12

37 4 0
                                    

SARADO NA ang library pagdating namin. Hindi ko alam kung bakit nakasara na. Wala akong ideya, pero ang hula ko ay maagang umuwi ang librarian. Bakit naman kaya? Kung kailan naman seryoso na ako, saka pa siya maagang umuwi.

Tumayo kami sa labas at hindi ko alam kung bakit hindi gumagalaw man lang ang babae sa tabi ko. Nakatitig lang siya sa bakal na naka-lock, pino-protektahan noon ang pinakang pintuan ng library. Hindi pa yata alam kung ano ang sunod niyang gagawin.

Tumayo lang din ako sa tabi niya at naghintay sa kanyang magiging desisyon. Sa library lang yata ang good place na nakikita niya para sa pagtuturo na gagawin sa akin. At ngayon ngang sarado pala, nagdesisyon akong hintayin na lang ang sunod niyang desisyon.

“Sarado na,” aniya kahit alam ko naman na iyon. Kita ko ngang sarado na. So, share niya lang?

“Kung malinaw kang nakakakita, sarado na talaga.”

Sinulyapan niya ako pero hindi siya nagsalita. Unang sinabi niya pa ay iyong obvious naman! Kakamutin ko na sana ang ulo ko noong bigla niya akong inirapan. Napanganga ako sa ginawa niya dahil hindi ko ‘yon inasahan.

Anak ng tinola! Gumaganoon?

“Hoy, bakit ka nang-iirap? Huwag mo nga akong tarayan. Gusto mo bang dukutin ko ‘yang mga mata mo para hindi ka na makapang-irap pa?” inis na puna ko sa ginawa niya. Hanep itong babaeng ito, a!

Sinimangutan niya ako, ang pagkainis ay malinaw na nakasulat sa kanyang mukha. “Paano ka hindi iirapan, e, nakakabwisit ka?”

“Wow! Ako pa talaga ang nakakabwisit ngayon? Inaano ba kita, ha?” Hinarap ko siya pero ganoon na lang din ang bilis kong humakbang paatras nang matapang na hinarap niya rin ako. Sa gulat ay namilog pa ang mga mata ko.

Matalim ang tingin niya sa akin. Ampotek, nagalit pa yata. Bilis naman uminit ng ulo ng babaeng ito! Pangit ka-bonding.

“Ito lang ‘yong lugar na tahimik at payapa kitang matuturuan kaya dismayado akong sarado pala tapos sasagutin mo ako ng ganoon! Kung hindi ka ba naman siraulong tao ka!”

Aba! Ako, siraulo? Iniinis talaga ako ng babaeng ‘to. Teka nga, bakit ba niya ako sinisigawan? Magkaharap lang naman kaming dalawa. May balak ba siyang basagin ang eardrums ko? Hindi ako bingi!

“Paano ka hindi sasagutin ng ganoon, e, obvious naman na sarado tapos sasabihin mo pa sa akin na parang hindi ko nakikitang nakasara. Ginagawa mo yata akong tanga—”

“Manahimik ka na nga! Ang ingay ng bunganga mo.”

Nakakainit naman talaga ng ulo ang taong ito. Wala pa kaming sampung minutong magkasama, pero pinapainit na agad niya ang ulo ko. Kumulo na rin ang dugo ko sa kaniya.

Hoo! Kailangan kong kumalma. Nagpigil na akong magsalita at inirapan na lang din siya para makaganti man lang. Hindi nga lang niya nakita dahil sa pinto ng library na ulit siya nakatingin. Kung hindi ako magpipigil, magtatalo lang kami nang magtatalo. Wala rin naman siyang balak hindi ako patulan. Sinigawan pa nga ako!

Pinabayaan ko siyang mag-isip ng sunod na gagawin. Bahala siyang ma-stress. Malamang ay hahanap kami ng ibang lugar. O kaya ay isasabukas na lang itong pagtuturo niya sa akin. Sa dalawang iyon lang at wala akong pakialam kahit ano sa mga iyon ang piliin niya dahil ininis na niya ako.

“Suggest ka kung saan payapa—”

“No idea,” mabilis na sagot ko sa kaniya. Idadamay niya pa ako sa pag-iisip. Siya na lang. Kaya na niya iyan, tutal siya naman itong matalino sa aming dalawa. Lahat magagawan niya ng paraan, at makakaisip siya ng solusyon. Isa pa, naiinis ako sa kaniya.

Tiningnan na naman niya ako ng masama pero kitang-kita ko sa mga mata niya ang pagpipigil. Sa huli ay huminga na lang siya ng malalim at dinaan sa pekeng ngiti ang lahat. Para bang sinasabi niya sa sarili na kapag hindi siya naging kalmado, magiging kriminal na lang siya bigla. Ganoon ang naisip ko kasi halata naman sa mukha niya.

Where It Hurts (Exquisite Ladies 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon