Kabanata 3: Las Espadas

15 0 0
                                    

Gabi na ngunit abala pa rin sa pagtatrabaho si Robert. Kasalukuyan niya ngayong iginuhit ang panglabing-isang kabanata para sa kaniyang webtoon story na Hanggang Sa Muli. Hindi niya alintana ang pagkatok ng nasa kabilang bahagi ng silid kaya't pumasok na ito.

"Pa, kumain ka po muna. Balita ko hindi ka pa po nanananghalian kaninang nasa office ka." Wika ni Clara na nilalapag ang pagkaing dala para sa ama sa kabilang mesa. Ngunit patuloy pa rin si Robert sa paggawa ng kaniyang istorya na hindi pinansin ang sinabi ng anak.

Pinagmasdan ng dalaga ang pinagkakaabalahan ng kaniyang ama. Napangiti si Clara nang maalala ang mga tanong ng guro sa kaniya kanina sa paaralan na tila hindi rin pinapalagpas ang bawat kabanatang inilalabas ng kaniyang ama. "Wala ka pa ring kupas papa!" Natutuwang sambit nito sa ama.

Agad na napatingin sa kaniya si Robert na walang bahid ng reaksyon. Agad na napatahimik ang dalaga at kinagat ang ibabang labi upang mapreno agad nito ang bibig. "Nilutuan ko po kayo ng paborito niyong adobo. Kumain po muna kayo." Pag-iiba ni Clara ng usapan.

"Tatapusin ko lang sandali ito." Wika ni Robert sa anak. Napatango naman ang dalaga bilang pagsang-ayon at umalis na rin ito sa silid ng ama.

Pagdating ni Clara sa kaniyang silid ay agad namang isinuot nito ang kaniyang salamin na nasa tabi ng laptop. Uminat-inat pa ito bago simulan ang gawain. Hindi rin nagtagal kaniya ng pinagpatuloy ang paggawa ng powerpoint presentation para sa kanilang magiging aralin bukas. 

Isang oras rin ang kaniyang iginugol sa paggawa ng kanilang magiging paksa bukas. Alas onse kinse na ng gabi at napipikit na ang mga mata nito nang maalalang kailangan niya palang ayusin ang mga dadalhing gamit bukas.

Isa-isa niyang kinuha ang kaniyang emergency kit na makatutulong upang mas maunawaan ng mga bata ang kanilang aralin. Napansin niyang wala pala siyang bendang nakatabi para sa kaniya kaya't nasipan ni Clara na hiramin muna ang benda ng ama. Bitbit nitong dala ang emergency bag na isinabit niya sa kaliwang pulsuhan palabas ng silid.

Agad naman itong nagtungo sa silid ng ama. "Pa?" Kumakatok na wika ni Clara. Nakailang katok na ito ngunit hindi pa rin sumasagot ang kaniyang ama. "May benda po ba kayong nakatago?" Wikang muli ni Clara na sinabi na ang kaniyang sadya ngunit wala pa ring sumasagot hanggang ngayon.

Binuksan nito ang pinto sa maliit na espasyo upang dungawin sandali ang ginagawa ng ama ngunit hindi niya ito mahagilap. Pumasok na lang ng tuluyan ang dalaga na agad tinungo ang kinalalagyan ng emergency kit ng ama dahil siya ay antok na antok na. Humihikab pa itong lumapit. Nakita nito ang tatlong bagong benda at hindi na nag-aksaya ng oras para kunin. Kaniyang kinuha ang dalawa.

Nasa tapat na ito ng pintuan at papalabas na ng maagaw ng tablet ang pansin ni Clara. Kumikislap kislap ito na tila nasisira. Humakbang papalapit ang dalaga upang suriin ang gamit sa trabaho ng ama. Kaniya itong hinawakan at tinitignan kung anong problema. Pipindutin niya palang sana ang menu ngunit kusa itong lumipat sa webtoon story na ginagawa ni Robert.

Napakunot ang kaniyang noo dahil sa pagtataka. "Nagha-hang na ba 'to? Wika ni Clara sa sarili at ibinaba ang hawak na tablet.

Subalit biglang gumalaw ang tauhang duguan na iginuhit ni Robert sa kaniyang webtoon story. Napapikit-mata si Clara nang matunghayan ito. Tinitigang mabuti ni Clara ang binatang duguan na nagngangalang Felipe sa istorya ng kaniyang ama na Hanggang Sa Muli ngunit wala ng nangyaring kakaiba sa drawing.

Tumalikod si Clara at kinuha ang bendang binitawan sandali niya upang masuri ang gamit ng ama. Nang kaniyang iangat ang kanang kamay upang makita ang bendang kinuha ay kaniyang napansing may dugo ito. Nanlaki ang kaniyang mata nang makitang may bahid ng dugo ang kaniyang kanang kamay.

A Bridge Of Chance (On-Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon