"Nananaginip ka na naman nang gising?"
Palaging sinasabi ng mga matatanda kapag nagbanggit ka ng isang bagay na tila ba ang hirap gawin o marating. Tila ba sinasabi nila na hanggang dyan ka nalang na wala nang magbabago sa kung ano ka man ngayon.
At bigla ka nalang natigilan at natanong mo sa sarili mo na,
"Oo nga, hanggang ganito nalang ba ako?"
Kapag nananaginip tayo, karamihan hindi na natin naaalala. Pero yung kakaunting pagkakataon na maaalala mo ay mga panaginip ng kababalaghan, hindi makatotohanan, at karamihan ay pulos kalungkutan na gigising tayong nagpapasalamat dahil mabuti nalang at ito'y panaginip lamang.
May masama ba sa pangangarap ng isang bagay kahit na sinasampal tayo ng katotohanan na hindi naman talaga posibleng mangyari?
Pinalaki tayo ng mga pantasya sa telebisyon na siyang nagdulot sa'tin para maging mapangarapin. Nilunod tayo sa kaisipan na basta maging mabuti kalang ay mangyayari ang lahat ng mga kagustuhan mo sa buhay gaya ng mga kwento ng lampara na kapag hinaplos mo ay may lalabas ng tutupad ng lahat ng iyong kahilingan. At isang araw, sa oras na pinagkakaisahan ka na ng mundo ay may darating na tagapagligtas at ilalayo ka sa mundong ito. Hanggang sa nadagdagan na nang nadagdagan ang edad mo at napagtanto mo na, ilusyon lang ang lahat.
Ilusyon.
Nag-iilusyon ka na na naman.
Ang dami-dami mong gustong mangyari sa'yo. Lahat nalang ng nakikita mo sa paligid, gusto mo ay mayroon ka rin o di kaya nama'y ganoon ka rin. Sa bawat taong nakikilala natin sa mundo na mas angat sa atin sa iba't ibang aspeto ng buhay nabubuo ang isa sa mga kaaway natin,
Inggit
Inggit na kailanman ay hindi na matatanggal sa ating katawan dahil kahit pa sabihin natin na malayo na ang narating natin ay mayroon at mayroon pa rin tayong kaiinggitan. Lahat ng iyan ay nag-ugat sa katotohanang nilikha tayo ng Diyos na hindi perpekto kaya naman tayo na masyadong mapag-asam sa buhay na kahit na malinaw pa sa sikat ng araw na imposibleng maging perpekto ay ipinipilit pa rin nating isiksik sa ating isipan na may pag-asang maging perpekto.
Dun ka naligaw.
Sa kagustuhan mong maging perpekto at mawalan na ng inggit sa katawan. Lahat na ng bagay sinubukan mo. Lahat na ng bagay gusto mong mangyari sa'yo. Hanggang sa magkandaligaw-ligaw ka na at karamihan pa nga'y napariwara sa buhay.
Ang sarap din naman kasi talagang isipin na yung mga nabubuong ilusyon sa isip mo ay magiging totoo.
Pero, hindi kaya labis na ang masyado mong pag-iilusyon? Ilang beses ka nang tinapik ng pagkakataon pero hindi ka pa rin nagigising kasi naniniwala ka na darating ang araw na ang mga bagay na ipinipinta mo lang sa isip mo ay magiging totoo. Kumapit ka kahit na alam mo na imposible dahil sabi ng iba, walang imposible basta pagtatyagaan.
Pero bakit ganon?
Bakit kahit anong pilit natin sa isang bagay ay hindi talaga nangyayari? Masama bang mag-asam? Bakit kailangang ipilit nalang ang lahat samantalang sa iba ay natural lang na nangyayari? Hirap na hirap kang maabot samantalang yung iba ay tila walang anumang pawis na ibinuhos ngunit narating agad.
Itong ilusyon na ito ang nagpalaki sa atin para ikumpara ang ating sarili sa iba. Malinaw naman sa atin na hindi magandang ikumpara ang sarili sa tagumpay ng ibang tao dahil may kanya-kanya tayong hinaharap na pagsubok sa buhay ngunit masisisi ba natin ang isip natin na nagtataka kung bakit kahit anong pag-intindi ang gawin natin, di talaga patas ang buhay. Maraming sinuwerte, marami rin naman ang lumalaban nang di patas.
At heto ka, isa sa mga nakaramdam ng tila pinagkaitan.
Sa totoo lang ang sarap din naman talagang isipin na sana balang araw ang lahat ng mga "Sana" ay maging "Sa wakas". Ang sarap isipin na darating yung pagkakataon na maluluha ka nalang kasi narating mo, naabot mo.
BINABASA MO ANG
PARA SA LAHAT NG NALIGAW (COMPLETED)
Kurgu OlmayanHindi ka naman nawala. Naligaw ka lang. Mahahanap mo pa ba ang sarili mo? Isang maikling aklat nang pagbuklat sa kailaliman ng iyong mga bakas. Nawala. Natuklasan.