Lason

7 1 0
                                    

Isang sakit na nga para sa karamihan ang mag-isip na parang sa kanila na lamang umiikot ang mundo. 

Maglalakad ka sa isang lugar na napakaraming tao, marahan mong tinitingnan ang bawat isa at hindi mo namamalayang nalalason ka na pala. Lason ng pag-iisip na mayroon silang  pakialam, na binibigyan ka nila ng pansin, na nag-aalay sila ng oras. Ikaw naman na namuot na sa kalamnan ang lason ay mag-iisip na, may balak  silang masama, tumatawa, o kaya naman ay ang maliit na tyansang nagugustuhan ka nila. 

Malaking bagay ng kung anong mayroon ka ngayon ay base sa mga pinaniwalaan mong iniisip ng ibang tao. Lahat ng desisyon mo na sana ay nag-iba kung hindi mo pinakinggan ang ugat sa loob mo na nagsasabing dapat ito ang gawin mo dahil ito ang nais ng karamihan. Sumusunod ka sa agos na dinadala ka lalo sa kawalan. Doon ka simulang nawala. 

"Ito ang isuot mo, dapat hindi mo gawin yan, huwag s'ya dahil hindi kayo bagay, hindi kayo pwede, Mali 'yan, hindi ka dapat ganyan, bakit 'yan ang napili mo?"

Laging sinasabi ng mga nakatatanda na kung ano ka ngayon ay resulta ng mga naging desisyon mo sa nakaraan. Kung pinalad ka, ibig sabihin, maswerte ka sa mga taong nakapaligid sa'yo, kung minalas ka naman, sino nga ba ang dapat sisihin? Sila ba? O ikaw na naniwala kahit binigyan ka ng Diyos ng sariling paghuhusga. 

Sa dinami-dami ng desisyon na ginawa  mo sa buhay ay nabilang mo ba kung ilang beses kang pumili na ikaw lamang? Walang impluwensya ng kung anong sasabihin ng ibang tao sa'yo? Walang takot na baka bukas, galit na sa'yo ang mundo? 

Lahat nalang ng bagay ay inilinya mo sa iisipin ng ibang tao. Paano naman ikaw? Hindi ka ba naaawa sa sarili mo na para kang manika na kung pilit huhubaran ay baka matuwa pa. Para kang alon na sumasabay na lamang sa ihip ng hangin, kahit sobrang lakas, kahit makapahamak ka ng iba. 

Hindi na kailanman nasunod ang talagang ninanais mo, dahil nagbulag-bulagan ka, natakot ka,  . . .  

nalason kana. 

Ngayon, titignan mo ang iyong sarili sa salamin, bawat bakas ng panghihinayang ang makikita mo, mga bakas ng kawalan ng tiwala sa pansariling pagtindig sa paniniwala at pagdedesisyon. 

Masyado kang nakinig. Masyado kang naniwala. 

Sana ay wala ka sa posisyon ngayon na sinisisi mo ang sarili mong naging mangmang ka sa mga kagustuhan mo, na pinabayaan mo ang sana ay ang talagang magpapasaya sa'yo. 

Muli, masyado ka kasing nakinig. 

Tandaan mo na hindi ka isang obra na ipinipinta ng iba, na dumidepende ang magiging kulay sa pakiramdam ng gumuguhit. 

Ikaw ang gumuhit ng iyong sariling kapalaran at huwag mong hayaang may ibang humawak sa'yong mga paa. Humakbang ka na walang pagdadalawang-isip sa kung ano man ang sasabihin nila. Itaas mo ang nakayuko mong ulo at matuto kang umiling, matuto kang maging matapang para sa sarili mo. 

Bumuo ka ng mundo para sa sarili mo na hindi masyadong nakatali sa idinidikta ng paligid. 


Sana hindi dumating ang oras na mapagtanto mo na lamang na sa pagkakataong ito ay pakikinggan mo na ang iyong sarili. . . 


ngunit huli na ang lahat. 

PARA SA LAHAT NG NALIGAW (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon