HINDI AKO makatulog.
Sa tuwing ipinipikit ko ang mga mata ko, wala akong ibang makita kung hindi ang paninitig niya sa akin bago tipid na ngumiti ang kaniyang pulang labi. Hanggang sa hindi ko na nga kayang kalimutan pa ang nangyari dahil tila iyon tinta na kumapit sa aking alaala.
Ginagambala ang isipin ko ng nangyari. At kapag pa naaalala ko ang klase ng ngiti niyang iyon, para akong baliw na magpapapadyak sa ibabaw ng kama ko habang mabilis ang tibok ng puso. Nagwawala iyon at hindi ko alam kung paano pakalmahin. Hindi ako makapaniwala na malaki ang naging epekto sa akin ng simpleng ngiti niyang iyon.
Tangina. Ang weird lang talaga. Hindi naman ako ganito dati. Kahit pa madalas ko namang nakikita na tumatawa siya at ngumingiti sa iba naming kaklase, walang ganitong epekto.
Siguro dahil alam kong para sa akin ang ngiti na iyon at nangyari pa sa pagkakataon na hindi ko naman iyon inaasahan.
Malalim ang buntong hininga ko, sumuko na sa pamimilit sa sarili na makatulog dahil hindi talaga kaya. Madilim na sa kuwarto ko dahil patay na ang ilaw. Hindi ko naman talaga ugaling matulog sa maliwanag na kuwarto. Sumasakit kasi ang ulo ko.
“Tanginang babae ‘yon,” hindi ko na kayang pigilan pa ang sarili ko. Nababadtrip ako sa kaniya. Bakit kailangan pa niyang ngumiti? Tuloy ay hindi ako makatulog ngayon!
Kasalanan niya ito!
Padabog na dinampot ko ang cellphone ko sa ibabaw ng table na nasa gilid lang ng kama. Pagbukas ay halos sumakit ang mata ko sa liwanag. Nag-adjust pa muna ako bago nilagay ang password.
Binuksan ko ang WiFi, umaasa na makaka-connect pa ako. Pero wala na, pinatay na siguro ni Ate July dahil iniisip na magpupuyat ako. Kunot noo na binuksan ko ang mobile data pero dahil wala naman akong load, see photos lang ako.
Malapit na mag-alas dos, pero gising na gising pa rin ako. At namalayan ko na lang din na hinahanap ko na ang Facebook account ng babaeng mataray. Nag-iisa lang naman siyang may pangalang ganoon kaya nahanap ko agad ang active account niya, may mutual friends pa kami kaya mabilis ko lang din nahanap.
Pinindot ko ang profile niya. Ang una kong napansin ay ang bilang ng kaniyang followers na nakadisplay. Umabot na sa mahigit tatlong libo at bibihira lang mangyari ang ganoon sa mga taong hindi naman maingay sa Facebook.
Hindi private ang account niya, pero hindi rin naman open sa public ang mga post and information niya. O hindi ko nga alam kung may inilagay talaga siya roon na information. May option ng pakikipag friends, pero ayaw ko nga!
Umawang ang labi ko nang nakita na friends niya sa account na ito ang dalawang tukmol. Walang display picture ang babaeng mataray. Hindi ko rin naman makita kung may cover photo siya dahil free data nga lang ako.
Ang nakita ko lang sa timeline niya ay ang tags sa kaniya ng kung hindi mga kaklase namin, kamag-anak naman yata niya. Puro photos, pero hindi ko naman makita. Nasa unahan ang post ni Laila.
Elaila Golosino is with Callie Gallera and two others.
During break time. Girls are pretty! 🥰😍🤩🧡 *Insert Joy dahil absent siya*
Emoji warrior ‘yarn? Mukhang kinulang pa, o baka nahiya na. Na-curious ako sa kung anong photos ang naka-post dahil maraming nag-react doon at may comments pa ng puro lalaki. Nakakunot ang noo ko habang nagbabasa.
Edward Liwayway: Ang gaganda niyo naman ghorls. Pwede nang jowain ang nasa gitna. Joke!
Sino ang nasa gitna? Langya! Hirap naman kapag walang makitang kahit na anong litrato! Hindi ako makakatulog hangga’t hindi ko nalalaman kung sino ang tinutukoy ng kalbong manyakis na iyon.
![](https://img.wattpad.com/cover/315636507-288-k547595.jpg)
BINABASA MO ANG
Where It Hurts (Exquisite Ladies 1)
Novela JuvenilI. September's life was peaceful yet silently chaotic. Well, everything is fine naman talaga kahit pa may anger issue siya, kung hindi lang isang araw ay inagaw ng class president nila ang maganda niyang upuan. Wala naman siyang balak makipag-usap d...