CHAPTER 9

13.2K 167 2
                                    

Chapter Nine

Rolex


Hindi nawala ang init ng ulo kaya minabuti kong umalis na lang sa club na 'yon at hindi na hinintay pa si JK na matapos. Nag-text na lang ako sa kanya na nauna na akong umuwi.

Itutulog ko na lang sana ang lahat ng badtrip pero natigil ako nang maramdaman ang pagtabi sa akin ng isang babae sa jeep at ang pasimple niyang pagkuha sa relong ibinigay sa akin ni Arcus.

Nanatili akong nakapikit at kunwaring tulog hanggang sa pumara ito. Hindi niya napansing bumaba na rin ako sa kanyang pagbaba kaya naman nang hulihin ko ang kanyang palapulsuhan ay halos lumuwa ang mga mata niya nang walang sabi kong higpitan pa iyon.

"Ano ba! Bitiwan mo ako! Bastos ka!"

"Ibalik mo ang relo ko."

Mas lalo siyang nagulat pero ang hitsura ay mukhang hindi magpapatinag!

"Anong relo ang sinasabi mo! Bitiwan mo ako kung hindi sisigaw ako!"

"Kahit anong sigaw mo wala akong pakialam at hindi kita bibitiwan hangga't hindi mo ibinabalik sa 'kin ang relo ko."

"Wala akong kinuhang relo mo! Ano ba!"

Itinawa ko na lang talaga ang init ng ulo dahil baka siya pa ang mapagbuntunan ko ng galit. Kahit na ganito lang ako ay ni minsan hindi ko naman naisip na manakit ng babae kaya dapat niyang ipagpasalamat 'yon.

"Miss, magnanakaw din ako. Lahat ng ginagawa mong pandurukot ngayon napagdaanan ko na kaya kung hindi mo ibabalik ang relo ko mapipilitan akong dalhin ka sa mga pulis. Baka hindi mo alam taga Bayagbayag ako."

Doon na umawang ang bibig niya't natatarantang dinukot sa bulsa ang rolex na ibinigay sa akin ni Arcus.

"P-pasensiya ka na gipit lang!" Aniya at nang bitiwan ko matapos kunin ang relo ay walang sabi na siyang tumakbo palayo.

Hindi ko inalis ang mga mata hangga't hindi siya nawawala sa aking paningin. Nang hindi ko na makita ay kunot noo kong inangat ang relong muntik nang manakaw sa akin.

Wala akong masyadong alam sa mga ganitong klaseng relo dahil noon madalas ay wallet, cell phone, at mga gold na alahas lang ang tinitira ko pero ang sabi ni Arcus kahit na class a lang 'to ay mura lang niyang nabili. Hindi man ako marunong tumingin ng original alam kong hindi nanakawin ng babaeng 'yon ang relo kung walang halaga.

Naikuyom ko ang hawak. Imbes na dumiretso sa bahay ay sa isang kilalang alahasan ako pumunta. Kahit na gabi na ay pinagbuksan pa rin ako ni Mang Fidel dahil sa kanya ko dinadala't ibinibenta noon ang mga nananakaw ko sa daan.

"Pasensiya na Mang Fidel, hindi na kasi maipagpapabukas. Importante lang."

Inayos niya ang salamin at ngiting-ngiting tinapik ang balikat ko.

"Ano ka ba naman MVP! Ayos lang basta ikaw! Nanunuod pa rin ako ng TV at hanggang gising ay malaya kang pumunta rito. Ano ba ang sadya mo at bakit importanteng-importante?"

Pumasok ako nang luwagan niya ang pintuan.

"Ipapatingin ko lang ho sana itong relong ibinigay sa akin."

Kinuha niya sa kamay ko ang relo pagkatapos ay iginiya na ako kung saan niya tinitignan ang mga alahas. Tahimik akong naupo sa kanyang tabi at hinayaan siyang kalikutin iyon.

"Kumusta na at parang napakatagal mo nang hindi nagpakita rito. Mukhang nagbagong buhay ka na ah."

"Gano'n pa rin Mang Fidel. Mahirap pa rin sa daga."

Tumawa siya. "Hamo't bilog ang mundo, MVP. Sa sipag mo ay balang araw siswertihin ka rin. Teka, ibebenta mo ba ito? Ang ganda ng relong ito."

"Maganda at mukhang original ba talaga? Kung trip n'yo ibebenta ko na." pagbibiro ko pero nangunot lang ang noo ng matanda habang patuloy na kinakalikot ang relong hawak niya.

Hiding The Bastard's Baby [The Rozovsky Heirs 1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon