Bakit sila kumpleto ang pamilya? Bakit sila nakakapunta sa mga lugar na gusto nilang pagbakasyunan? Bakit sila nabibili ang lahat?
Bakit sila masaya?
--
Madalas mong ikinukumpara ang sarili mo sa iba, sa pananamit, sa itsura, sa buhay, at minsan pa nga sa pag-ibig.
"Pangit ba ako? Bakit hanggang ngayon single ako?"
Isa ang ating mga mata sa mga pinanggagalingan ng pagkakasala, dito dumadaloy ang isang bagay na pumipilit sa'tin para mag-asam pa ng iba, ng mas maganda, ng mas maayos na buhay.
Hindi naman masama na ikumpara mo ang sarili mo gayong talaga namang napaka-di patas ng buhay. Sasabihin nila na maging masaya ka nalang o kaya tanggapin mo nalang kasi yung mga kinaiinggitan mo ay may kanya-kanya ring mga problema at kalungkutang dinadanas. Pero hindi mo parin maiwasan dahil kung titignan mo nga naman ay sa huli, ikaw parin ang talo, ikaw parin ang kaawa-awa, ikaw pa rin ang walang kwenta.
Bakit ba kasi hindi nalang nilikha ng Diyos na pantay-pantay ang mga tao. Walang lamangan, walang nakaaangat, walang binuhusan ng biyaya.
Natanong mo na rin ba ang Diyos minsan kung bakit parang pinahihirapan ka n'ya at kinukuha n'ya ang lahat sa'yo? Natanong mo na rin ba na bakit ganyan kalang? Bakit palagi nalang may kulang.
Pinilit mo naman magpakabuti, sumunod ka naman pero bakit parang ang sama-sama mong tao.
Palaging may kulang.
Ang masakit na katotohanan madalas ay kinulang ka na nga,
Hindi ka pa masaya.
Saan ka pa lulugar?
Habang tumatanda tayo mas nabubuksan ang isip natin sa mga bagay na akala natin ay maganda. Ngunit, sa unang beses palang na iapak natin ang ating mga paa. Sinasampal na kaagad tayo ng katotohanan na huwag nang mangarap.
Malungkot ang buhay, ang swerte ay hindi para sa lahat, at
isa ka sa minalas.
Isa ka sa mga tila nilikha para mag-asam nalang sa kung anong meron ang iba.
At dahil sa kagustuhan mo na maabot ang kung ano mang meron ang iba. Susubukan mong baguhin ang sarili mo, magpapanggap ka, gagamit ka ng ibang tao para sumaya, sisira ka ng ibang buhay para umangat. Hanggang sa magkandaligaw-ligaw ka na.
Nadapa.
at nahirapan nang makabangon.
Dahil nilamon ka na ng inggit. Nilamon ka ng sarili mong kasakiman.
Pero itatanong mo, "Masisisi n'yo ba ako? Kasalanan ko bang ito lang ang meron ako? Bakit ba ang sama-sama ng nasa itaas sa akin? Bakit ako?"
At sa iyong pagtigil, bigla mo nalang mararamdaman ang panghihinayang.
Panghihinayang sa mga oras na sana pala naging masaya ka nalang sa kung anong meron ka. Panghihinayang na sana pala binigyang-pansin mo na lang na mas mapabuti ang sarili mo.
Nagpakain ka sa inggit.
Kaya ka nagkaganyan.
Ikaw rin ang may kasalanan kung ano man ang sitwasyon na pinagdadaaanan mo ngayon.
Ngayon nakatingin ka sa salamin at hindi mo na makilala ang iyong sarili.
Ibang-iba kana. Nagbago kana.
Isa ka na ngayong manika na pinagagalaw ng kawalan ng kuntento.
Humiga ka, dahan-dahan mong tinitignan ang mga kasabayan mong nasa social media. Kanya-kanyang tagumpay, kanya-kanyang ligaya.
Samantalang ikaw, tila napag-iwanan na.
Manginginig ang iyong mga daliri, bibigat ang iyong puso, at dahan-dahan nalang na tutulo ang iyong luha.
Mabubuo ang nag-iisang tanong na ang hirap sagutin,
"Bakit? Bakit ganito lang ako?"
BINABASA MO ANG
PARA SA LAHAT NG NALIGAW (COMPLETED)
Non-FictionHindi ka naman nawala. Naligaw ka lang. Mahahanap mo pa ba ang sarili mo? Isang maikling aklat nang pagbuklat sa kailaliman ng iyong mga bakas. Nawala. Natuklasan.