02

583 30 19
                                    

8 hours.

Walong oras na ang nakalipas pero gising na gising pa rin ang aking diwa, tunay na hindi nakatulog o tumahan man lang sa buong gabi.

Walong oras na ang nakakalipas nang masilayan ko ang isang pangyayaring hindi ko dapat pang natunghayan.

Walong oras na walang tigil ang pagtakbo ng aking isipan sa mga 'bakit' at 'paano,' tuluyan nang kinukwestyon ang sariling pagkatao.

Kasalukuyan akong nakaupo sa sahig, katapat ang isang malaking salamin, nakasandal ang ulo sa kama habang yakap yakap ang isang unan na para bang dito nakasalalay ang aking buhay. Hindi ko dapat ito nararamdaman pero awang awa na ako sa sarili ko.

I look so miserable.

Saan ba ako nagkulang?

Parang kaunting kalabit nalang ay katawan ko na mismo ang susuko para sa akin.

Pero bakit gano'n? Bakit sa kabila ng sakit ay hindi mawala wala ang nararamdaman ko para sa kaniya?

Ito ba pagmamahal?

...Nakakasakit...

...Nakakabaliw...

...Nakakaubos...

Habang tinititigan ko ang sarili ko, lalo lang akong naaawa sa kinalalagyan ko ngayon.

Biglang nagpintig ang aking puso nang makarinig ako ng mga mabibigat na hakbang na nagmumula sa labas ng aking pintuan. Kabisado ko ang mga tunog ng takong na iyon, tila ba alam na alam ng puso ko kung para saan at kanino lamang ito titibok.

Nabuhayan ang aking sistema at dali daling tumayo at tumitig sa aking pintuan habang isinasaisip ang pigura ng isang lalaking naghihintay duon. Nag-aabang sa aking paglabas, nag-aalinlangan kung kakatok upang pagbuksan ko siya.

Imposible.

Napailing ako at huminga ng malalim, mariin na ipinikit ang mga mata bago dahan dahang dumilat upang alisin ang mga tumatakbo sa isip ko. Marahil ay guni-guni ko lamang ang mga narinig na iyon. Alam ko namang wala siyang pakialam sa akin... 'diba?

Pero hindi naman masamang umasa...

Nang umulan ng katangahan, lumangoy yata ako sa baha at hindi nagtira para sa iba.

Dahil parang may sariling buhay ang aking mga paa na lumapit sa pintuan. Isang posisyon na nagpabalik ng sakit sa aking puso dahil sa kaganapan ilang oras lang ang nakakalipas at mukhang takot na takot na humarap sa maabutan ko sa likod ng pintuang ito.

Pero may parte sa akin na umaasa, umaasang baka nga hinihintay niya akong lumabas sa silid na ito.

Kaya naman gamit ang nanginginig na kamay ay pinihit ko ang seradura at sumilip sa maliit na siwang na nagmumula sa aking pintuan.

Walang tao...

Napabutong hininga ako at kinalma ang sariling nagsisimula na namang pangunahan ng mga luha.

Bakit ko ba kasi ipinagpipilit ang bagay na hindi naman posibleng mangyari?

Handa na sana akong tumalikod at isarado ang pintuan nang muli akong nakarinig ng pamilyar na yabag ng mga paa. Tunog na muling nagpabuhay sa aking puso, tila nararamdaman na malapit lang siya, isang musikang gustong gusto ko marinig... normal pa ba ito?

Tuluyan kong tinahak ang daan palabas ng aking silid at dinala ako ng aking mga paa sa tapat ng hagdan kung saan naabutan ko ang pigura ng isang lalaking pababa nito.

Tanging malapad niyang likod lamang ang aking nakikita, ngunit sapat na ito upang manaig na naman ang pamilyar na pagwawala ng aking puso. Tila ba ang lahat ng sakit, tampo, galit, at selos ay nawala nang mapagtanto iilang hakbang lang ang pagitan namin.

L'Soberania #1: VillagarciaWhere stories live. Discover now