Farah's POV
Hindi ako magkandaugaga sa pagse-serve sa mga customer namin ngayon sa restaurant. Summer, vacation ngayon kaya maraming turista ang bumibisita sa lugar namin kaya maging ang mga kainan ay punuan din.
"Farah, table six. Pakihatid na itong order nila," tawag sa akin ng manager. Napalingon ako sa kaniya at ngumiti bago mabilis na lumapit sa gilid ng counter kung saan kinukuha ang mga orders na ready na for serving. Maingat kong binuhat ang tray na may lamang pagkain at dinala ito sa lamesang may nakalagay na number 6.
"Enjoy your meal sir, ma'am. May kailangan pa po ba kayo?" nakangiting bati at tanong ko sa mga customer na nasa table 6. Isang buong pamilya ito. Mag-asawang may kasamang dalawang anak nila.
"Thank you, miss, but we're good," sagot niyong lalaki. Tumango at ngumiti rin sa akin iyong asawa niya habang iyong dalawang bata ay excited na sa mga pagkain nila. Magalang akong nagpaalam sa kanila upang linisin ang mga lamesang wala ng tao at magamit naman ng iba pang nagsisidatingan na customer.
Mag-aalas tres na ng hapon noong kumonti ang daloy ng mga taong pumapasok kaya naupo muna ako. Talagang nangangawit na ang likod ko at masakit na masakit na rin ang mga binti ko.
"Ano, kaya mo pa ba?" napa-angat ako ng tingin nang marinig ang boses ni Lea. Siya ang kaibigan ko na nagpasok sa akin dito sa restaurant. Gaya ko ay nagpa-part time job din siya para matulungan ang mga magulang sa pag-aaral niya. Pareho kaming fourth year college na at kasalukuyang kumukuha ng Bachelor of Science in Secondary Education. Napilitan lang din akong mag-part time job simula noong magkasakit ang daddy ko at unti-unting bumagsak ang negosyo namin. Sa ngayon kasi ay may cancer sa dugo si daddy kaya sa gamot at check-up pa lang niya ay kulang na ang kinikita ni mommy bilang manager sa isang bangko. Si kuya naman ay nakatutulong din pero hindi naman gaano dahil may sarili na itong pamilya at buntis pa ang asawa niya ngayon. Ang nakababata ko namang kapatid ay grade 9 pa lang sa high school. Gusto ko rin sanang huminto muna kaya lang ayaw ni mommy dahil sayang naman daw. Six months na lang kasi ay ga-graduate na rin ako. At siyempre nga naman, mas makakakuha ako ng maayos na trabaho kung may tinapos akong degree.
"Kaya pa naman. Medyo nakakapagod lang talaga ngayon dahil halos hindi maubos-ubos ang mga customer natin mula kaninang alas-nuwebe ng umaga," sagot ko saka marahang minasahe ang mga binti kong nangangalay.
"Hindi bale, konting tiis na lang at makararaos din tayo. Kaya lang nag-aalala lang ako sa iyo kasi hindi ka naman sanay sa trabahong ganito, pero ngayon napipilitan ka dahil nga kailangan," may pag-aalalang pang-aalo ng kaibigan ko. Bumuntong-hininga ako saka yumuko at kapagdaka'y ngumiti rin sa kaniya.
"Naku, wala iyon. Madali ko lang din naman natutuhan ang maraming bagay. At iyan ay dahil sa tulong mo. Salamat talaga, ha?" nakangiting turan ko sa kaniya.
"Siyempre, ikaw pa ba naman? Mas marami ka ring naitulong sa akin noon lalo na sa usaping financial. Saka mula pa noon kahit anak mayaman ka, hindi ka maarte at nangmamaliit ng tao. Hindi ko nga akalaing magiging magkaibigan tayo kasi nga sa layo ng agwat ng estado natin sa buhay," saad ni Lea. Noong magsimula kaming maghirap ay doon ko napagtanto kung sino talaga ang mga totoo kong kaibigan at kung sino ang mga nagpapanggap lang. Sa ngayon ay halos hindi na ako pinapansin ng mga dati kong barkada na dikit nang dikit sa akin lalo na kapag nanlilibre ako noon. Masakit din pero ano pa nga bang magagawa ko.
"Huwag na nga nating pag-usapan ang mga iyan. Mabuti pa bumalik na tayo roon at baka kailangan na tayo," turan ko at saka unti-unting tumayo. Nang magsalubong ang mga mata namin ay nagtawanan pa kami. Muntik na naman kasing mauwi sa dramahan ang usapan namin. Nailing na lamang akong sumunod sa kaniya.
Sabado ngayon kaya hanggang alas singko ang duty ko rito. Sabay na sana kaming uuwi ni Lea kaya lang may date daw sila ng boyfriend niya. Ako naman ay medyo heartbroken pa rin hanggang ngayon dahil iyong boyfriend ko for two years hiniwalayan ko na dahil sa pambabae. At sa akin pa nga isinisi kung bakit siya nambabae dahil nga raw hindi ko siya pinagbibigyan sa gusto niya. Dahil nga sa ayaw kong makipagtalik sa kaniya ay nag-umpisa na siyang manlamig sa akin. Hindi ko raw siya mahal dahil hindi ko maibigay ang gusto niya na natural lang naman daw na ginagawa ng mga magkasintahan. Mahal ko rin iyong si Tyron pero kung katawan ko lang ang habol niya eh, malamang hindi pagmamahal ang nararamdaman niya para sa akin.
Naisipan kong dumaan muna sa grocery store bago umuwi. Marami na rin kasing kulang ngayon sa bahay kaya kailangan na ring mamili. Madilim na nang maisipan kong umuwi. At dahil malapit lang sa amin ay naisipan ko na lang maglakad para makatipid din sa pamasahe. Noong malapit na ako sa bakanteng lote ay may narinig akong tila mga boses ng kalalakihan. Parang may nagsasalitang galit habang mayroon namang umiiyak. Kahit kinakabahan ay ginusto kong sumilip upang alamin kung ano ang nangyayari. Mabuti na lang at may malaking puno sa bandang malapit sa naririnig kong boses kaya doon ako nagtago para makiusyoso. At gano'n na lamang ang pagkagulat ko nang makita ang isang babaeng nakaluhod sa lupa habang nakikiusap sa lalaking nasa harapan niya at may hawak na baril na nakatutok sa noo niya.
Agad nanginig ang buong katawan ko sa nakita. Ninais kong tumakbo papalayo ngunit parang natuod na ako sa kinatatayuan at hindi ko maihakbang ang mga paa ko. Napatakip din ang isang kamay ko sa bibig ko para hindi makalikha ng kahit anumang ingay. Maliban doon sa may hawak na baril ay may tatlo pang ibang lalaki na nakapaligid doon sa babaeng umiiyak at nagmamakaawa. Hindi ko naririnig ang mga sinasabi niya dahil medyo malayo sila sa kinaroroonan ko.
Halos halikan na ng babae ang paa noong lalaking may hawak ng baril. Pilit namang umiiwas ang lalaki ngunit paluhod pa ring nagmamakaawa ang babae sa kaniya hanggang ilang saglit pa ay pumutok na ang baril at sapul ang noo ng babae na agad namang tumimbuwang mula sa pagkakaluhod. Ako naman ay nabitiwan ang lahat ng hawak ko at wala sa sariling napatili sa nasaksihan. Nanlaki ang mga mata ko nang mabilis na lumingon sa kinaroroonan ko ang lalaking nakabaril sa babae. Dala ng matinding takot at pagkabigla ay napaatras ako at dali-daling nagtatakbo. Hinahabol na ako ngayon noong lalaking may baril at mga kasama niya. Hindi ko namalayan ang pagpatak ng mga luha ko dahil sa matinding takot. Binilisan ko pa ang pagtakbo kahit naninikip na ang dibdib ko at lalong tumitindi ang panginginig ng buong katawan ko. Ngunit sa kasamaang palad ay nadapa ako sa madilim na bahagi ng lugar at bago pa ako makabangon ay nasa harapan ko na iyong lalaking may hawak ng baril.
"M-maawa p-po k-kayo sa a-akin. H-huwag ni'yo p-po a-akong s-sasaktan..." pakiusap ko habang umiiyak. Maging ang pangangatog ng mga labi ko ay hindi ko maiwasan. At bago ko pa man marinig ang sasabihin ng lalaking nasa harapan ko ay lalong nanikip ang dibdib ko at tuluyan nang umikot ang paningin ko hanggang sa mawalan na ako ng malay.
AUTHOR's Note:
Hi guys!!!
Sana ay magustuhan ninyo ang kuwento ni Farah at Lance. Free lang ito at hindi maglo-lock hanggang dulo kaya lang baka hindi muna ako makapag-daily update. If you like, puwede niyo rin akong i-follow sa Dreame at Yugto, search niyo lang po Miss Thinz. Puwede niyo rin pong i-add sa library ninyo at basahin ang ibang stories ko na completed at on going din.
TITLE:
1. A Billionaire's Dark Obsession (Dark Romance SPG)
2. In Between Hells (Mafia Romance SPG)
3. Her Ruthless Alpha (Fantasy Romance)
4. Chasing Mr. Congressman
5. The Innocent Desire (Celebrity Romance)
6. CEO's Destined Fate (Second Chance Romance SPG)
7. Taming Boss Stan (Mafia Dark Romance)
8. Sana'y Magbalik Ka (SPG/R18)
9. My Grumpy Boss (SPG/R18)
10. My Mysterious Billionaire
11. Lethal Love (Mystery Dark Romance)
BINABASA MO ANG
Riot Men Series #21: DESIRED BY THE BILLIONAIRE HEIR
RomanceWARNING!!! Mature Content /SPG/ R18+ Nagimbal si Farah Jimenez nang masaksihan niya kung paano patayin ang isang 'di kilalang babae. Ang lalaking nagpapatay dito ay walang iba kung hindi si Lance Dominguez, isang napakayaman at maimpluwensiyang busi...