01

124 5 0
                                    

BADTRIP TALAGA. Umagang-umaga pero sira na agad ang buong araw ko kahit kasisimula pa lang ng umaga. Hindi ko naman ugaling pumasok ng ganito kaaga, pero napilitan akong umalis agad sa bahay dahil nakakarindi ang bunganga ng Ate ko. Hindi ko kayang tagalan.

Kapag talaga nasa bahay iyon ay parang siya ang reyna kung umasta. Si Mama naman ay todo kunsinti pa sa ugali niya. Para bang hindi siya naririndi at naiirita kapag nagbubunganga na si Ate.

Hindi ko matagalan, ang ingay kasi talaga niya. Napaka-sakit ng boses niya sa tainga at parang gustong basagin ang eardrums ko. Nakakairita.

Sino ba naman ang tangang matutuwa kung habang nag-aagahan ka ay may parang machine gun sa tabi mo? Putak nang putak. Nakakainis lang talaga dahil pati ang tainga ko ay napansin niya pa kanina.

Daig pa ni Ate July si Mama kung magbunganga. Lahat na rin yata ng mali sa buong pagkatao ko ay napansin na niya. Wala na akong maitatago, lahat ay nalait niya na.

“Ini-spoil ka masyado ni Mama sa baon! Sigurado naman akong inuubos mo lang ang pera mo sa paglalaro sa computer shop! Puro naman palakol ang grades mo!” sabi niya habang kumakain kami ng almusal. “Ayusin mo ang buhay at pag-aaral mo, hindi kita pinapaaral para maging tambay ka lang diyan sa kanto!”

Nagsalubong ang kilay ko dahil naiirita na talaga ako sa bibig niya. “Hindi naman ako tumatambay, a?”

Ano ang sinasabi niya? Kung magsalita ay parang alam niya talaga ang lahat ng ginagawa ko.

“Kaya nga ang sinasabi ko ay mag-aral ka nang mabuti para hindi ka maging tambay lang! At ayaw ko rin na isang araw ay magdadala ka rito ng babae at mababalitaan ko na lang na nakabuntis ka na!”

Nagsalubong lalo ang kilay ko. “Bakit naman ako makakabuntis? Baliw ka ba?”

“O, bakit? Hindi ka ba pu-puwedeng makabuntis? Ang mga kabataan pa naman ngayon ay mapupusok, gusto i-try lahat ng bagay na nacu-curious sila. Sinasabi ko sa ‘yo, mag-tapos at mag-trabaho ka muna bago ka mag-asawa.”

Kung ano-ano ang sinasabi niya! Tiningnan ko si Mama sa harapan namin pero busy siya sa paglalagay ng peanut butter sa pandesal. Wala siyang pakialam kahit kung ano-ano na ang sinasabi ni Ate rito sa tabi ko.

Nakaka-badtrip naman talaga. Pakiramdam ko talaga aping-api ako sa pamilyang ito. Walang magawa si Mama kapag si Ate na iyong nagsalita.

Tiningnan ko ang gatas na tinimpla ni Mama. Gusto ko iyong tikman, pero dahil sa mga sinabi ni Ate July, gusto ko na lang umalis ngayon. Nawalan na ako ng gana kumain.

“At tingnan mo iyang kilay mo, may ahit pa sa gitna! Adik ka ba, ha? May butas at hikaw ka pa sa tainga! Mama, bakit hindi mo pinagsasabihan itong si Sep? Gusto mo bang ipatawag ka na lang bigla sa school niyan?”

“Pinagsasabihan ko naman ‘yan, e. Tatanggalin lang sandali at ibabalik ulit.” Sumulyap si Mama sa akin sandali pero nag-iwas din agad.

Ang isa pa sa kinaiinis ko ay ang baon na binigay ni Ate ngayon sa akin. Imbes na one hundred, naging fifty pesos na lang. Binawasan niya ng kalahati dahil hindi naman daw ako nag-aaral nang mabuti.

Pamasahe ko ‘yong bente kaya trenta na lang ang magiging pang-gastos ko sa buong maghapon. Nakaka-badtrip talaga. Nagdadabog nga ako bago umalis sa bahay. Hanggang sa nakasakay na ako ay puro sama pa rin ako ng loob.

Papasok na ako sa classroom, nakasimangot, nang makasalubong ko si Liam at Carvin. Sumama lalo ang timpla ko pagkatapos makita ang mga ngiti nila. Parang ang saya nilang dalawa.

Bakit sila masaya habang ako rito ay naiiyamot?

“September, p’re!" Tuwang-tuwa si Liam at binunggo pa ang balikat ko. “Ang aga mo ngayon, a? Good boy ka na?”

Where It Hurts (Exquisite Ladies 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon