PROLOGUE

13 0 0
                                    


"Haa...Haa...Haa...Bilisan ninyo!" sunod sunod ang paghabol ng hininga ng emperatris kasama ang kanang-kamay niyang si Teresa at ang asawa nitong si Evlon, bitbit ang dalawang niyang anak na umiiyak dahil sa mga ingay at biglaang pagkilos.

"Sshh, sshh, sshh. Tahan na, mahal na prinsesa." Sinubukan ni Teresa na ihele ang sanggol na dala-dala niya. Tatlo silang hinihingal habang tumatakbo sa loob ng gubat dahil sinusubukan silang huliin at puksain ng mga kalaban.

Napansin ng emperatris na mas lumiliwanag ang daan nila kaya alam niyang may paparating sa kanila. Agad siyang nagpakawala ng holy barrier para hindi sila tamaan ng maiinit na apoy, dahilan para malaman ng mga kalaban kung nasaan sila.

"Ayon! Nandito sila! Huliin ninyo! Hindi natin pwedeng biguin ang ating hari! Bilis!"

Nagpatuloy lang sa pagtakbo ang tatlong hinahabol ngunit nadapa si Teresa at nasugatan sa gilid ng kanang noo ang sanggol na hawak niya kaya tumigil sila. Umiyak naman ang bata kaya mabilis na lumapit ang ina niya.

"Elysha! Anak..." niyakap niya ang anak at sinuri ang sugat. Gagamitin na niya sana ang healing powers niya pero pinigilan siya ni Evlon na dala-dala ang isa niya pang anak.

"Kamahalan!" hinawakan siya agad nito sa pulsuhan. "Masyado na rin kayong nanghihina. Hindi ninyo pa pwedeng gamitin ang kapangyarihan ninyo lalo na ang healing powers."

"Pero ang anak ko..."

"Mabubuhay si Elysha, Mahal na Emperatris. Pero hindi natin pwedeng ibuwis ang buhay ninyo ngayon dahil marami pa kayong kailangan gawin."

Tinignan ng emperatris ang kanyang anak at nagsimulang maluha dahil ang dami niyang pagkukulang dito bilang ina. Hindi man lang siya nabigyan ng pagkakataon na makasama ito kahit isang buwan. Hinalikan na lang niya ang sugat nito dahil alam niyang tama si Evlon.

Mas lalong lumakas ang sigaw ng mga kalaban, senyales na papalapit na sila kaya hinila ni Evlon sa braso ang emperatris patayo at nagsimula na naman silang tumakbo ulit.

Malapit na sana sa portales papalabas ng mundo nila pero may lumipad na palaso sa direksyon nila at tinamaan nito ang emperatris sa likod.

"Kamahalan!" lalapitan na sana siya ni Teresa pero pinigilan niya ito. "Mauna na kayo sa portales! Tumakbo na kayo!"

"Pero Kamahal—"

"Mauna na kayo! Hindi nila ako agad papatayin dahil may kailangan sa akin ang hari. Kung mahuhuli nila ako ay gagawa ako ng paraan pero ngayon, ang misyon ninyo ay ang madala ng ligtas sa kabilang mundo ang mga anak ko!" putol sa kanya ng emperatris kaya nagkatinginan ang mag-asawa pagkatapos ay tumingin sila sa kanilang reyna na nakadapa, yakap sa mga bisig ang isang anak.

Muli na namang naluha ang emperatris nung masilayan ang maliwanag na mukha ng anak pero nagdurugo ang noo. Naluha din si Teresa kaya naman nilapit niya rin sa reyna ang isa niya pang anak para mabigay ang huli niyang pamamaalam sa mga mahal na anak.

"Patawarin ninyo ako, aking mga ShaSha. Mga munti kong prinsesa. Patawarin ninyo itong iresponsable, sakim at pabayang ina sapagkat hindi ko kayo masusubaybayan sa kabilang mundo at hindi ko kayo makikitang lumaki. Pero lagi ninyong tandaan..."

Parang pinipiga ang puso niya dahil sa lungkot at katotohanang ito na ang huli niyang pagkakataon na makita ang mga anak niya. Ito na ang huling sandaling mayayakap, makakausap at makakasama ang dalawa niyang minamahal. Hindi naman makatingin ng maayos si Evlon sa emperatris at dalawang prinsesa samantalang humihikbi na rin si Teresa dahil alam niya kung gaano kasakit ang sitwasyon at desisyon na ito para sa kanyang reyna.

"Mahal, na mahal, na mahal, na mahal ko kayong dalawa. Hindi ninyo man iyan maririnig sa paglaki ninyo ay maraming paraan para makita ang pagkakataon na ito. Walang kasiguraduhan na magkikita tayong muli pero sisiguraduhin kong may tahanan kayong babalikan at iiwan ko ang mga bakas ko para kahit sa ganitong paraan ay maramdaman ninyong mahal ko kayo. Nawa'y lumaki kayong matatag, Mabuti at may malasakit sa ibang tao dahil iyan ang magiging sandata ninyo sa oras ng digmaan. Ipinagdarasal ko rin na sana'y lumaki kayo ng maayos at lalong lalo na ang maging masaya."

Princess Chronicles: Powers AwakenedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon