Kabanata 16

114 7 0
                                    

The Moment He Knew

"Bakit biglaan naman ang pag-resign mo, Ma'am Cha? Hindi ka na ba talaga namin mapipigilan?" tanong ni Ma'am Marpuri na isa sa mga head teacher dito.

"Naisip ko lang po kasi bigla na mag-full-time housewife na lang. Tutal medyo malaki na rin naman ang sahod ng asawa ko at wala naman kaming masyadong gastusin. Gusto kong magpaalaga para sana mabuntis na ako," sagot ko. Ayokong sabihin na may sakit ako.

"Sabagay, sige. Pwede kang bumalik kung gusto mo. You know we still need teachers." Tumango si Mr. Allarde na principal naman ng school.

Hinintay kong matapos si Jude sa mg klase niya sa araw na ito. Palingon-lingon ako sa paligid para kabisaduhin ang eskwelahan kung saan natupad ang pangarap kong makapagturo kahit sandali lang.

"Ma'am, bakit ka po aalis?" tanong Aya na isa sa mga estudyante ko na madalas ay nagpapaturo sa akin pagkatapos ng klase. "Wala ng magtuturo sa akin, ma'am. Mukhang masungit po yung bago naming math teacher," bulong niya.

"Sorry, ha? May mga bagay kasi na biglang kailangang pagtuonan ng atensyon ni ma'am. Hindi pa lang siguro kayo sanay sa bago niyong teacher. Mabait naman siguro 'yon." Hinaplos ko ang likod niya at nginitian siya para sana mapagaan ang loob niya.

Hindi naalis ang tampo niya sa akin hanggang sa umalis na lang siya para sa susunod niyang klase. Ang bigat sa kalooban na iwan sila dahil napamahal na rin sila sa akin. Ayoko naman talagang umalis, eh. Gusto ko silang makitang makapagtapos, gusto ko nandoon ako kapag kukunin na nila ang diploma nila pero hindi pwede.

"Hinintay mo pa talaga ako. Dapat nauna ka nang umuwi para hindi ka nainip." Kinuha ni Jude ang dala kong mga binigay ng mga co-teacher namin. Pabaon daw nila sa akin dahil 'yon daw ang tradisyon nila kapag may umaalis na teacher.

"Ayos lang naman. Nakapagpaalam pa ako sa mga estudyante ko," sabi ko at kumapit sa braso niya.

"Tara na, bilhin na natin 'tong mga gamot mo at para makapagpahinga ka na rin." He kissed the top of my head before we started walking.

Sumakay kami sa pinara niyang tricycle patungo sa bayan kung nasaan ang botika. Siya na lang ang bumaba dala ang reseta na binigay ni Dr. Alvarez. Malalaman niya kaya ang sakit ko dahil lang sa mga gamot na iyon? Ano kaya ang magiging reaksyon kung sakaling malaman na niya? Hindi pa ako handa...

Natanaw ko siya na kausap na ang pharmacist. Nagtagal sila kaya pakiramdam ko ay nalalaman na niya ang sakit ko. Mabagal ang paglakad niya palabas ng botika habang dala ang mga biniling gamot. Panay ang iling niya at halata ko ang pag-igting ng bagang niya.

Nag-iwas ako ng tingin nang sumakay na siya sa tricycle at sinensyasan na ang driver na magpatuloy. Walang umiimik sa amin buong biyahe. Halos mapunit na ang plastic ng mga gamot dahil sa higpit ng paghawak niya rito.

Nanginginig ang kamay ko nang takpan ko ang bibig ko para mapigilan ang paghikbi. Gusto ko siyang hawakan pero hindi ko alam kung paano. I might break him if I touch him.

"Salamat po," sabi niya sa driver pagkatapos ang ibigay ang bayad namin.

Hinawakan niya ang kamay ko at marahang hinila. Ramdam ko ang kaba niya dahil sa pamamawis ng palad niya. Nakatingin lang ako sa kanya buong oras na binubuksan niya ang pinto ng bahay namin. Pagkapasok namin sa loob ay kapwa kami nanlambot. Tumalikod sa akin ang asawa ko at nilagay sa center table ang mga biniling gamot.

Keeping The Clouds (After School Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon