Ika-apat na Pahina: Misteryosong Kaganapan

1 0 0
                                    

Sa kagustuhan na makalanghap ng sariwa ulit na hangin ay lumabas siya muna mula sa kotse. Yakap ang sarili ay nilibot niya ang kaniyang mga mata.

Ang tagal niya nang hindi napupuntahan ang lugar kaya't hindi niya akalain na may nagtayo na pala ng convenience store sa tapat nito.

Pinagmasdan niya ang dating palaruan nila ng pinsan. Napapangiti siya dahil sa halo-halong emosyon na nararamdaman.

Ilang segundo lang ay natanaw niya mula sa hindi kalayuan ang nakalapag na bagay sa daan. Pinaningkitan niya pa ang kaniyang mga mata hanggang sa unti-unti itong nanlaki nang maaninagan kung ano ito.

Takot man ang pangunahing nararamdaman, dahan-dahan niya itong nilapitan at pinuntahan. Napasinghap siya ng hangin nang makita ang libro mula sa panaginip niya.

Umatras siya ng isang hakbang, dalawa, tatlo hanggang sa nagawa niya nang nakatakbo palayo ngunit habang inihahakbang ang mga paa paalis ay animo'y pakiramdam niya'y hindi parin siya naaalis sa kaniyang pwesto.

Ang pagtakbo niya palayo roon ay siya rin namang kung anong mahika na naglalapit sa kaniya at sa libro. Tila hinihila lamang ang mga lupang kaniyang tinatakbuhan palapit nang palapit sa direksyon ng libro. Sinubukan niya nang sinubukan at sa sobrang takot ay napapikit siya sa hingal.

Akala niya'y sa sobrang tagal niyang nagwasiwas ng tuhod sa bawat takbo ay nalagpasan niya na rin ang kotse sa dami ng kaniyang ginawang hakbang palayo ngunit doon siya nagkakamali.

Pagdilat ng kaniyang mga mata, naabutan niya ang libro isang hakbang lang mula sa kaniyang pwesto, sa harapan niya mismo.

Nanlaki ang mga mata niya at hindi naiwasang mapasigaw. Dali-dali ay hinakbangan niya ito atsaka nagsisisigaw na tumakbo pabalik sa kotse. Sa pagkakataong ito ay tuluyan na siyang nakabalik sa inaasam na taguan.

Habol ang kaniyang hininga na isiniksik ang sarili sa ilalim ng mga upuan. Nakapikit lamang siya habang pilit na pinapakalma ang sarili mula sa nasaksihan.

Napasinghap siya nang may kamay na lumitaw sa bintana. Mabuti na lamang at hindi niya na nagawang sumigaw para hindi magising ang natutulog niyang pinsan. Bigla nalang din kasing bumungad ang wangis ng kaniyang Kuya Ellion.

Hingal na hingal at mukhang galing din ito mula sa pagtakbo. Bakas sa mukha nito ang labis na pagaalala sa kapatid at pinsan. Sinenyasan niya ito na buksan ang pinto na kaagad namang ginawa ni Adora.

Bago pa man makapagsalita ang kaniyang kuya ay sinalubong na siya ng yakap ng kapatid na babae na binawian rin nito ng mahigpit na yakap. "Kuyaa!" Iyak nito sa bisig ng kapatid. "Natatakot ako" Hagulgol nito.

"Okay na, nandito na si kuya" Pagpapakalma nito kay Adora habang hinahagod ang kaniyang likod. "Umupo ka muna doon sa tabi ng driver's seat" Utos sa kaniya nito.

Aalis na sana si Ellion nang hawakan ng kapatid ang dulo ng damit nito para pigilan. "S-saan ka pupunta kuya?"

Ngumiti ito para bigyan ng katiyakan si Adora na hindi niya ito iiwan. "Bubuhatin ko lang si Soleil para maiuwi na kayo"

Wala nang nagawa si Adora, binitawan niya ang damit ng kapatid atsaka na dumiretso rin sa tabi ng driver's seat habang si Ellion naman ay binuhat ang natutulog na pinsan atsaka inilapag sa likurang upuan.

Nang makapwesto na sa tabi ni Adora ay sinimulan niya nang imaniubra ang kotse paalis doon. Samantalang si Adora ay may labis na takot at pagaalala ang mukha nang tignan ang direksyon kung saan nangyari ang misteryosong pagtatagpo nila ng libro. Hindi naalis ang kaniyang paningin dito hanggang sa makaalis na sila ng tuluyan.

Book, Blossom And Fate: The Book of Destinesia [ON-GOING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon