Ang daming "re-direction" no?
Maayos mong plinano ang ang lahat pero nag-iba-iba na ng naging destinasyon.
Bakit?
Kasi masyado kang nakinig sa ibang tao. Masyado kang naimpluwensyahan ng pag-iisip na iyon ang tamang gawin kaysa pakinggan mo ang sarili mong paghuhusga. Kaya lang hindi rin naman natin masisi ang ating sarili kasi minsan hindi narin kasi natin alam kung ano ang tama. Kaya akala natin mas alam ng iba at nakinig nalang tayo. Malaking bagay ng kung ano tayo ngayon ay impluwensya ng ibang tao.
Noon, hindi ka nagbibisyo kasi sabi mo masama sa kalusugan at gastos lang. Pero napabarkada ka at nalunod ka sa panandaliang saya na ibinibigay sa'yo ng mga kasalanang iyon. Ang impluwensya ay parang linta na kapag kumapit sa'yo ay unti-unting sisipsipin ang karapatan mong magdesisyon base sa sarili mong paniniwala.
Bibili ka ng bagong damit pero dahil hindi uso at pinulaan ng ibang tao, pilit mong iibahin ang istilo mo. Madalas kang kumakain sa kung saan-saan lang pero habang tumatagal nahahatak ka ng ibang tao sa mga lugar na hindi angkop sa antas mo sa buhay hanggang sa maiwan ka nalang at paniniwalain ang sarili na okay lang gumastos nang malaki basta para sa pagkain.
Sabi nga ng iba kapag naimpluwensyahan kana para ka nang nalason. Dadaloy na'yon sa iyong ugat at mahihirapan kanang makakawala pa.
Kaya ka rin naligaw.
Nawala mo ang sarili mo.
Naiwala mo ang totoong ikaw.
Dahil masyado kang nagpadala sa pagdidikta ng iba na mayroong dapat sa lahat ng bagay at ang ilan sa mga desisyon mo ay ilan sa mga mali.
Dumating ka na rin ba sa puntong sinasabi mo sa sarili mo ang,
"Parang hindi na ako ito, hindi ako 'to!"
Tapos bigla mo nalang mapagtatanto na ang dami mong nasayang na pagkakataon na sana nagpakatotoo ka nalang at hindi ka nakinig sa impluwensya ng ibang tao.
"Sana pala inuna ko kung ano ang gusto ng puso ko."
"Sana pala natuto din akong umiwas at humindi."
Kaya lang naiwan kana sa puro "sana" na karamihan ay ang hirap nang balikan o yung iba hindi na kaya pang balikan.
Hindi rin naman natin masisisi ang ating sarili dahil natural lang din naman na sumunod tayo sa iba dahil ito na ang nakasanayan, ito na ang pinaniniwalaan ng karamihan. Mahirap din kasing maging "ikaw" sa mundong hindi kayang tanggapin ang mga bubog mo sa buhay. Dahil narin sa katotohanan na binigyan tayo ng kanya-kanyang pag-iisip at doon tayo nagkakaiba-iba.
Pero napagtanto mo narin ba na kung ang mga makaimpluwensya sa'yo ay nagdala sa'yo sa maganda o idinapa ka sa masama? Kasi maraming pagkakataon lalo na kung pabor ito sa pakiramdam natin sa kasalukuyan na ang akala nating tama ay mali pala. Kasi nasilaw tayo, kasi yun ang isinigaw ng damdamin natin. Para lang din naman tayong sariwang prutas na isinama sa mga bulok na, nadamay, napaniwala, nakulayan, napasama, binago.
Ang nakaraan ay mga bakas na lamang na pwede nating balik-tanawan kailanman ngunit hinding hindi na natin mababalikan. Ang magagawa na lang natin ngayon ay marahil pasalamatan parin ang lahat ng mga taong bumago sa'tin ito man ay nakabuti o nakasama dahil kung anoman ang estado ng kinatatayuan natin ngayon ay resulta ng mga pagtatangkang angkinin ang ating pag-iisip at pagdedesisyon.
Tingnan mo ngayon ang sarili mo sa salamin at tanungin,
Sino ba ang dapat sisihin sa pagkaligaw ko?
Sila bang nanlinlang sa akin o akong nagpalinlang?
at
ang malaking tanong ngayon,
May pag-asa pa bang ayusin ang iyong sarili? Kaya mo pa bang pakinggan ang sarili mong paghuhusga?
Ikaw lang ang makasasagot n'yan.
BINABASA MO ANG
PARA SA LAHAT NG NALIGAW (COMPLETED)
Kurgu OlmayanHindi ka naman nawala. Naligaw ka lang. Mahahanap mo pa ba ang sarili mo? Isang maikling aklat nang pagbuklat sa kailaliman ng iyong mga bakas. Nawala. Natuklasan.