KABANATA 47: Kalayaan

4.2K 119 73
                                    

Tatlong taon na ang nakalipas subalit malinaw pa rin sa aking isipan ang huling pag-uusap namin ni ama bago ito sumabak sa rebolusiyon. Ninais sakupin ng mga kastila ang aming buong kapuluan at gawin itong kaninang pormal na teritoryo. Noong una'y ipinatupad nila ang ebanghelisasiyon na isang mapayapang paraan ng paglaganap ng kristiyanismo. Ngunit nagsimula ang pagtutol ng mga pilipino nang kanilang ipamulat ang estratehiyang kolonisasiyon na kasalungat ng naunang estratehiya. Nagsisimbolo ito ng espada dahil ginagamitan ito ng lakas-militar.





"Anak, nauunawaan ko ang iyong kagustuhang ipaglaban ang ating kapayapaan subalit hindi maaaring walang kasama ang iyong ina at kapatid rito. Paano na lamang kung mapadpad ang mga kastila rito? Sino ang poprotekta sa kanila?" paliwanag ni ama.





Ang kaniyang tinig ay waring nakikiusap. Kasalukuyan kaming nagtatago sa parokya ng San Fernando kasama ang ilan pang lokal na hindi kasapi ng militar. Base sa nakalap na balita ay mahigit siyam na raan na ang nasawi dulot ng rebolusiyon sa karatig bayan. Kung hindi kikilos ang sandatahang militar ay mas marami pang sibilyang masasawi.





"Marcelo, mag-iingat ka. Mag-iingat kayo ng magigiting nating mga sundalo. Hihintayin ko ang iyong pagbabalik, mahal ko," niyakap ni ina si ama nang napakahigpit. Nagsimula itong tumangis na siyang nagbigay ng kirot sa aking puso.




Nakasisiguro akong lahat ng pamilya ng mga sundalong naririto sa parokya ay hindi nais pakawalan ang kanilang mahal sa buhay lalo pa't malalagay ang mga ito sa kapahamakan upang makamtan ang kalayaan. Hinalikan ni ama ang aking ina at nangakong babalik ito. Ang kapatid kong si Stella ay yumakap rin kay ama. Ang senaryong aking nasasaksihan ay tunay na makabagbag damdamin.





"Heneral Guevarra, kailangan na po nating humayo! Paubos na ang mga sundalo sa karatig bayan," abiso ng isa sa mga sundalo.





Tumango si ama at kumalas sa yakap nina ina at Stella. Lumapit ito sa akin at inabot ang supot na wari ko'y naglalaman ng ginto at isang baril. Nakatitig ako sa kaniyang mga matang nangungusap.





"Anak, ang kayamanang iyan ay pakaingatan mo. Gamitin mo iyan sa oras ng kagipitan. Kung ako'y mabigo at hindi na makabalik muli, nakikiusap akong protektahan mo ang iyong ina at kapatid. Gagawin ko ito upang ipaglaban ang ating karapatan. Ang ating kalayaan. Mahal na mahal ko kayo," habilin ni ama bago ito lumabas sa kapitolyo kasama ang mga sundalo.





Sampung araw ang lumipas at nakarating sa amin ang balitang nakamtan na ang kalayaan sa wakas. Matiyagang naghintay ang lahat ng mga pamilya sa labas ng kapitolyo sa pagbabalik ng kanilang mahal sa buhay. Sa tatlong raang sundalo ng San Fernando na lumisan upang makipaglaban sa mga kastila, lima lamang ang nakabalik at wala roon si ama. Nakamtan man namin ang minimithing kalayaan ay hindi ito maramdaman. Kalayaan na ang naging kapalit ay pagluluksa sa mga taong ipinaglaban ito.





Hindi pa man ako lubos na handa ay iginawad sa akin ng mga mamamayan ng San Fernando ang pagiging punong heneral. Saksi ang lahat lalo na ang limang sundalong nakaligtas sa giyera sa kagitingang ipinamalas ng aking ama at naniniwala silang ako ang magpapatuloy nito. Isa itong napakalaking responsibilidad at hindi ko sila nais biguin kung kaya't gayon na lamang ang kagustuhan kong maibalik sa akin muli ang pagiging punong heneral kahit buhay ko pa ang nakalaan.





"Anak, sa wakas at nagkamalay ka na," ani ina at dinampian ng halik ang aking noo.




Napangiwi ako sa sakit nang maramdaman ang sugat sa aking tiyan ngunit hindi iyon naging alintana upang mayakap ko nang mahigpit ang aking ina. Sunod-sunod na tumulo ang aking mga luha habang si ina ay hinahaplos ang aking likuran, pinakakalma ako nito.




"Ina, n-nanaginip po ako," nahikbi kong sabi.




"Masama ba ang iyong naging panaginip, anak?" tanong nito.





Umiling ako, "Hindi po. Masaya po itong panaginip. Nakita ko pong muli si ama."





Pinawi ni ina ang aking mga luha at binigyan ako nang matamis na ngiti. Bakas sa kaniyang mga mata ang pangungulila kay ama. Ang pagdaramdam ay naalintana nang aking mapagtanto ang pamilyar na paligid.





"Kuya! Salamat sa diyos at gising ka na," halos malagutan ako nang hininga nang pumasok sa silid si Stella at biglaan akong niyakap nang napakahigpit.




"N-nais mo ba akong mamahinga nang tuluyan, Stella?" pabiro kong tanong.




Itinigil nito ang pagyakap nang mapansing nahirapan ako sa paghinga. Doon ko lamang napagtanto ang pamilyar na silid kung nasaan kami sa ngayon. Inilibot ko ang aking paningin upang masigurong hindi ako namamalik-mata. Maging ang kanilang mga kasuotan ay malayo sa kasuotan nila sa isla.




"Ina, Stella, a-ang silid na ito..."




Tumango si ina, "Kung ano ang iyong nakikita ay totoo, anak. Narito na tayong muli sa ating mansyon."





"Ngunit, p-paano-"





"Isang buwan ka pong walang malay, kuya, at sa loob ng isang buwang iyon ay napakaraming nangyari," masayang wika ni Stella.




Hindi maproseso ng aking isip at diwa ang aking narinig.





"Batid kong napakaraming tanong ang nais mong masagot, anak. Hayaan mong ipaliwanag ito ng taong karapat-dapat sumagot nito," hinaplos ni ina ang aking mukha bago nito bigyan ng senyales si Stella na lumabas ng aking silid.




Nang sumara ang pinto ay sinulyapan ko ang aking sikmura na ngayo'y may bendahe. Bukod sa sugat ko roon ay mukhang magaling na ang ilang sugat sa ibang parte ng aking katawan. Bumaling ang aking buong atensiyon sa pinto nang bumukas iyon at iniluwal si Heneral Vicencio at isang lalaki na nakasisiguro akong isa ring Espanyol. Hinarangan ni Heneral Vicencio ang lalaki bago pa man ito tuluyang makapasok sa silid at binigyan ako nang matalim na tingin. Doon ko lamang napansing nakataas pa rin ang aking pang-itaas na kasuotan. Dali-dali ko iyong ibinaba.





"Javier, no puedo pasar!" (Javier, hindi ako makadaan), ani ng lalaki. Hindi pa rin siya nais papasukin ni Heneral Vicencio.




"Lo siento, Santiago. No me di cuenta que me seguías." (Pasensiya na, Santiago. Hindi ko namalayang nakasunod ka sa akin), ang tono ng heneral ay tila mapagbiro.





Umiling ang lalaking may pangalang Santiago. Nagtungo sa aking tulugan ang ginoo at ninakawan ako ng halik sa noo. Nanlaki ang aking mga mata sa pagkabigla.




"Kay tagal kong hinintay ang iyong paggising, aking sinta," malambing nitong sabi.




Una kong napansin ang maliliit na balbas sa itaas at ibabang labi nito gayon din sa kaniyang panga. Ang kaniyang asul na pares ng mga mata, matangos na ilong, manipis at pulang labi ay napakaganda pa ring tingnan. Makisig pa rin ito gaya noong huli ko siyang makita.




Tumikhim ang lalaki sa likuran ng ginoo at nagpakilala sa wikang Espanyol, "Magandang araw, Heneral Guevarra. Ako nga po pala si Santiago. Ako po'y kaibigan ni Javier at isang bihasang manggagamot sa Espanya. Ako po ang naatasang gumamot sa inyo hanggang sa tuluyan nang gumaling ang inyong mga sugat."





"Maraming salamat, Santiago. Maari mo akong tawaging ginoo. Hindi ako nararapat na tawaging Heneral sapagkat si Heneral Gerardo ang pumalit sa akin," paglilinaw ko.





"Aking sinta, nararapat lamang na tawagin kang Heneral Guevarra sapagkat ikaw na muli ang heneral ng San Fernando. Matagumpay na napatalsik sa puwesto si Don Gerardo nang atakihin ito sa puso at sumakabilang buhay," napaawang ang aking labi sa balitang ibinahagi ng ginoo.



-Terrorious

×××

Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon