Chapter 59

70 11 9
                                    

Maaga akong nagising at mugtong-mugto ang aking mga mata. Tinawagan ko si Jenny para sabihing masama ang pakiramdam ko at hindi ako makaka-attend sa board meeting.

Kahapon pag-alis ni Marco, minabuti ko na lamang magkulong sa aking kwarto. Ayaw kong makita ako ng aking anak na ganito ang hitsura. Nang kumatok si Nikolai kagabi sa aking kuwarto, hindi ko ito pinagbuksan ng pinto at naniwala ito sa sinabi ni Ate Lydia na natutulog na kami ni Marco.

Nakaramdam ako ng gutom kaya napilitan akong maghilamos at lumabas ng silid. Nasa kusina na si Ate Lydia at nagluluto ng almusal. Nang maupo ako sa highchair sa counter table ay inilapag niya sa aking harapan ang isang mug ng brewed coffee. Tahimik ko itong ininom. Pagkuwan ay inilapag naman niya ang isang pinggan na may sunny side up, hotdog at sinangag. Iniangat ko ang tingin ko sa kanya. Mula nang sumama ako kay Marco sa Amerika, hindi na ako kumakain ng sinangag sa almusal.

"Kumain ka. Ang sabi sa akin ni Sir, wala ka pang kinakain mula kahapon ng tanghalian," istrikta nitong pagkakasabi na hindi ko maintindihan kung galit ba ito sa akin dahil sa paghihiwalay namin ni Marco o sadyang nag-aalala ito para sa akin. Nakaramdam ako ng guilt dahil pinagsisilbihan pa rin niya ako kahit nagkasira na kami ni Marco.

"Ate... alam kong mahal na mahal ninyo si Marco." Nagsimula na namang mangilid ang mga luha ko. "Sorry po kung nasaktan ko siya."

Napabuntong-hininga si Ate Lydia. "Huwag kang magsorry sa akin. Kung kaming mga kasambahay ang masusunod gusto naming kayo ni sir ang magkatuluyan, pero hindi naman kami ang sumusulat ng kapalaran ninyo."

Napakunot ang noo ko sa mga sinabi ni Ate Lydia.

"Siguro, mas mabuting sumunod kayo sa agos ng buhay. Huwag ninyong salungatin para hindi kayo masaktan at tuluyang malunod," kunot-noong sabi ni Ate Lydia. "O, siya kumain ka na diyan at sisimulan kong ligpitin ang mga damit ng totoong alaga ko sa kuwarto mo at ni Nikolai."

"H-hindi na talaga siya babalik sa amin, ate?" naiiyak kong tanong.

"Hindi ko alam, Ma'am Nick. Gaya nga nang sinabi ko, sumunod muna sa agos ng buhay. Dadalhin ka rin ng agos sa tamang pampang," seryoso nitong sagot at saka tinapik ang aking balikat.

Nang sumunod na araw ay pumasok na ako ng opisina, ilang beses kong narinig ang boses ni Marco ngunit sa tuwing lalabas ako ng pinto ay tumatalikod na ito. Ilang araw kong hinintay ang ipinangako niyang tawag ngunit hindi ito nangyari hanggang sa nalaman kong umuwi ito ng Amerika para sa mga kailangan asikasuhin roon.

Habang si Marco ay lumayo sa aming mag-ina, halos linggo-linggo naman ay nasa bahay si Chester. Kung anu-anong regalo ang dinadala sa kanyang anak. Minsan nakikita ko na sumasama ang mukha ni Ate Lydia sa tuwing nakikita si Chester at nang minsan ay nataasan ng boses ni Ate Lydia si Nikolai dahil sa excited ang bata sa pagdating ng kanyang espesyal na kaibigan. Naisip ko, na kay Marco ang loyalty ni Ate Lydia at kung hindi na talaga babalik si Marco sa amin, makabubuting pabalikin ko na siya ng mansion. At dahil walang mag-aalaga kay Nikolai sa condo habang nasa trabaho ako, napilitan kaming umuwi kay mommy at pa-rentahan na lamang ang condo unit. Bagay na ikinasiya ni mommy at ng dalawang matanda sa kapitbahay.

Minsan pauwi na ako at hinihintay ang grab na dumating, nakita ko si Chester at ang kanyang itim na Ford Explorer. Lumapit ito sa akin at inalok na sabay na kami umuwi. Napatingin ako sa aking paligid dahil baka may makakita sa amin na ka-trabaho namin ni Marco. Mabuti na lang at dumating na agad ang grab na inaabangan ko kaya hindi niya ako napilit na sumabay pauwi.

At kahit hindi ako sumabay sa kanya sa pag-uwi, darating naman silang buong pamilya sa bahay para doon maghapunan. Noong una ay ayaw pumayag ni mommy pero nang humingi ng tawad ang mag-asawa sa kanya at sa akin, hinayaan na lamang namin sila na bumawi. Para sa ikatatahimik ng lahat.

Twenty Reasons To Unlove YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon