Naligaw.
Hinanap ang sarili ngunit nagkamali ng landas. Minsan mo na rin bang tinanong ang sarili mo kung bakit planado naman ang lahat pero bakit parang hindi gumagana. Bakit palagi nalang na kapag gusto mong magsimula ng isang bagay ay hindi mo alam kung paano uumpisahan? Ang laking tanong palagi sa sarili natin yung ano ba ang unang hakbang?
Pagkatapos mong mahanap ang pagkakataon na magsimula saka naman biglang hindi mo alam kung paano magpapatuloy hanggang sa magsanga-sanga nalang ang daan at magkandaliko-liko na hanggang sa hindi mo na namamalayan nawawala ka na pala.
Nawala ka na.
Sa unang hakbang natin malalaman kung ano ang ating gagawin sa buhay. Ngunit sa totoo lang ay napakahirap naman hanapin ang pagkakataon upang humakbang. Lalong lalo na kung maraming hadlang.
Kahirapan. Pagkamahiyain. Takot. Nakaraan.
Mahirap kasing humakbang na may dala-dala ka pang posas sa iyong mga binti na pilit na itinatali yung kakaunting lakas ng loob na meron ka. Saan ka pa ngayon huhugot kung parang wala namang pagkukunan.
Sino pa ang magbibigay ng inspirasyon para magsimula?
Ang lungkot lang na ang daming pagkakataong magsimula ngunit kinakain ka ng takot.
Takot na baka hindi gumana. Takot na magkamali. Takot na baka walang mangyari.
Ang hirap talaga sumugal. Itataya mo ang isang bagay sa walang kasiguruhan.
Pagkatapos ay lalamunin ka ng mga katanungan na hindi mo maintindihan.
Gagana ba? Tama ba ito? Sigurado na ba ako?
Palagi nalang silang sinasabi na "One step at a time". Makukuha mo rin ang tamang ritmo basta magtiwala ka lang.
Oo, tama. Isa-isa lang. Pero saan ba dapat magsimula?
Hanggang sa wala ka nang nasimulan.
Paano ba kasi? Pwede n'yo ba akong tulungan? Tama ba? Tama na ba?
Ang kaba at pintig ng puso na pilit mong nilalabanan para lang mapagtagumpayan.
Paano ba ako magsisimula?
BINABASA MO ANG
PARA SA LAHAT NG NALIGAW (COMPLETED)
Non-FictionHindi ka naman nawala. Naligaw ka lang. Mahahanap mo pa ba ang sarili mo? Isang maikling aklat nang pagbuklat sa kailaliman ng iyong mga bakas. Nawala. Natuklasan.