(𝘛𝘢𝘣𝘪𝘵𝘩𝘢)
Nakabalik na ako sa bahay nang matapos ang gabing iyon. Hindi na sumulpot pa si Fern sa suite namin, kaya kinuha ko na lang ang mga gamit ko bago umalis. Talaga ngang nandidiri na ito sa akin dahil sa reaksyon nito at mukhang hindi na niya gusto pa ng involvement sa isang maruming babae na kagaya ko. Naghahanda na ako ngayon sa pagpasok sa trabaho, tatlong araw matapos akong magpahinga at magpahilom ng puso.
Nagtataka ako ngayon sa katahimikan ng bar dahil walang malikot na ilaw at may signage sa labas na nakasaad na sarado pa rin iyon. Gabing-gabi na, kaya akin na lang na tinahak ang daan papasok. Tahimik lang talaga sa lugar, maliban sa kakaunting palamuting ilaw na kumukuti-kutitap.
*BANG!*
"Woohoo! Nandito na si Tabitha!" Naglabasan ang mga kasamahan ko pati na si Mama Karen na may dalang party popper. May isa pa itong hindi gamit na pinaputok niya, saka kumalat sa akin ang palamuti. May malaki nang mesa na nakahanda sa gitna ro'n at naglagay sila ng napakaraming pagkain. "Kainan na! Dalian niyo!"
Hindi ko pa rin alam ang dahilan ng pagsasaya namin pero nagugutom na rin ako kaya ako nakisalo sa kanila. Umupo lang ako sa dulo ng mesa habang katabi si Mama Karen at isa kong katrabaho.
"Congrats, Tabitha!" sigaw ni Yolly sa akin mula sa dulo ng mesa. "Kain ka na, dali! Hiwain mo ang cake."
Sumigaw si Mama Karen pabalik dito, "Naku, huwag niyo nang istorbohin ang celebrant natin. Kumain na lang kayo, okay? Marami tayong pagkain at may iuuwi tayong lahat!"
"Mama," pagtawag ko sa atensyon nito. "Anong mayroon? Bakit ang dami ng pagkain natin? At bakit tinawag mo akong 'celebrant'? Hindi ko naman kaarawan, 'di ba?"
"Hindi nga," sagot niya sa akin. "Pero... espesyal ang araw na ito para sa mga kagaya mo. Mamaya ko sasabihin, tiyak kong matutuwa ka talaga."
Sabay-sabay na kaming nagdasal bago kumain at may napansin ako sa kanila. Hindi maiiksi ang suot ng mga ito—kung hindi ay casual lamang at parang hindi pupunta sa trabaho. May kahon din sa tabi ni Mama Karen na hindi ko alam ang laman. Panay kuha lang ito ng pagkain, at inilalagay niya 'yon sa plato ko. Masasarap ang mga naroon; may pizza, burger, saka walong bucket ng fried chicken na talagang pinuntirya ko. Sunod na may dumating na delivery man na may dalang mga panghimagas kaya kinailangan namin ng bagong mesa. Parang wala nang balak pa si Mama na pagtrabahuin kami dahil panay hikayat ito sa kanila na magpakabusog lang.
Lumipas ang tatlong oras at napansin kong alas-dos na pala ng umaga. Nagkaniya-kaniya na ring balot ng mga pagkain ang kasama ko at hindi ko na inabala pa ang sarili kong mag-uwi dahil alam kong may mga pamilya sila. Kaya ko namang bumili ng pagkain mamaya dahil may trabaho pa ako.
"Ito ang bayad ninyo. Dali, mag-uusap pa kami ni Tabitha." Pumila na sila malapit sa pinto bago isa-isang bayaran ni Mama Karen ang sahod nila. Masayang-masayang lumabas ang lahat saka ako tiningnan ni Mama. "Hindi mo na ako Mama. Alam mo, wala ka nang utang. Ubos na ang lahat ng dapat mong bayaran at para sa'yo ang party na 'to. Ang mga kinain at pinasahod ko sa kanila, galing iyon sa taong nagmalasakit sa'yo. At ito... regalo ko."
Hindi pa rin ako makagalaw sa gulat nang may ibigay siya sa akin. Binuksan ko na iyon, saka tumambad sa akin ang isang mamahaling cellphone. Napatingin ako sa kaniya bago magtanong, "Akin 'to?"
"Oo naman! Napansin ko kasi ang cellphone mo, luma na at may malaking basag sa gitna." Niyakap niya ako nang mahigpit at kumalas agad ito. "Binayaran ni Fern ang lahat ng utang mo. Sabi sa'yo, may malasakit siya at talagang gusto ka niya."
"Ano?!" hindi makapaniwalang pagka-claro ko sa sinabi niya. "B-Binayaran niya?! Bakit?! Hindi ba't dapat na mas pahirapan niya ako dahil nagagastusan siya nang dahil sa akin? Bakit niya ginawa iyon?"
BINABASA MO ANG
La Prostitutée [G×G] [Lady of the Night]
RomantikNararapat bang respetuhin ang mga puta? Sila nga ba ang talagang walang respeto sa sarili nila, o biktima sila ng kinagagalawan nilang mundo? Hindi lahat marumi. Hindi lahat ginusto ang nangyayari sa kanila. May mga talagang biktima. May mga nahubog...