"Sa kanan ba o sa kaliwa?"
"Bakit ang dilim?"
Natanong mo na ba minsan sa sarili mo kung ano ba talaga ang gusto mong landas na tahakin? Mayroon parin bang parang mabigat sa dibdib mo na parang dumadagan kapag naiisip mo kung ano ang mga susunod mong gagawin?
Minsan mo na bang napagtanto na bakit noon parang alam na alam ko ang direksyon, alam na alam ko kung ano ang gusto kong puntahan?
Anong nangyari? Bakit ngayon parang isinumpa ako ng tikbalang na mawala sa kagubatan?
Ang linaw-linaw. Nangarap ka at sobra ang saya mo dahil alam mo kung saan ka pupunta. Nagsumikap ka at ibinuhos mo ang buo mong lakas at kakayahan sa pag-aaral at nagsumikap ka mairaos ang araw-araw para matupad ang iyong mga pangarap.
Ngunit sa kasiyahan ng iyong puso ay bigla na lamang may parang dilim na lumamon sa kakaunting pag-asa na tinamasa mo.
Lumaki ka na kinakaya mo nalang ang lahat dahil wala kang ibang aasahan. Walang suporta, walang sasalo sa'yo kapag nagkamali ka. Walang sasagip.
Malulunod ka nalang nang walang kalaban-laban kapag pinabayaan mo ang sarili mo.
Kaya nung minsanan mo nang napagtagumpayan ang lahat ay inakala mo na alam-alam mo na, kayang-kaya mo, dahil kinaya mo.
Nung nagtapos ka ng pag-aaral, sabi mo sa sarili mo.
"Sa wakas! Maiaahon ko na ang pamilya ko sa hirap. Ito na ang solusyon."
Ang lahat ng pagsusumikap mo ay nagbunga na.
Tapos sa lakas ng loob na pilit na niyayakap ang katawan mo ay may nagpupumilit magpumiglas.
Ang kawalan ng kasiguraduhan.
Ang masakit na katotohanan na nung simula mo nang ihakbang ang iyong mga paa sa isang direksyon ay parang natanong mo ang iyong sarili kung tama ba ito? Bigla kang naguluhan? Dahil bigla mong naramdaman na hindi iyon ang inaasahan mo.
"Ito palang pala ang simula."
Natauhan ka.
--
Sana nga naging isang parang marathon nalang ang buhay na kahit malayo at mahirap ay alam mo ang pupuntahan. Alam mo ang finish line.
Hindi ba pwedeng parang laruan nalang ang buhay na maaari mong makontrol sa paraang gusto mo?
Bakit ba kasi tayo binigyan ng labis na konsensya at kalayaan masyado sa pagdedesisyon. Dahil ang kalayaan na ito ang s'ya ring gumugulo sa ating isipan.
Ang daming pamimilian. Ang daming pwedeng daanan.
Ngunit alin?
Alin sa mga ito?
Alin sa mga ito ang magdadala sa akin sa masayang katapusan. Ang bubuo ng mga imaheng pilit kong binubuo sa aking isip noon na mararating ko.
Mayroon bang mapa? Mayroon bang gabay?
Sa maraming sangay ng daan, nakatayo ka, pilit sinisigurado na tama ang pipiliin mo kahit na nagtatalo-talo ang isip mo.
Iba kasi ang tamang daanan na nasa isip mo at walang kasiguraduhan na daan na idinidikta ng puso mo.
Doon ka naguluhan. Alin ba ang mas tamang pakinggan? Alin ba ang may magandang patutunguhan?
Sana tama nalang ang lahat. Sana walang maling desisyon. Sana walang maling destinasyon.
BINABASA MO ANG
PARA SA LAHAT NG NALIGAW (COMPLETED)
Non-FictionHindi ka naman nawala. Naligaw ka lang. Mahahanap mo pa ba ang sarili mo? Isang maikling aklat nang pagbuklat sa kailaliman ng iyong mga bakas. Nawala. Natuklasan.