Chapter 2

76 5 11
                                    

Isang napakalakas na break ng aking bisekleta at pagkaskas ng rubber shoes ko sa damuhan ang tanging ingay na narinig nang muntik na akong mahulog sa isang matarik na bangin. Masyado akong nalula at natumba sa bike dahil sa sobrang taas nito kasabay ng pagtumba rin ng aking bisekleta.

"Arghhh! Ang... sakit.." Inda ko sa gasgas sa aking siko dahil sa pagkakahulog. Hindi natamaan ang aking legs dahil inangat ko talaga ito para hindi magkasugat at maging peklat pa.

Natulala ako ng ilang segundo bago tumayo nang dahan-dahan. Tinayo ko rin ang bike ko at isinandal sa puno malapit sa... isang stream. Napanganga ako at nabuhayan ulit ng loob nang makita kong may stream dito sa hangganan! Mabilis akong tumungo duon at pinagmasdan ang laki ng sapa.

Nakadikit na ito malapit sa bangin pero may mga malalaking bato na nakaharang sa gilid para hindi ka tuluyang mahulog sa bangin. Medyo mapuno narin sa parteng ito. Kitang-kita ko ang napakalinaw na tubig nito sa ilalim. Mayroong maliliit na mga batong nakapalibot sa pa-habang hugis ng kabuuan ng sapa pero mayroon ring kaunting malalaking bato. Sa likod nito na natatanaw ko ngayon sa harap ko ay may isa pang punong malaki kagaya ng nasa aking gilid. Kumbaga nasa kaliwa ang mataas na bangin, sa kanan ang matabang puno at sa harap ko ang malaking sapa. Matatangkad na ang iba pang punong nakapalibot.

Sa tabi ng punong malaki ay mayroon ring malalaking bato na naghuhugis ng half circle na parang pintuan at pwede ka nang pumasok. Makikita mo ang hagdan ng tubig na umaagos pababa sa stream. Medyo malalim ang tubig na naroon sa loob, at sa katunayan nga ay kasya ang tao dito. Parang kweba ito na maliit. Sa bandang labas ay hindi mukhang malalim ang tubig at wala kang makikitang mga buwaya. Mabato kasi at mababaw lang ito kahit malaki.

Umihip ang napakalakas na hangin na ngayon ko lang naramdaman. Ibang-iba ito sa karaniwang malamig na hanging aking madalas na maramdaman. Kinilabutan ako at may naramdaman sa aking likod na mainit na... bagay? Bakit ang tigas?

Nanlaki ang mga mata ko at napatakbo sa puno ng wala sa oras. Sunod-sunod ang bilis ng paghinga ko at kumakalabog ang puso ko sa takot at nerbyos!

"Paano ka napunta dito?" Isang malamig at matigas na boses ang narinig ko sa likuran, 'di gaanong malayo o malapit sa akin. Mababaw lang at mahinahon ang lalaking boses pero nakakapanindig ng balahibo ito. Parang literal akong hinampas ng malamig na hangin at masakit ito sa balat.

Unti-unti akong kumalma at sumandal sa puno. Nakapikit ang mga mata ko at hindi ko alam kung anong mangyayari kung bubuksan ko nalang ang mga ito at makikita kung sino ang nagsalita at magtataka kung paano nagkaroon ng tao sa likod ko kanina gayong wala naman dapat dahil una sa lahat, hindi ko alam kung s'an banda man siya susulpot kasi masyadong malawak ang lugar na ito at wala kang mapagtataguan bukod sa malaking puno kung nasaan ako ngayon.

Kinalma ko ulit ang sarili ko sa lahat ng naiisip. Paanong mangyayaring bubungad siya nang hindi ko napapansin?

"Hindi mo ba ako narinig? Tinatanong ko kung paano ka napunta sa teritoryo ko!"

Sa sobrang bigla ko sa kanyang marahas na boses ay napadilat ako at nakita siyang nanggagalaiti sa galit sa aking harap. Una kong napansin ang maiging nakakuyom niyang panga at ang labi niyang kumukurba lang ng isang guhit. Natatakot akong umangat pa lalo ang tingin ko papunta sa mga mata niya pero nagawa ko parin pagkatapos kong lumunok ng ilang beses.

Ano iyong sinabi niya? Teritoryo? Nino? Teritoryo niya?

Bumuntong hininga ito at tinagilid ang ulo pabaling sa kabuuan ng sapa. Nawala tuloy ang tingin ko sa mata niya. Ang mga mata niyang dalawa ang kulay. Kitang-kita ko iyon dahil sobrang malinaw ang kaliwang mata niya na kulay blue samantalang green naman ang isa pero hindi masyadong bright gaya ng kabila.

The Sound of GaleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon