KABANATA 25: Dakip

3.2K 144 10
                                    

"B-buenas n-noches, Señora!" bahagyang tumaas ang aking boses sa labis na pagkabigla.



Nanatili akong nakayuko habang hinihintay siyang tumugon. Sa halip na magsalita'y nilagpasan ako ng ginang at pumasok sa silid ng kaniyang anak. Maya-maya pa'y taas noo itong umupo sa silyang nasa aking harapan.




Bumuntong hininga siya bago magsalita, "No le parece raro, general Guevarra, que en el cuarto del general de España se haya descubierto al general de San Fernando?" (Ikaw rin ba'y nagtataka, Heneral Guevarra, kung paano namataan ang heneral ng San Fernando sa loob ng silid ng heneral ng Espanya?)





Marahan akong tumingala upang masilayan ang kaniyang mga mata. Kung pagmamasdang maigi ay sadyang kahali-halina ang kagandahan ng ina ng heneral. Bagamat namana ng heneral ang katangian nito sa pisikal sa itsura lalo na ang bughaw nitong mga mata, ay batid kong hindi ako nais makita ng kaniyang ina.





"M-me disculpo por entrar a su mansión sin su permiso, Señora, y si me lo permite, me iría en este momento," (Ipagpaumanhin ninyo ang aking pagpasok sa inyong mansyon nang walang permiso, Señora. Kung inyo pong mamarapatin ay ako'y lilisan na).





Nang hindi siya tumugon ay marahan akong lumakad palayo. Hindi pa man ako tuluyang nakakalabas ng silid, ay mayroong binibining naghihikahos patungo sa aking kinaroroonan. Bakas man sa kaniyang mukha ang pag-aalala, ay hindi maikukubli ang kagandahan nitong taglay. Magmula sa kaniyang kulay gintong buhok na maayos na nakapusod, perpektong mukha, at kutis na kasing puti ng niyebe.




"Buenas noches, Señora," akin siyang binati at tumango ito bilang tugon bago pumasok sa silid kung nasaan naroroon ang ginang.





Binilisan ko na lamang ang pagbaba sa hagdan upang hindi makagambala sa kanilang usapan. Nang tuluyan akong makababa ay namataan ko ang napakaraming bagahe at ilang katuwang na ngayon ko lamang nasilayan. Naroon rin ang mga sundalong aking sadya kung bakit ako naririto.




"Buenas... noches, Heneral Guevarra!" bati sa akin ni Tristan.




Kasalukuyan niyang ibinababa ang ilang bagahe mula sa karwahe ngunit natigilan siya nang makita ako. Pilit siyang ngumiti nang batiin ko siyang pabalik. Matapos nito'y ipinagpatuloy niya ang kaniyang ginagawa.





Nakapagtatakang ang mga sundalo ng Espanya na malugod akong binabati noon, ay hindi man lamang ako matapunan ng tingin ngayon. Walang dudang nalaman na nila ang nangyari sa kanilang punong heneral.




Tiim bagang akong sumakay sa aking kabayo. Bago tuluyang lumisan ay muli kong sinulyapan ang malaking mansyon at ang mga taong nagbabantay roon. Humugot ako nang malalim na hininga kasabay nang pagtakbo ng aking kabayo pabalik sa aming mansyon.




"Démonos prisa!" (Bilisan natin!) ang malakas na sigaw na iyon ang umalingawngaw sa madilim na kagubatan.





Nang maaninag ko ang mga sundalong Espanyol na sasalubong sa akin ay napatigil ako. Sa tulong ng bilugang buwan ay malinaw kong nasilayan ang mga dala nilang baril. Dala ng aking takot ay nagkukumahog akong nagtago sa likod nang isang malaking puno habang minamatiyagan ang paligid.





Pakiwari ko'y mahigit sampung sundalong Espanyol na pawang armado ang nagmula sa hilaga. Pinangungunahan sila ng isang malaking karwahe na ang nagpapatakbo ay walang iba kung hindi si Paz. Tikom ang aking bibig hanggang sa tuluyan na silang mawala sa aking paningin.





Ito ang unang beses na namataan ko ang grupo ng mga sundalong Espanyol sa rutang ito, sapagkat madalas silang nasa timog kung nasaan ang pamilihang bayan.




"Bukod sa simbahan ng San Fernando ay wala akong maisip na kanilang sadya. Maliban na lamang kung ito ang aming..."


Hindi ako nag-aksaya pa ng oras at pinatakbo nang mabilis ang aking kabayo. Ang labis na pag-iisip nang negatibo ay hindi makakatulong sa akin, subalit bukod sa aming mansyon ay wala nang ibang lugar sa hilaga ang maaring puntahan ng mga armadong Espanyol.




Malayo pa lamang sa tarangkahan ay naririnig ko na ang hinagpis. Pigil ang aking paghinga nang bumungad sa akin ang mga sundalong sugatan na nakahandusay sa lupang aking sinilangan. Nagkalat ang dugo at mga balang wari mo'y patak ng ulan sa dami nito.




"Ryannel!" naghihikahos na sigaw ni Mang Romolo habang papalapit sa akin.




Hawak niya ang duguang itak at ang kasuotan niya'y puno ng dugo. Nagsusumamo ang kaniyang mga mata at naghahabol ito ng hininga. Hindi pa man siya nagsasalita'y tumutulo na ang aking mga luha.




"A-ang m-mga sundalong Espanyol, Ryannel," pagtatapat ni Mang Romolo nang aking tanungin kung sino ang may kagagawan nito.





Hindi mapigil ang aking pagluha nang tumakbo ako patungo sa loob ng aming mansyon. Doon ay aking nasaksihan ang mga sugatan naming katuwang at nagkalat na mga kagamitan. Labis ang aking kaba sa bawat hakbang na aking ginagawa hanggang sa marating ko ang tapat ng silid ni ina. Nakasarado iyon at wala akong lakas upang buksan ang pinto at malaman ang nasa loob nito.





Maya-maya pa'y bumukas ang pinto na siyang aking ikinagulat. Nakahinga ako nang maluwag nang malamang si Stella ang nagbukas niyon. Mahigpit ko siyang niyakap at napanatag sapagkat ligtas siya gayon rin ang aming ina.




"Patawarin ninyo ako sa aking paglisan, mahal kong ina at kapatid," pagsusumamo ko.





Mahina man ay pinilit ni ina na tumayo upang yakapin ako at sabihing, "Wala kang dapat ihingi ng tawad, anak. Ang mahalaga'y ligtas ka."




Pinunasan ko ang aking luha, "T-totoo bang ang mga sundalong Espanyol ang may kagagawan nito?"




Yumuko si Stella at tumango, "Opo, kuya. Binalaan nila kaming p-papaslangin kung hindi namin isusuko ang kanilang punong heneral at si Nena."




"Si Nena? Siya ba ang dahilan kung bakit nanlaban ang ating mga sundalo at mga katuwang?" tanong ko.




"Buo ang kanilang desisyon na paslangin si Nena sapagkat siya ang may gawa ng inuming naging sanhi ng pagkawala ng malay ng heneral," suplong ni Stella.



Umiling ako bilang pagtutol, "Hindi! Ang tunay na salarin ay ako. Ang lahat ng nangyaring ito ay dulot ng aking kasakiman. A-ako dapat ang tinangay nila. N-nararapat lamang na ako ang paslangin nila at hindi si Ne–"



Napatigil ako nang dumapo sa aking kanang pisngi ang palad ni ina, "Anak, paano kami? Kung tinangay ka ng mga sundalong Espanyol at paslangin nang walang kalaban-laban, ay paano ang buong San Fernando? Anak, hindi mo kailangang akuin ang kasalanang hindi ikaw ang may kagagawan! Sa tingin mo ba'y ininom ng heneral ng Espanya ang lason na dapat ay para sa iyo kung ang kapalit nito'y ang iyong kamatayan?"





Hinaplos ni ina ang aking mukha at pinahid ang mga luha, "Nakasisiguro akong mayroon pang ibang paraan, anak. Huwag mo hayaang kainin ka ng iyong konsensiya."




-Terrorious


×××

Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon