Kumonsulta ako sa doktor.
Sabi nila, matutulungan daw ako ng siyensya at medisina.
Ilang linggo, ilang buwan kong sinubukan, pero bakit hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman?
Para na lang akong napipilitan.
Sabi ng doktor ko, nasa isip ko lang daw lahat ng iyan. Paano ba alisin?
Iyon lang daw ang kailangan kong gawin.Ang daling pakinggan pero napakahirap. Kung sobrang dali lang, bakit hindi pa rin ako matulungan?
Sa loob ng opisina, sa tapat ng lamesa niya. Patuloy lang ang pag-uusap sa bawat session. Parang paulit-ulit na proseso.
Bakit kaya hindi ko kayang magbago?
Masaya naman ako.
Sabi ng doktor ko, napakaganda ko raw ngumiti. Kahit sinong makakita ng mga ngiti kong labas ang ngipin, mahahawa at mapapangiti rin.
Ang mga mata kong bahagyang pumipikit, at ang mga pisngi kong namumula.
Parang walang problemang dinadala.
May problema nga ba ako?
Wala naman ata?
May kailangan pa ba akong hilingin?
Sabi ng doktor ko, kaya ko raw ito.
Ako lang daw ang makakasalba sa sarili ko.
Pero hindi ko naman kailangang maisalba. Hindi ko kailangan ng magliligtas sa akin.
Matagal na akong mag-isa.
Sabi ng doktor ko, marami naman akong kasama.
Syempre, alam ko. May pamilya ako. Mga kaibigan. Mga kaklase. Napakarami kong nakikilala araw-araw.
Hindi ako nawawalan ng katabi kahit saang lugar ako makita.
Hindi nila ako iniiwang mag-isa. Ako ang may gustong mapag-isa kapag may pagkakataon ako.
Ayokong isipin ang maiiwan ko pagdating ng panahon.
Alam ko kasing maaga akong aalis. Maaga akong lilisan. Hindi ko kailangan ng maraming luhang magsisipatakan sa araw ng aking pagkawala.
Hindi ko gustong makisama sa mga taong balang araw, ako ay kakalimutan.
Ayokong maging alaala. Ayokong makasama sa bawat malungkot na memorya.
Gusto ko lang lubusin ang mga araw na kaya ko pang huminga.
Ang mga araw kong natitira, lahat ng iyon ay para lang maramdaman ko ulit lahat ng gusto kong maramdaman bago ako mang-iwan.
Sinusulit ko lang.
Tama ang doktor ko. Ako lang ang makakasalba sa sarili ko.
Ako lang din ang may alam kung paano.
BINABASA MO ANG
Not Gonna Die Tonight (Vivian's POV)
NouvellesRead "September With You", a one-shot story before reading this. Vivian Caparal. She looked so happy. Why did she take her own life? MOST IMPRESSIVE RANKINGS #2 in #LEXUS #5 in #VIVIAN #9 in #LETTER #95 in #2022 #134 in #STAR