KABANATA 27: Leonor

4.2K 151 34
                                    

"Anak, nais kong bawiin mo si Nena mula sa mga Espanyol," hinawakan ni ina ang dalawa kong kamay at nakiusap.



Sumagot si Stella, "Ina, kung hindi dahil kay Nena ay wala sana kayong karamdaman ngayon. Naiintindihan naming malapit na katuwang natin si Nena subalit... kahit hindi siya parusahan ng mga Espanyol ay mabibilanggo siya sa kaniyang kasalanan."




"Mapapanatag lamang ang aking puso kung ang magpaparusa sa kaniya ay kapwa niya rin pilipino. Sadyang napakalupit ng mga Espanyol, anak. At hindi ako mapapatawad ng mga magulang ni Nena kung hindi mo siya maililigtas," wika ni ina.




Magmula noong ako'y musmos pa lamang ay narito na sa mansyon nanatili si Nena. Kung tutuusin ay itinuring siyang tunay na anak ng aking mga magulang kaya't nais kong malaman ang tunay na dahilan kung bakit niya nagawa iyon sa aking ina.




"Donya, m-mahal p-po ba ako ng aking mga magulang?" iyan ang unang mga salitang binitawan niya matapos siyang ihabilin ng kaniyang butihing mga magulang sa aking ina.



Matuturing na bayani ang kaniyang mga magulang sapagkat lumaban ang mga ito noong sinakop ang aming nasiyon ng mga kastila. Mapalad na umuwing buhay ang aking ama subalit napaslang ang mga magulang ni Nena. Labis ang pagmamahal ng mga ito kay Nena na hanggang sa huli nitong hininga'y humiling sila na huwag pabayaan ang kanilang anak.




Nang marinig ko ang parusang igagawad ng mga Espanyol kay Nena ay binalot ako ng takot. Hindi ko namalayang dinadala ako ng aking mga paa sa tarangkahan ng mansyon. Maging ang mga sundalong Espanyol na sinubukan akong pigilan gamit ang dahas ay walang nagawa. Marahil ay nadala ako ng aking emosiyon kung kaya't nagawa kong labanan sila ng walang alinlangan.




Kaagad akong tumungo sa ibabang bahagi ng mansyon matapos kong malagpasan ang mga sundalo. Bagamat madilim ang paligid dahil nagmistula itong kuwebang yari sa bato, ay naaninag ko ang selda ni Nena sa tulong ng mga lampara sa paligid.



Hindi pa man ako tuluyang nakakalapit sa kaniya'y tumutulo na ang aking mga luha. Mahigpit kong kinuyom ang aking kamao nang lumakad ako papalapit. Sa wari ko'y narinig niya ang aking mga hakbang kung kaya't sumilip siya mula sa kaniyang seldang yari sa kawayan.



"H-heneral Guevarra, p-paano po kayo nakapasok rito?" bakas ang pagkagulat sa kaniyang sugatang mukha.



Lumuhod ako upang pagmasdan siyang maigi at napailing sa kaniyang sinapit. Namamaga ang kaniyang mga mata, puno ng galos at mga pasa ang kaniyang mukha, at malalim ang mga sugat sa kaniyang mga braso na wari ko'y bunga ng paulit-ulit na hampas ng latigo.




"Nena, narito ako upang iligtas ka," pagkasabi ko nito'y kumuha ako ng malaking bato at akmang sisirain ang kandadong nakakabit sa rehas nang pigilan niya ako.




Hinawakan niya ang aking kamay at nakiusap, "Heneral, humihiling ako sa inyong lisanin ninyo ang lugar na ito. Ang kaparusahang igagawad nila sa akin ay kabayaran sa aking kalapastanganan."



"Ngunit–"



Naputol ang nais kong sabihin nang siya'y magsalita, "Heneral, bago ko pa man gawin ang aking kasalanan ay inihanda ko na ang aking sarili sa kamatayan. Hindi ko lamang lubos maisip na katulad ng aking mga magulang, ay mga dayuhan rin ang kikitil sa aking buhay."



Tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa. Iyan ang tumatakbo sa aking isipan habang pinagmamasdan si Nena. Nang marinig ko ang mga sundalo mula sa aking likuran ay hudyat na tapos na ang aking pagbisita. Bago ako tuluyang lisanin si Nena ay humiling itong huwag na siyang iligtas kung ang kapalit nito'y kapahamakan ng nakararami.




Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon