin ay sadyang nakakapanghina. Yumuko ako nang maikulong niya ako sa sulok ng kaniyang malawak na silid.





Gamit ang kaniyang daliri ay hinaplos niya ang aking labi, "Ryannel, tumingin ka sa aking mga mata at ipagpatuloy ang iyong naudlot na salita. Ano ang aking kailangan?"




Lumunok ako bago sulyapan ang kaniyang nangungusap na mga mata. Nang subukan kong lumayo ay mabilis niya akong naikulong sa malalaki niyang braso. Kung tutuusin ay maari kong subukan na lumaban, subalit narito ako upang makiusap para sa kapakanan ng aking kapatid.




"B-batid kong ang higit mong kailangan ay kalinga at pagmamahal... g-ginoo." ani ko na ikinaawang ng kaniyang labi.




Nagkukumahog itong lumayo sa akin na wari mo'y mayroon akong nakahahawang sakit. Daig pa ang kamatis sa kung gaano kapula ang kaniyang tainga't mukha. Maraming beses rin itong lumunok bago tanggalin ang ilang pagkakabutones ng kaniyang uniporme.





"Kung alam ko lamang na ang kahinaan mo ay ang tawagin kitang ginoo, ay hindi ko na sana dinala ang kayamanang iniwan sa akin ni ama noong gabing iyon," bulalas ko.




Magkakasunod na hakbang mula sa labas ng silid ang aking narinig. Pigil ang aking paghinga nang mapagtanto kong ang bawat palalong hakbang na iyon ay hindi mula sa isang sundalo.





Maya-maya pa'y nasa harapan ko na ang isang marikit na ginang. Nakasuot ito ng kulay puting kamiseta at talukong na may burdang batid kong mula pa sa ibang bansa. Mapagmataas man ang kaniyang dating sa akin, ay hindi maikukubling katulad ng ginoong malapit sa aking puso ay isa rin itong dayuhan.




"Heneral Guevarra, nagkita rin tayo sa wakas," bati sa akin ng ina ni Heneral Vicencio mula pa sa Espanya.





-Terrorious


×××

Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon