Habang patuloy na tumutunog ang malaking kamay ng orasan ay nakatitig lamang ako sa kisame.
Hindi ako mapalagay. Hindi ako mapakali at patuloy lamang na nakadilat ang mata buong gabi.
Halos hindi ko na nga namalayan na may araw na pala. Kung hindi ko lang narinig ang mga tilaok ng manok sa labas ay hindi ko pa malalaman.
Dapat tulog na ako ngayong umaga para sana may lakas ako mamaya sa shift ko. Pero dahil sa nangyari kagabi, hindi ko alam kung dapat ba akong matulog.
Natatakot ako, mas malala pa ito nung mga panahong una kong nakita ang hinaharap ng mga na sa paligid ko.
Yung lalaki kagabi.
Isa syang multo.
At first time kong makakita ng multo!
Paano na lang ako nito mamaya sa shift ko?
Sigurado akong aantukin ako buong gabi sa shift ko. Nakakainis naman. Mahirap pa namang mag-calls nang walang tulog. Kaunting pikit mo lang, para ka nang limang minutong nakikipaglaban sa antok.
Pero may isa talagang bagay ang nagpapagulo sa isipan ko buong gabi.
Kung bakit kapareho nya yung suot ng lalaki kagabi?
I mean, parehong pareho talaga. Muka sa itim na sapatos hanggang sa itim na libro na hawak nya.
At dahil sa kuryosidad ko, nagtungo ako sa google para hanapin ang may pinakamalapit na unibersidad na may ganon na uniform.
Pero kahit anong hanap ko, kahit anong scroll ko sa google at youtube ay wala akong makitang ganong unibersidad na may ganoong uniform. Nakakapagtaka, siguro nasa kabilang city pa yun dahil madalang naman akong may makitang ganong uniform?
Hayst, bahala na nga.
Hindi ko tuloy alam kung epekto ba 'to ng shifting schedule ko.
Tumayo ako saglit at naisipang uminom ng gatas para antukin. Pero sa pagbaba ko ng hagdan, isang malamig na hangin na naman ang naramdaman ko sa balat ko.
Huminto ako at napakagat sa labi.
"Nako, ah! Hindi na ako natutuwa!" sigaw ko habang dahan dahang nililibot ang tingin sa sala.
Kinakabahan ako, oo. Pero pilit kong nilalakasan ang loob ko lalo na at wala akong kasama ngayon sa bahay.
"Hindi ako multo."
Isang boses ang narinig ko mula sa kusina. Napalunok ako at ramdam ko na naman ang pagbilis ng tibok ng puso ko.
"Sabi na nga ba, tama nga ako," dagdag ng lalaki. "Hindi mo lang ako nakikita, naririnig mo rin ako."
At nang dumapo ang mata ko sa kusina, naroon sya. Nakaupo at nakatingin sa akin. Pero hindi tulad ng iba, nang makita ko ang mga mata nya ay isang blankong puti lamang ang nakita ko. Kabaliktaran nang kay Carrie.
Napaatras ako at mukhang nakita nya 'yon.
"Huwag kang mag-alala. Hindi nga ako multo," natatawang dagdag nya.
"S -sino ka at anong kailangan mo?" kinakabahan na tanong ko. "T -tress passing ka!"
Nagkibit balikat lamang sya. "I don't know," munting sagot nya. "Hindi ko rin alam kung sino ako, pero tinatawag nya akong Revo. So, baka Revo ang pangalan ko."
Sa tono ng pananalita nya ay mukhang hindi sya nagsisinungaling. Tila ba wala syang pag-aalinlangan sa tinanong ko.
"May hihingin lang akong request sayo kaya ako nagpakita ulit," dagdag nya at tumayo sa upuan. "Tapos hindi na kita guguluhin."
Dahil nga sa takot na nararamdaman ko ay napaatras na naman ako.
"Hindi nga kita sasaktan. Hindi rin naman kita mahahawakan," tugon nya sa ginawa kong pag-atras.
