Magkakasunod na katok ang nagpabilis sa aking mga kilos. Dinampot ko ang suklay at agad na binitbit ang sarili kong bag.
"Isla, nariyan na ang service niyo!" sigaw ni ate sa akin. Hindi pa siya nakuntento at padabog niya nang kinakatok ang pinto ng kuwarto ko. Na para bang handa niya na iyong gibain kapag hindi pa ako lumabas.
"Nariyan na ate!" maagap kong sambit sa malakas na boses sabay bukas ng pinto.
Tumambad ang matalim na tingin ni ate sa akin. "Ano 'yang hitsura mo?" nang-uusig ang kaniyang boses. "Hindi ka pa nakasuklay. Sinabi naman kasing magising ka nang maaga," sermon niya sa akin saka iiling-iling na umalis.
Makapagsalita naman. Parang siya hindi nali-late. "Tsk!" angil ko saka naglakad patungo sa pinto.
Muntikan na akong atakehin sa puso nang biglang sumulpot sa labas ng pinto si Kyrus. "Good morning, Isla!" awkward niyang bati sa akin habang nakamasid sa hitsura ng aking buhok.
Napaismid ako. Muntik ko nang makalimutan na iisa nga lamang pala na service ang sinasakyan naming dalawa. Palibhasa'y malayo pa ang school namin. Doon pa sa bayan.
"Tara na!" ani ko saka siya nilagpasan.
"Oh, nariyan na pala si Isla!" rinig kong sambit ni Peter.
Narinig ko ang pag-angil ng kaibigan kong si Wina pagkakita sa akin. "Ang bagal mo talaga kahit kailan," bungad niya sa akin habang iiling-iling.
"Pasensiya na," nakangising sambit ko. "Napasarap sa tulog, eh." Pumasok na ako sa loob ng tricycle at doon nagsuklay. Ako na nga lang pala talaga ang hinihintay.
"Palagi naman," rinig kong komento ni Kyrus na nakapuwesto sa tabi ni manong. Palibhasa'y center tricycle ang service na minamaneho ni Manong Robert.
Masama ang tingin na iniukol ko kay Kyrus kahit na nakatalikod pa siya mula sa akin. Siniko ko nga. Pero marahan lang naman.
"Kita mo 'yan, Manong Robert?" nakatawang sambit niya pagkalingon sa akin.
"Oh, bakit?" nagtatakang tanong naman ng driver na walang kaalam-alam sa aking ginawa na pagsiko kay Kyrus.
Sinamaan ko lalo ng tingin si Kyrus. Umagang-umaga ay naiimbyerna ako sa kaniya.
Makahulugang ngisi ang rumihestro sa kaniyang mga labi. "Nananantsing, manong, eh!" pang-aakusa niya sa akin na ikinasinghap ko.
Nagtawanan lahat ng mga kasama namin sa loob ng sasakyan. Ramdam ko ang pag-init ng aking mga pisngi dahil sa pagkapahiya.
"N-Nananantsing ka na riyan," nauutal kong sambit sa kaniya at napakurap. "Bakit ko naman gagawin 'yon, aber?" Nanggigigil ako kay Kyrus. Ang sarap niyang sambunutan sa buhok. Sa totoo lang!
"Uy!" nang-aasar na sambit ni Wina sa aming dalawa. "Wala na kayong ibang ginawa kundi magbangayan. Baka mamaya niyan, kayo na nga ang magkatuluyan. Hahaha!"
"Imposible!" Mariin akong napapikit saka humugot ng isang malalim na hininga. "Hindi mangyayari 'yan," nakakasigurong sambit ko sabay iling.
Himalang umayos naman na ng pagkakaupo si Kyrus kapagdako. Tumikhim bago nagsalita. "Wala akong balak mag-girlfriend ng babaeng hindi nagsusuklay," parinig niya sa akin.
Pinagkiskis ko ang aking mga ngipin. "Mabuti naman kung gano'n," parinig ko sa rin sa kaniya. "Pero fyi lang, guys, kahit na hindi ako magsuklay, alam niyo namang maganda pa rin ako..."
Naghiyawan ang aming mga kasamahan. Nginisihan ko lamang sila.
Naiiling na lamang si Manong Robert sa amin.
"Pasensiya ka na po, manong," magalang na paghingi ng pamaunhin ni Kyrus dito.
Na-guilty naman akong bigla. Late na nga ako tapos napakaingay ko pa.
"Sorry po," nahihiyang sambit ko pagkatapos kong mapagtanto ang aking kamalian.
"Ayos lang," anito habang pinaaandar ang sasakyan. "Ayos lang na mag-asaran kayo riyan basta walang magkakapikunan, ha? Aba'y mabalaan ko nga kayo. Diyan mismo nag-umpisa ang lovestory nina Pedring at Pinay!" ani Manong Robert na ikinalaglag ng aking panga.
Nagbibiro ba ito?
Nanatili na lamang akong tahimik buong biyahe habang sinusuklay ang aking buhok.
"Galit ka ba sa akin, Isla?" nakikiramdam na tanong sa akin ni Wina nang naglalakad na kami patungo sa aming klasrum.
Hindi ako umimik. Diretso lamang ang aking tingin sa daanan. Nagtatampo ako sa kaniya dahil nanggaling mismo sa kaniya ang unang pang-aasar sa'min ni Kyrus kanina.
Palibhasa'y hindi naman ako nagkukuwento sa kanila tungkol sa crush ko. Malay ba naman nila na si Isandro pala ang crush ko.
Hmp! Basta si Isandro lamang ang gusto ko. Kahit na anong mangyari. Siya lamang ang gusto ko.
"Nabalitaan niyo na ba?"
Ipinagpatuloy ko ang aking pagsusulat. Nangongopya ako ng assignment sa math ni Wina nang biglang tumabi sa amin si Kwala at may bagong chismis.
"Ano 'yon?" kyuryos kong tanong kahit na ang mga mata'y nanatiling nakatuon sa aking isinusulat. Hindi yata ako papahuli basta chismis.
Ayos na kami ni Wina kaya nga nakahiram na ako sa kaniya ng assignment. Nais ko pa nga sana siyang tiisin kaso bigla niyang ipinaalala na may assignment kami sa math. Hindi ko iyon nagawa. Mabuti na lamang at napaalala niya agad sa akin.
"May bagong transferee na babae tapos sobrang ganda niya!" kinikilig na kuwento nito.
Napailing ako ngunit nanatili ang tingin sa aking kinokopya. Buong akala ko pa naman kasi ay kung ano na 'yon.
"So?" nanliliit ang mga matang tanong ko. Mas lalo kong binilisan ang aking pagsusulat.
"So?!" halos magkapanabay na ulit nina Kwala at Kwala sa aking itinuran.
Maang akong nag-angat ng tingin at pinagmasdan ang pagkadismaya sa kanilang mga mukha. Hindi ko napagilang mapabunghalit ng tawa. "Anong klaseng reaksyon 'yan? Para kayong natatae," pagbibiro ko.
"Nakalimutan mo na ba?" kuwestiyon sa akin ni Kwala at nagkibit ng balikat. "Ang ibig-sabihin lamang niyon ay tapos na ang maliligayang araw ni Ursula. The new queen has arrived, she should take the crown from that bitch..." Nakangisi ito at halatang may masamang binabalak.
Napangiwi naman ako. "Ang galing niyo talaga mag-assume," labas sa ilong kong sambit. "What if mas bitch ang tinutukoy niyong bagong sampa na 'yon? Isa pa, hindi porke't sobrang ganda ay matalino na. Baka nakakalimutan niyong hindi lamang mukha ang meron si Ursula, kundi katalinuhang ni kalingkingan ay wala tayo." Sarkastiko akong tumawa sa huli.
Nagsikamot naman sila.
"Matalino naman ako," ani Wina, "kayo lang talaga ang hindi..." Nilakihan niya kami ng mga mata sabay ngiwi na ikinailing ko.
"Grabe ka!" asik ni Kwala sa kaniya.
Pinalagpas ko na lamang sapagkat may kailangan pa ako sa kaniya. Hindi pa ako tapos kumopya ng assignment. Kahit na alam naming tatlo na pinagawa lang ni Wina 'yon sa kaniyang tutor.
"Totoo naman," labas sa ilong na sambit ko kay Kwala.
Siniko naman ako nito. "Ikaw lang 'yon, Isla. Mas mataas ako ng isang point sa inyo sa math kahapon sa quiz," giit niya na ikinasinghap ko.
Grabe! Proud na proud siya sa isang puntos, ha? Tsk!
Asar kong ibinagsak ang ballpen sa ibabaw ng aking notebook. I'm done! Yes! "Ewan ko sa inyo. Basta ako alam kong matalino ako, tamad nga lang," taas-noong sambit ko sabay tayo upang magtungo sa cr.
~itutuloy~
BINABASA MO ANG
His Retribution
Romance"I don't like you, Isla," nakangising sambit ni Isandro sa kaniya. "Look at yourself. May gatas ka pa sa labi." Nangilid ang mga luha ni Isla sa kaniyang mga mata. Nagtawanan ang mga barkada ni Isandro. Pahiyang-pahiya siya sa lahat ng nakasaksi ng...