Naramdaman mo na rin ba yung takot na magkamali kasi walang sasalo? Walang magtatanggol? Walang magtutuwid?
Lumaki na tayo na napakarami ng kinatatakutan. Multo, aswang, magnanakaw, at kahit na ang lumilipad na hanger ni Nanay.
Kapag natatakot, nakakaramdam tayo ng kawalan ng lakas na gawin ang isang bagay kasi iniisip natin baka may masamang mangyari o kaya naman ay baka hindi maganda ang kalabasan at magresulta pa ito sa pagkasira ng ating sarili.
Nabilang mo na ba kung ilang pagkakataon ang nasayang dahil sa takot? Ilang oportunidad na sana ay nagbago na ang buhay mo pero kinabahan ka, umiwas ka, nagtago ka.
Takot na nga ang ata ang isa sa pinakamalakas na impluwensya para sumira ng buhay. Marami na sana ang magagandang pangyayari ang iyong naranasan, kaya lang,
natakot ka.
Kung babalikan mo ang nakaraan, mula sa pinatayo ka ng iyong guro sa unahan para magsalita na alam mo naman ang sasabihin dahil labis kang naghanda pero napipi ka, nung mga panahong magtatapat ka na sana sa taong maibabalik naman sana sa'yo ang pakiramdam mo pero sabi mo di nalang, nung inalok ka ng isang magandang oportunidad para magtrabaho sa isang magandang kumpanya pero tinanggihan mo kasi sabi mo hindi ka pa handa.
Naisip mo ba kung dumating na yung pagkakataon na handa ka na?
Naging handa ka nga ba?
Sa mga panahong nandyan na sana pero nablanko ka, nawala sa sarili, kinabahan at hindi na nakapagsalita. Hanggang sa kinulong mo nalang ang sarili mo sa kalungkutan at mga "sana".
"Sana itinuloy ko nalang" "Sana umamin nalang ako" "Sana sinubukan ko"
Saka mo napagtanto na karamihan sa mga matatagumpay na tao ngayon ay pinilit na labanan ang takot. Takot ng kawalan, takot ng walang kahihinatnan, at takot na mahusgahan sa huli.
Masyado ka kasing perpekto. Ayaw na ayaw mong magkamali.
Duwag ka.
Parang kang nagpupumilit na gumuhit ng larawan pero takot kang ilapat ang iyong panulat sa papel.
Bakit?
Bakit ang duwag mo?
Pagkatapos sinisisi mo ngayon ang sarili mo kung bakit ka ganyan? Kung bakit ka nasadlak sa kalungkutan.
Nanunumbat ka na tao ka lang at may karapatan kang matakot.
Pero bakit sa lahat ng bagay nalang takot ka? Bakit tinataguan mo? Bakit iniiwasan mo?
Hindi ka ba naaawa sa sarili mo na gusto lang naman maging matagumpay sa buhay na dahil sa'yo ay napariwara?
Gumising ka.
Kung aantayin mo ang pagkakataon na magiging matapang ka, pero wala kang ginagawa kundi umasa na lang na sana balang araw may hangin na umihip sa iyong mukha at sa isang iglap ay kaya mo nang harapin ang lahat.
Hindi ganoon ang buhay. Hindi ito parang kanin na isusubo mo nalang kung kailan mo gusto o grasya na aantayin mo nalang dumating.
Hindi ka kailanman magbabago kung magpapatuloy ka sa pagiging duwag.
Sabi nga nila, "Sa mga pagkakataong natatakot ka, doon ka tumalon".
Doon mo ipikit ang mga mata mo at magtiwala sa sarili mo.
Iisa lang ang buhay natin. Tandaan mo, mabuhay ka man sa susunod na panahon, ang lahat ay iba na, hindi na katulad ng dati.
Iiwanan mo nalang ang isang hindi matagumpay na bersyon ng iyong sarili sa alikabok.
Hindi ka ba napapaisip kung ano kayang destinasyon ang iyong naabot kung sinubukan mo, kung nagsimula ka?
Tayo parin ang siyang gumuguhit ng ating kapalaran. Kaya kung ano man ang mga hindi mo naabot at napagtagumpayan.
Walang ibang sisisihin d'yan,
kundi ikaw.
Kailangan mong tanggapin na talagang ganyan ang buhay, magkakamali ka, hindi ka magtatagumpay sa ilan mong mga kagustuhan.
Tandaan mo, hindi ka perpekto.
Walang perpekto.
Huwag mong antayin na dumating ang panahon na ikaw na mismo ang matakot sa sarili mo,
at wala ka nang magawa.
BINABASA MO ANG
PARA SA LAHAT NG NALIGAW (COMPLETED)
Non-FictionHindi ka naman nawala. Naligaw ka lang. Mahahanap mo pa ba ang sarili mo? Isang maikling aklat nang pagbuklat sa kailaliman ng iyong mga bakas. Nawala. Natuklasan.