"B -bakit ka nandito?" nauutal na tanong ko.
"Kasi ikaw lang ang nakakakita sa akin?" kibit balikat nyang sagot. "Pero may isa nga akong request. Promise, after this ay hindi na ako lalapit sayo."
Hindi ko alam pero tila ba nawala ang kaba sa dibdib ko nang marinig ang mahinahon nyang pagsasalita.
Napalunok na lamang ako. Kitang kita ko ang kabuuan nya ngayon. Malaki syang tao, siguro isa syang basketball player noong nabubuhay sya. Singkit din ang mata nya. Ang balat nya ay parang nababad sa gatas.
"A -anong request 'yan?" kinakabahan kong tanong sa kaniya.
Napangiti sya sa tanong ko. At nang magsasalita na sya ay bigla namang umilaw ang itim na librong hawak nya sa kaniyang kamay.
Napatiim bagang sya at napailing. "Wrong timing naman," mahinang saad sya.
Humarap sya sa akin. Muling nagtagpo ang mata namin sa ikalawang pagkakataon.
"Next time na nga lang," natatawang sabi nya habang napapakamot sa kaniyang ulo. "May kailangan lang akong sunduin."
Sa sinabi nyang iyon ay bigla na syang naglaho na parang bula sa kaniyang kinatatayuan.
Sunduin? Anong tinutukoy nya?
Nakailang pikit pa ako at nang mapagtanto na wala na sya sa kinatatayuan nya ay napahawak ako sa aking dibdib.
Huminga ako ng malalim at napaupo sa unang apakan ng hagdan.
Shit!
Ibig bang sabihin nito na may isa na naman akong kakayahan?
Napailing ako sa isipin na 'yon.
Wala lang akong tulog.
Tama, kulang lang ako siguro sa tulog ngayon kaya kung ano ano na naman ang nakikita ko.
Nagtimpla ako ng gatas gaya ng unang plano ko kanina. Matapos non ay umakyat na ako sa kwarto ko.
Hinanda ko lamang saglit ang mga gagamitin ko mamaya sa shift ko. Toothbrush, wipes, cologne, extra shirt, salamin, tumbler, at kung ano ano pa na gagamitin ko.
Busy ako sa ginagawa kong ito nang makarinig ako ng isang sigaw mula sa labas.
"Tulong! Tulong! Tulungan nyo kami!"
Napatayo ako mula sa kama at agad na sumilip sa bintana.
Doon ay natanaw ko ang kapitbahay naming babae sa katapat naming bahay. Tila sya kinakabahan sa kilos nya, umiiyak din sya at sumisigaw.
"Inatake sa puso si Papa! Tulungan nyo po kami!"
Nagkaroon ng komusyon sa labas nila. Pero kahit na dumami ang tao sa labas, napako lamang ang tingin ko sa isang lalaki.
Ang lalaking na sa loob lang ng bahay kanina.
Ang lalaking manghihingi sana ng kung anong request.
Ang lalaking may susunduin lang daw saglit.
Nakatayo sya sa gilid habang patuloy na umiilaw ang kaniyang itim na libro na hawak.
Napalunok ako nang makita ang kapitbahay naming lalaki na tila ba matiwasay lang na naglalakad patungo sa kaniya, hanggang sa tuluyan syang lumabo na tila ba naging isang liwanag na lamang.
"G -grim reaper?" naguguluhan kong tanong sa aking sarili nang makita ang paglalakad nilang dalawa patungo sa isang lumitaw na portal sa kanilang harapan.
"F -fuck..." bulong ko bago ko tuluyang maramdaman ang pagkahilo.
BINABASA MO ANG
Esther
FantasyMula pagkabata, alam na ni Esther na mayroon syang kakaibang kakayahan-- ang kakayahang makakita ng mga senaryo ng isang tao sa hinaharap. At sa bawat pagkakataon na makita nyang hindi maganda at mapanganib ang mangyayari sa mga nakakasalubong nya...