Chapter Three
Rozovsky
Kahit na hindi ito ang unang beses na magnanakaw ako ay hindi pa rin talaga nauubos ang kaba lalo na at medyo malaki ang nanakawin naming ngayong gabi at hindi pa sigurado kung manlalaban ba ang bantay o hindi.
Hindi naman ako natatakot na baka masaktan ako habang ginagawa iyon dahil kasama na 'yon sa bawat raket namin pero natatakot akong makapatay ang mga kasama ko. Nangyari na iyon dalawang taon ang nakalipas at hanggang ngayon ay nasa kulungan pa rin ang kasama namin at ang pangyayari ay hindi ko pa rin makalimutan.
Kahit na masama ako at halang na ang kaluluwa dahil sa puro illegal na ginagawa ay mayroon pa rin naman akong puso at nakakaramdam pa rin ako ng simpatya lalo na sa mga batang nawalan ng magulang nang makapatay ang kasama naming guwardiya dahil iyon ang nangyari sa amin ni Arcus. At hindi iyon madali. Kung hindi nga siguro namatay si Mama ay baka hindi ganito ang buhay namin. Baka hindi ako nalihis ng landas at hindi muling malalagay sa panganib.
"MVP! Huy! Presence of mind naman! Baka kapag nasa loob na tayo matulala ka eh! Ayos ka lang ba? Tumira ka ba bago tayo umalis?"
"Gago hindi ako nag-sa-shabu." Sagot ko kay JK habang maingat silang sinusundang baybayin ang kabahayan patungo sa target naming pawnshop.
"Eh bakit tulala ka diyan? Kanina ko pa napapansin parang tahimik ka, eh. Natatakot ka ba?"
"Tangina mo, hindi 'yon."
Natawa siya. "Eh ano pala? Pasalamat ka ako pa lang ang nakakapansin. Huwag mo nang hintaying mapansin ka ng mga ulupong na 'yan." Aniya sabay tingin sa aming harapan kung saan naroon sila Cardo.
Umiling lang ako at nagpatuloy sa pagsunod sa kanila. Tahimik na ang buong lugar. Tama lang na sa mga bubong kami dumaan dahil kung sa ibaba ay hindi matitigil ang tahulan ng mga asong kalye.
Naging mabilis ang mga sumunod naming galaw. Malinis ang plano at kahit na mga adik at kriminal ang kasama ko ay matatalino ang mga ito. Ang lahat ay pinag-aralan nila. Malakas ang ingay ng nagkakasiyahang videoke sa kabilang banda kaya hindi marinig ang ingay ng pagsira namin sa bubong para makapasok sa loob. Maliksi ang mga galaw nila Kuya Cardo. Nang makagawa na ng sapat na siwang ay agad na silang pumasok sa loob, kami ang huli ni JK.
Sa aming pagbaba ay sunod-sunod ang putok ng baril para sirain ang mga CCTV.
"Dapa! Dapa!" Malakas na sigaw ni Kuya Cardo at Bakal sa nagising na guwardiya.
Lutang itong dumapa. Nilapitan ito ni Kuya Bakal at kinuha ang baril pagkatapos talian at busalan ang bibig. Binasag namin ni JK ang lagayan ng mga alahas. Nang matapos sila ay tinulungan na nila kaming sirain ang vault.
"Jackpot! Kapag siniswerte ka nga naman! Mukhang mataas pa sa isang milyon ang makukuha natin ngayon!" Nakangising demonyong sabi ni Bakal habang kami ni JK ay naghahakot ng mga perang bulto-bulto.
"Isang minuto! Bilis! Kailangan na nating umalis."
"Tiba-tiba!" Si JK na tinapik ang balikat ko dahil talagang tahimik ako.
Tinanguan ko lang siya. Inayos ko ang suot kong telang maskara pagkatapos ay isinara't isinukbit na ang bag na laman ang kalahati sa mga nanakaw namin ngayong gabi. Nasa kanya naman ang kalahati.
Imbes na sa bubong lumabas ay sa back door na kami tumakas. Inakyat namin ang bakod at ilang eskinita lang ay naroon na kami sa naghihintay na sasakyan para tuluyan kaming makatakas. Sa loob ng labing limang minuto ay nalimas na namin ang lahat.
Malakas ang kalabog ng puso ko matapos makapasok sa loob ng sasakyan. Naghiyawan ang lahat nang humarurot na iyon palayo. Napasigaw na rin ako para mabawasan ang lakas ng kabog ng puso ko.
![](https://img.wattpad.com/cover/326371219-288-k15558.jpg)
BINABASA MO ANG
Hiding The Bastard's Baby [The Rozovsky Heirs 1]
Fiksi UmumWARNING: MATURE CONTENT [ SPG | R18 ] #RozovskyHeirsSeries1