1: Kyrus, Nandito Ang Crush Mo!

22 1 0
                                    

"Isarado mo na 'yang bintana, Isla. Ano pa ba kasing sinisilip mo riyan, apo?" putol ni lola sa tahimik kong pagmamasid sa labas ng aming bahay.

Napakamot ako sa aking ulo at nakalabing umayos mula sa aking pagkakaupo. Labag man sa aking loob ay tinanggal ko na ang tukod ng aming bintana saka ito isinarado. Tahimik ko itong ginawa. Ayaw ko namang masermunan ulit ni lola.

"Pssst!"

Nilingon ko si ate na sinisitsitan ako. "Ano na naman 'yon, ate?" wala sa mood kong tanong sa kaniya saka naupo paharap sa aming munting TV.

Naramdaman ko ang pagbigat ng upuan sa aking gilid pagkaupo ni ate sa tabi ko.

"May crush ka sa labas, nuh?" Kinurot ako ni ate sa aking tagiliran na ikinangiwi ko.

"Aray ko naman, ate," angil ko. Mahina lamang iyon ngunit hindi ko maiwasang hindi mag-react. Nakakainis lang naman kasi talaga, eh. Kung kailan ako ang nananahimik saka nila ako kukulitin. "Wala," mariing dugtong ko sa aking sinasabi.

"Siguraduhin mo lang," makahulugan niyang sambit habang ang buong atensyon ay itinuon sa pinapanood na balita sa TV.

"Wala na pala tayong asin. Hay, na'ko, piling. Matanda ka na talaga..." Napalingon kami sa kusina kung nasaan si lola. Rinig na rinig namin ang pagreklamo niya mag-isa. "Mga apo," tawag niya kapagdako sa amin.

Paniguradong magpapabili si lola.

"Ikaw na ang bahala riyan, Isla," nakangising sambit ni ate saka nagmamadaling tumayo at tumakbo pabalik ng kaniyang kuwarto.

"A-Apo? Asan na ang ate mo?" hinanap ni lola si ate.

"Sumibat na po, lola," masama ang loob na sambit ko.

Napailing-iling si lola. "Ay, 'di bale na lamang Isla... Ikaw na lang, apo. Bilhan mo nga si lola muna ng asin doon," utos niya sa akin habang binibilang ang kaniyang barya sa kamay.

Ang tamad-tamad talaga ni ate. Hays! Nanlulumo akong napatayo.

"Hayan," ani lola saka ako inabutan ng pera sa aking palad.

Sinulyapan ko iyon at binilang muli. Nagulat ako. "Lola, sobra po!" habol kong sambit kay lola.

Ngumiti lamang si lola sa akin at tumango. "Pambili mo na lamang 'yan ng ice cream, apo..."

Isang malawak na ngiti ang sumilay sa gilid ng aking mga labi.

Bigla tuloy akong napatalon sa katuwaan. "Thank you, lola!" masayang sambit ko.

"Bibili na lamang po muna ako ng asin bago bumili ng ice cream para hindi na kayo maghintay," ani ko.

Natawa naman si lola sa aking tinuran. "Aba'y ikaw ang bahala, apo," ani niya.

Tumakbo ako palabas ng aming bahay. Excited na akong kumain ng ice cream.

Nakalimutan ko na nga rin ang sinisilip ko kanina mula sa bintana nang marinig ko ang boses ng mga binatang nag-uusap sa waiting shade. Katapat lamang iyon ng kapitbahay namin.

Mariin akong napapikit at impit na natilihan. Masyado akong na-excite. Ni hindi man lang ako nakapagsuklay ng aking buhok o nakapagpulbos man lang sana.

Nais kong batukan ang aking sarili  dahil sa aking pagkalimot.

Habang papalapit ako sa kanilang tapat ay kinakabahan ako. Gustong pumulupot ng isa kong paa sa kabila. Ramdam ko pa ang biglaang pamamawis ng magkabila kong kilikili.

Nakaharap na ako ngayon sa tindahan kaya malamang nakatalikod ako ngayon mula sa kanila. Gayunpama'y dinig ko pa rin ang kanilang mga boses. Boses na binatang-binata na.

