"Oh, gabi na. Sa'n ka pa pupunta, Isla?" gulat na tanong ni papa sa akin nang makasalubong ko siya sa pintuan.
Siniyasat niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
Kinabahan ako ngunit umakto lamang ako nang normal. "May bibilhin lang po, papa," agad kong sagot sa kaniya.
"Anong bibilhin?" muling tanong ni papa. Salubong ang kilay na inilapag ang bitbit niyang bag sa sofa kapagdako.
"Nariyan ka na pala, Rufer," ani lola na kalalabas din mula sa kusina.
"Opo, 'ma," ani papa. Kasalukuyang nagtatanggal ng sapatos. Tinapunan niya ako ng sulyap kapagdako. "Itong apo niyo, may bibilhin daw sa labas kaya tinanong ko kung ano," ani niya kay lola.
Nag-aalala naman akong tinapunan ng sulyap ni lola. "Ahays! Ikaw naman, Rufer. Napakahigpit mo naman sa mga bata. May inutos lang naman ako rito kay Isla na bilhin," nakangiwing puna ni lola kay papa.
"Ay, siya... Gano'n ba?" Napatangu-tango si papa at sinenyasan ako na umalis na. "Bumalik ka kaagad," mahigpit niyang bilin sa akin.
Tumango naman ako bago lumabas ng pinto. Saka lamang ako nakahinga nang maluwag pagkalabas ko.
Mabuti na lamang pala at hindi masyadong makapal ang pulbos na inilagay ko sa aking mukha. Dahil kapag nagkataon, baka napuna pa iyon ni papa.
Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong-hininga bago naglakad palabas ng bakod namin.
Pasimple kong sinilip sina Isandro sa puwesto nila kanina ngunit laking panluluno ko nang mapagtanto na wala naman na sila roon. Napakamot ako sa aking buhok. Wala na kaya talaga sila?
Dumaan ako sa harap ng tindahan nila Kuya Fernon ngunit hindi ko naman na sila napansin.
Akmang lalagpas na ako nang marinig ko ang pagtawag sa akin ni Kyrus.
"Isla!"
Awtomatikong nagsalubong ang aking kilay dahil sa pagtawag niya. "Ano?" nababagot kong tanong sa kaniya.
Lumabas pa talaga siya ng kanilang tahanan para lamang harapin ako.
"Sa'n ka pupunta?" nakangisi niyang tanong sa akin na para bang close kami.
Inginuso ko ang labas ng kanto. "Diyan lang, may bibilhin," tipid kong sagot sa kaniya. "Bakit, sasama ka?" sarkastiko kong tanong sa kaniya.
Tinawanan lamang ako ng loko. "Ayaw ko nga, baka mamaya isipin nila na girlfriend kita," mahanging sambit niya na ikinasinghap ko.
"Duh?" Ipinaikot ko ang aking mga mata sa ere. "Seryoso ka ba riyan sa pinagsasabi mo, Kyrus? As if naman gusto kitang maging boyfriend!" Inis akong napatalikod at naglakad na paalis. Nakakairita!
"Sungit," rinig kong pahabol niyang komento. "Ingat ka, my loves!" pang-aasar niya lalo sa akin na ikinatigil ko.
"Siraulo!" nanggigigil kong sigaw pabalik sa kaniya habang nagmamadali sa paglakad paalis.
Tinawanan lamang ako ng mokong.
Medyo malayo ang bilhanan ng ice cream kaya sinadya ko talagang unahin bilhin ang asin. Sa labas pa kasi 'yon ng eskinita.
"Tao po!" malakas ang boses na tawag ko sa tindera roon.
Excited na pa naman ako sa aking ice cream.
"Ano 'yon?" mataray na tanong ng babaeng kaedaran ko lang.
"Isa nga nitong ice cream," ani ko habang inaabot ang aking bayad.
"So, anong flavor?" tila ba nagmamadaling tanong niya sa akin. "Ambagal," rinig kong bulong niya.
"Chocolate, aba'y pasensiya ka na ha!" nakaingos kong sambit na ikinagulat niya. Akala niya siguro hahayaan ko siyang tarayan ako.
Ate ko lang ang puwedeng magtaray sa akin. Duh!
Agad akong umalis pagkakuha ko sa bayad. Nairita talaga ako sa kaniya. Hindi lamang iisang beses kundi ilang beses na 'yang nakabusangot kapag ako ang pagbebentahan. Ewan ko lang sa iba, ah. Pero nakakaimbyerna lang.
Tumalikod na ako.
"Bye, Isandro."
Nanlalaki ang mga matang nag-angat ako nang paningin. Ilang agwat ang layo sa aki'y may isang babaeng nakahawak ang mga kamay sa baywang ni Isandro at nakatingkayad ito. Akmang hahalikan ang lalaki.
Huli na para mag-iwas ng tingin sapagkat kitang-kita ko ang kanilang paghahalikan.
'Yong babae, mukhang kaedaran lamang din ni Isandro sapagkat hindi nagkakalayo ang taas nilang dalawa.
Natapos ang halik at nakatulala pa rin ako habang nakamasid sa kanilang dalawa.
"Maraming salamat," ani Isandro.
Napayuko ang babae at tila nahihiya. "Walang anuman," anito. "Mauna na ako." Patakbong umalis ang babae mula sa harapan ni Isandro.
Ngunit tuluyan yatang nalaglag ang panga ko nang salubungin ni Isandro ang aking tingin at ngisihan ako. "Hoy, bata... Nag-enjoy ka ba sa view?" sarkastikong tanong niya mismo sa akin sa katawa-tawang tono.
"S-Sira!" nauutal sa sobrang kahihiyan kong sambit sa kaniya at humarurot na ng takbo paalis.
Hinihingal akong napahinto nang malapit na ako sa aming bahay. Inis kong nasapo ang aking noo gamit ang aking palad. Ramdam ko ang pag-iinit ng magkabila kong pisngi sa sobrang kahihiyan.
Enjoy the view daw! Puweh! Ang landi nga nila ng babaeng 'yon. Crush ko siya kaya bakit naman ako mag-eenjoy? Kung alam lang ni Isandro ang nararamdaman ko. Nanggigigil pa nga ako sa lagay na ito. Sino ba ang babaeng 'yon para halikan si Isandro? Nakakairita lang.
"Pssst!"
Napalingon ako sa waiting shade kung saan nakatambay sina Isandro at Kuya Fernon kanina.
Si Kyrus muli iyon. Mas lalo tuloy nagsalubong ang kilay ko pagkakita muli sa kaniya. "Ano ba?" hindi ko naitago ang iritasyon sa aking tono ng pananalita. "Puwede bang huwag mo akong sitsitan. Ang pangit pakinggan."
Totoo naman. Lalo na kapag lalaki ang sumisitsit sa'yo.
Napangiti siya. Kita ko iyon sa kabila ng madilim na parteng iyon ng kalsada.
"Bumili ka pala ng ice cream. Ang daya, hindi ka man lang nagyaya," ani niya na ikinalaki ng aking mga mata.
Seryoso? Hindi ko alam kung bakit ako nakaramdam ng pagkailang at nag-uumpisa na akong mag-over think sa pakikitungo sa akin ni Kyrus.
Bakit ko ba kasi narinig mula kay Kuya Fernon na crush ako nitong mokong na ito? Posibleng biro pero hindi ko talaga maialis sa aking isipan.
"Bakit naman kita yayayain?" Pinilit kong patapangin lalo ang boses ko.
Nais kong iparating sa kaniya na ayaw ko siyang makausap ngayon.
Ngumisi siya. Kitang-kita ko ang guhit ng ngiti sa gilid ng kaniyang mga labi. "Dahil crush mo ako?" Haya'n na naman siya sa pang-aasar niya.
Ganiyan naman talaga niya ako asarin ngunit nabibigyan ko lamang ng kulay ngayon.
Bahagya kong naikiling ang aking ulo sa bandang kanan. This is bad. Pakiramdam ko tuloy tama si Kuya Fernon. Kyrus has a crush on me.
"Ang kupal," ani ko saka ipinaikot ang aking mga mata sa ere. Nilagpasan ko na siya pagkatapos.
Rinig ko pa rin ang nakakaasar na tawa ni Kyrus kahit nasa bakod na ako ng aming tahanan.
Mukhang hindi talaga 'yon biro. Crush ako ni Kyrus. At ano nang gagawin ko ngayon?
~ itutuloy ~
BINABASA MO ANG
His Retribution
Romance"I don't like you, Isla," nakangising sambit ni Isandro sa kaniya. "Look at yourself. May gatas ka pa sa labi." Nangilid ang mga luha ni Isla sa kaniyang mga mata. Nagtawanan ang mga barkada ni Isandro. Pahiyang-pahiya siya sa lahat ng nakasaksi ng...