Chapter 27
[Regrets and Memories]Elmia's P.O.V
"HUWAG kayong mag-alala, maayos na ang kalagayan niya. Kailangan niya na lang magpahinga dahil sa mga dugong nawala sa kanya."
Naluha na ako sa kagalakan. Napangiti ako sa sinabi ng doktor. "Salamat po,"
May mga sinabi pa siya sa amin bago umalis na. Si Ma'am Natalia na rin ang nagsabi na sa isang private room nalang ilipat si Auntie.
Masyadong malaki ang kwarto. Kumpleto rin sa mga kagamitan. Tahimik kong pinagmamasdan si Auntie sa kama niya. Hindi pa rin siya nagigising. Umaga na at wala pa rin akong tulog. Sabi naman ng nurse kanina ay hintayin nalang na magising si Auntie dahil maya maya ay magigising na rin ito.
Kanina naman umalis si Ma'am Natalia, hindi ko alam kung nasa labas ba siya o umuwi muna. Tinotoo niya nga ang sinabi niyang dito siya matutulog. Alam kong may anak siyang kailangan din puntahan pero mas pinili niya munang manatili rito. Gusto niya ring akuin ang bayad sa lahat ng gastos dito sa ospital kaya sobra sobra ang pasasalamat ko sa kanya.
Sumapit ang tanghali at wala pa rin si Ma'am. Bumili nalang ako ng pagkain sa labas dahil wala rin pala akong almusal. Siguro nga umuwi muna si Ma'am Natalia..
Bumalik ako sa loob ng kwarto ni Auntie. Tahimik lang akong nagbabantay doon hanggang sa lumipas ang oras. Ni hindi ko na nga inisip pa ang mga nangyari sa akin kagabi sa mansyon. Ang panloloko nila Rafael.
Mariin kong pinaglapat ang mga ngipin nang maisip na naman 'yon. Mas importante ang kalagayan ngayon ni Auntie kaya hindi ko dapat sinasayang ang oras kong isipin pa siya.
Hapon na nang marinig ko ang pagbukas ng pintuan at tumambad doon si Ma'am Natalia. "Mia! Nasa labas ang mga pulis at may balita sila tungkol kay Alfred! Nahuli na nila siya!" Nakangiting sabi niya.
Napatayo ako. "Talaga po?"
Tumango tango siya at lumabas muli, senyales na kailangan ko ring sumunod. Kagabi kami humingi ng tulong pero nahuli na agad nila ngayon si Alfred. Nanlaki ang mga mata ko nang makita nga ang dalawang pulis na nakaupo sa waiting area sa labas. Hinarap na sila ni Ma'am Natalia. Lumapit na rin ako doon.
"Ikaw ba ang kamag anak ng biktima?" Tanong ng isang unipormadong pulis.
Tumango agad ako saka kami pare-pareho na naupo.
"Nahuli na namin si Alfred Dela Cruz kaninang umaga. Agad siyang nahuli dahil nakita sa cctv kung saan siya nagpunta. Madali lang din siyang nahanap dahil sa motor na ginamit niya." Tumango tango ako sa sinabi naman nung isang pulis. "Tumulong din kasi ang mga tauhan ng Dela Rama kaya mas naging madali ang paghuli sa kanya."
Napakurap ako doon.
"Umamin na rin siya kanina. Pagnanakaw lang daw sana ang gagawin niya sa mansyon kagabi, pero nakita niya si Mrs. Buenavista na lumabas ng bahay, at dahil may galit siya sa mga ito kaya niya sinundan. Si Mrs. Buenavista ang totoong target ni Alfred pero dahil nagkagulo ay si Ms. Alvarez ang napuntirya niya." Paliwanag pa nila. "Napag alaman din naming matagal na siyang may galit sa pamilya ng Dela Rama dahil daw tinanggal siya sa trabaho dahil na rin sa mga bisyo niya. Lahat ng kinita niyang pera kasali na ang nahingi niya noon sa pamilya niyo, hindi niya tinulong sa may sakit niyang ama. Winaldas niya lang ito sa pag-iinom at sugal."
Napaawang ang mga labi ko sa lahat ng narinig. Hindi ako nagkamali, talagang masamang tao na 'yang Alfred na 'yan. Pagkatapos no'n ay nagpasalamat nalang kami sa mga pulis bago sila umalis. Nakakulong na raw si Alfred at tinanong din ng mga pulis kung gusto raw ba naming magsampa ng kaso.

BINABASA MO ANG
When I Dream Of His World
FantasyHalos araw araw gumigising si Elmia Marie Vasquez ng mabigat ang damdamin. Dahil ito sa kaniyang mga panaginip. Panaginip na gumugulo palagi sa kaniyang isipan. Mga eksena sa tila kakaibang lugar, mga nangyari na hindi niya malaman kung totoo bang...