"Ehem." Saglit kong inalis ang pagkabara sa aking lalamunan bago nagtawag ng nagtitinda. "Tao po!" Sinadya kong pagandahin ang aking boses.

Ngunit ilang beses na yata akong kumakatok at nagtatawag ay wala pa ring gumagalaw upang pagbentahan ako.

Inis kong pinukpok ang barya sa riles. "May tao po ba riyan?!" hindi na nakatiis kong sambit sa nanggigigil na boses.

Tuloy ay umiral ang kamalditahan ko nang wala sa oras.

"Tol, wala yatang tao sa bahay niyo. Pagbentahan mo kaya muna 'yong batang babae," ani Isandro na ikinasinghap ko. "Kawawa naman, kanina pa sigaw nang sigaw. Haha! Namamaos na, tol."

Hindi ko maiwasang panlakihan ng mga mata dahil sa aking narinig. Anong itinawag niya sa akin? Batang babae?

"Naglalaro na naman siguro ng ml itong si Kyrus kaya hindi niya naririnig," inis na sambit ni Kuya Fernon.

"Adik, haha!"

Nakagat ko ang ibaba kong labi pagkarinig ko sa tawa ni Isandro. Kahit na tinawag niya akong batang babae, ayos lang, basta crush ko pa rin siya.

"Ano 'yon, Isla?" tanong sa akin ni Kuya Fernon bago pumasok sa tindahan.

"Pagbilhan nga po ng asin, kuya," mahinhin kong sambit.

"Iyong tag-sampu ba?"

Napatango ako. "Iyan nga po, kuya."

"Kyrus, nandito ang crush mo!" sigaw ni Kuya Fernon na ikinalaki ng mga mata ko.

Hayan na naman siya sa pang-aasar sa akin. Wrong timing pa! "H-Halah si Kuya Fernon," nauutal kong sambit sa kaba sapagkat alam kong posible na naririnig kami ni Isandro.

"Binibiro lamang kita, Isla," ani Kuya Fernon habang malawak ang pagkakangiti. "Pero sinabi kasi talaga sa'kin ni Kyrus na ikaw daw ang crush niya, eh."

Napangiwi ako. Ang tagal naman iabot sa akin ang sukli at hindi na nakakatuwa ang pinagsasabi ni Kuya Fernon. Mamaya niyan ay maniwala pa si Isandro at isipin na si Kyrus talaga ang crush ko.

Ayaw ko nga kay Kyrus. Classmate ko siya. Ang tamad-tamad at mahina sa klase. Walang ibang alam kundi kumain, magbarkada, magbulakbol o hindi naman kaya ay maglaro ng ml.

Madalas ko pa ngang marinig minsan kapag bumibili ako rito sa tindahan na pinapagalitan ng mama niya dahil sa sobrang katamaran.

"Ang sukli mo, Isla," ani niya sabay abot sa akin ng kuwarenta pesos kong sukli.

"Salamat, kuya," ani ko saka tumalikod.

Ngunit natilihan ako nang sa aking pagharap ay gadipa na lamang ang layo ni Isandro sa akin. Hanggang balikat lamang ang taas ko sa kaniya. Nakapamulsa siya sa aking harapan ngunit saglit lamang niya akong tinapunan ng sulyap at nilagpasan na ako.

Napasinghap ako. Ang guwapo at ang bango bango! Saglit akong natulala mula sa aking kinatatayuan saka ikiniling ang aking ulo sa bandang kanan.  Kagat-labi akong napatakbo pabalik ng aming bahay.

Kyaaah! Kinikilig kong hinawakan ang magkabila kong pisngi bago pumasok sa aming bahay.

"Lola, heto na po ang pinapabili mong asin," ani ko sabay pasok sa kusina.

"Sakto ka lang, apo," ani lola at kumunot ang mukha pagkakita sa aking mukha. "Bakit ka nga pala namumula, apo?"

Nanlalaki ang mga matang napatalikod agad ako mula kay lola. "W-Wala po ito, lola!" maagap kong sagot saka nagtungo sa kuwarto ko.

Agad kong isinarado ang pinto at humarap sa malaking salamin.

~ itutuloy ~

His RetributionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon