CHAPTER 11

27.4K 223 9
                                    

Chapter Eleven

Saved


Hindi ko na alam ang nangyayari sa akin matapos umalis ni Arcus. Kahit na parehas kaming galit sa isa't isa ay may parte pa rin sa aking umaasang babalik siya pero isang linggo na ang nakalipas ay ni anino niya hindi na tumapak sa Bayagbayag. Gano'n din si Jerwin. Kahit naman makita ko ang huli, wala na akong mapapala sa kanya dahil alam kong hindi niya kasama ang kapatid ko.

Humigpit ang kamay ko sa boteng hawak at tinungga ang laman no'n. Humapdi na ang lalamunan pero hindi ko iyon tinigilan.

"MVP..."

Sa pagdating ni Janina ay saka ko lang nabitiwan ang alak. Bagsak kaagad ang balikat niya nang makita ako. Simula kasi nang umalis ang kapatid ko ay wala na akong ginawa kung hindi ang magpakalunod sa alak. Kahit na wala kaming napag-uusapan sa tuwing pumupunta siya ay hindi siya tumigil sa pagbisita sa akin.

"Sinira mo na naman ang mga gamit n'yo. Wala ka ng natirang plato rito." nag-aalala niyang sabi pagkatapos ay pinulot ang mga nabasag sa sahig.

"Iwan mo na 'yan. Iwan mo na muna ako Janina."

Hindi siya nagpatinag. Ibinaba niya ang eco bag na hawak sa lababo at saka ipinagpatuloy ang paglilinis.

"Kahit anong gawin mo hindi maibabalik ng alak si Arcus. Nakapagdesiyon na siya at sa galit na nakita ko sa pag-aaway n'yo, alam kong kailangan ng oras bago kayo makapag-usap ulit."

"Sabi kong umalis ka na muna. Huwag mo akong pakialaman."

Ilang sandali siyang natigil pero nagpatuloy pa rin. Parang wala siyang narinig sa mga sinabi ko. Nagwalis siya sa aking harapan. Wala na akong nagawa dahil kahit na gusto ko siyang kaladkarin palabas ng bahay ko ay wala akong lakas. Buong linggo na akong walang ginawa kung hindi uminom. Magpapakalasing hanggang sa makatulog at iinom ulit sa paggising.

"Nagdala ako ng pagkain dahil alam kong hindi ka pa kumakain. Paborito mo ang igado kaya dinamihan ko ang luto."

Nagsimula siyang maghain. Hindi ko na pinansin. Nagpatuloy ako sa pag-inom at paghipat sa hawak kong yosi. Maya-maya ay lumapit na siya bitbit ang mga pagkaing dala niya. Naupo siya sa aking tabi at matamis na ngumiti, umaasang mapapawi no'n ang sakit na nararamdaman ko't lahat ng problema.

Nalaglag ang mata ko nang hawakan niya ang aking kamay.

"Nandito ako kasi nag-aalala ako sa 'yo. Hindi pwedeng ganito na lang palagi. Oo alam kong masakit pero hindi naman pwedeng magpakalunod ka na lang sa alak. Hindi maaayos ang problema mo kung ganitong paraan ang gagawin mo. Hindi 'to solusyon. Mapapasama lang ang katawan mo,"

"Ang sabi ni JK, ilang araw ka nang hindi kumakain. Pati 'yong dinala ko noong nakaraan hindi mo rin ginalaw. Kailangang magkalaman ang tiyan mo at hindi lang itong alak."

"Hindi ako gutom." malamig kong sabi sabay tabig ng kamay niyang nakahawak sa akin.

Kahit na nabigla siya ay nagawa niya pa ring ngumiti at intindihin ang ugali ko. Positibo niyang kinuha ang kutsara at hinipan pa ang pagkaing inilagay doon.

"Kung hindi mo na kaya susubuan na lang kita kahit ilan lang." aniya pagkatapos ay walang sabing inilapit ang kutsara sa bibig ko pero imbes na gawin ang gusto niya ay mabilis kong pinigilan ang kanyang kamay.

"Hindi ako nagugutom! Hindi ko kailangan ng pagkain, Janina!"

"At ano ang gusto mo? Gusto mong magkasakit? Tingin mo babalik si Arcus kapag nangyari 'yon?"

"Huwag kang makialam! Umalis ka na! Hindi kita kailangan!" sigaw ko sabay tayo at layo sa kanya.

Tinungga kong muli ang hawak na alak at hindi na siya gusto pang pansinin pero kusa akong nahinto nang sunod na marinig ang paghikbi niya. Nakaigting ang panga ko siyang nilingon.

Hiding The Bastard's Baby [The Rozovsky Heirs 1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon