KABANATA 5

8 1 0
                                    




"HUWAG ho! Maawa po kayo sa amin!" Mangiyak-ngiyak na tugon ni Kario sa gwardyang pilit syang hinihila palayo sa akin. Maski si Tinang ay hindi na din napigilang hindi pumalahaw ng iyak dahil sa mga nangyayari.

"Ikulong ang babaeng 'yan!" Galit at matigas na tugon ng heneral sa kanyang mga tauhan at agad naman silang sumunod sa utos nito. Mula sa labas ng mansyon ay napalilibutan kami ng mga sundalo. Dumami na rin ang mga taong nakikiusyoso na kanina lamang ay may kani-kanyang ginagawa.

Hawak ngayon ng dalawang sundalo ang dalawang batang takot na takot na. Hindi na sila magkamayaw sa pagmamakaawa na huwag silang kunin at ikulong.

"Teka, bitiwan niyo ako! Sandali, heneral!" Sigaw ko upang makuha ang atensyon ng papalayong likod ng heneral. Subalit para itong walang narinig at nagpatuloy lang sa paglalakad hanggang sa tuluyan na itong mawala sa paningin ko. Tingin ko ay mukhang alam ng heneral na nagkukunwari lamang kami. Lahat ng napagplanuhan namin ay nawala sa isang iglap dahil sa nakakatakot na utos niya. Kung kanina ay mukha kaming mga pulubi at may kapansanan subalit nang dahil sa kaniya ay nanumbalik kami sa pagiging normal na tao.

"Ate, ayaw ko po makulong. Nanay!" Palahaw ni Kario. Samantalang si Tinang naman ay umiiyak din at nakayakap sa kasama. Kapwa silang hindi matigil sa pag-iyak.

"Ano ba! Ang iingay niyo!" Sigaw ng isang sundalo. Akma niya sanang aambahan ng palo ang mga bata gamit ang baton ngunit naunahan ko sya at sinipa sa binti kahit na hawak-hawak ng dalawa pang sundalo ang mga braso ko.

Napaupo naman ang sundalo sa ginawa ko.

"Huwag mo silang sasaktan!" Sigaw ko. Ngunit hindi niya ako pinakinggan at sinampal niya ako ng pagkalakas-lakas dahilan ng pagkatabingi ng mukha ko, na siyang ikinagulat ko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig at ramdam ko na namanhid na din ang pisngi ko sa ginawa niya.

Sa tanang buhay ko ay wala pang nagtangkang pagbuhatan ako ng kamay. Maski na ang aking lola na sukdulan ko siyang galitin kapag hindi ko sinusunod ang mga gusto niyang mangyari sa akin. Ngunit siya na hindi ko naman kilala at mas lalo nang hindi ko kaano-ano, sino siya para sampalin ako? Sandali akong hindi nakagalaw at sa mga panahong iyon ay naramdaman ko na ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. Mariin akong pumikit at hinayaan ko silang tumulo.

"Ikulong ang babaeng iyan!" Galit na wika nito na siya namang agad na sinunod ng sundalo kaya't halos kaladkarin na nila ako paalis. Nagpumiglas ako subalit dahil sa mas malalakas ang mga ito na kulang na lamang ay maputol na rin ang mga braso ko dahil sa higpit ng pagkakahawak nila ay wala na akong nagawa. Muli na lamang akong napalingon sa dalawang kaawa-awang batang nadamay ko at hanggang dalhin nila ako sa kulungan ay hindi na maalis sa isipan ko ang takot sa kanilang mga inosenteng mukha.



Malamig, madilim, at masyadong tahimik. Ganito pala ang pakiramdam kapag nasa kulungan ka noong sinaunang panahon. Napabuntong hininga ako at muling sinapo ang nangingirot kong pisngi.

"Ouch," daing ko. Muli kong naalala ang pangit na mukha ng sundalong sumampal sa akin. "How dare him?!" Sigaw ko tsaka pinagsisipa ang nangangalawang na rehas kung saan ako kinulong ngayon.

"Palabasin niyo ako dito! Ayoko dito ang baho tsaka ang kadiri!" Kahit na madumi at nangangalawang ang rehas ay pilit ko paring idinungaw ang ulo ko upang sumilip sa madilim na pasilyo ng kulungan. Halos maiyak naman ako sa tuwa nang mailusot ko ng buo ang ulo ko doon. Mabuti nalang talaga at ipinanganak akong maliit ang ulo tapos maganda pa. Feeling ko tuloy paborito talaga ako ni lord.

Marahan kong sinuri ang kabuuang lugar. Wala akong ibang makita kundi mga silid ng kulungan at iilang sulo sa bawat haligi na nagsisilbing ilaw ng paligid. Bukod sa tahimik ay nakakatakot din ang awra ng lugar na kung maaari ay hindi mo gugustuhing pasukin.

The Sassy KatipuneraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon