Paghilom II: Sigalot

6 1 0
                                    

Dahlia's POV

Padabog kong binitawan ang lapis bago siya sundan mula sa pagkakatayo niya.

"Ano ba talagang gusto mo?" pasigaw na tanong ko sa kanya.

Napatigil ito sa paglalakad palayo pero nanatiling nakatalikod.

Alam ko sa sarili kong maganda ang pagkakagawa ko sa bawat disenyong pinapasa ko pero bakit palagi niya namang tinaganggihan at hindi nagugustuhan?

"Sa tingin ko ay hindi naman talaga disenyo ko ang problema rito, sir David." Nang dahil sa sinabi ko ay napalingon ito sa akin ngunit walang tinurang salita kahit isa.

"Design ko ba talaga ang ayaw mo? O baka ako na?" Walang reaksyon ang mukha niya at nanatiling nakatitig sa akin.

Ngunit ang sunod kong sinabi ang nakapagpabago sa emosyong pinapakita ng mukha niya. "O baka ikaw talaga ang problema? Hindi mo ba talaga gusto ang mga ginawa ko o baka gusto mo lang yung ideya na pahirapan ako?"

Hindi ko na hinintay ang sagot niya at ako na mismo ang tumalikod sa kanya para kunin ang mga gamit ko.

Nang naglakad ako para lagpasan siya ay nakatingin lang ito sa akin, nakikiramdam kung itutuloy ko ba ang pag-alis o hindi.

Hindi ko kaya at hindi ko akalain na sa lahat ng tao at sa lahat ng kliyente, siya pa ang magiging dahilan kung bakit ko kukuwestiyunin ang kakayahan ko bilang architect.

Samantalang dati, siya ang unang taong naniwala sa kakayahan ko bago pa man ako mapunta rito.

Akmang lalagpas na ako sa direksyon niya nang bigla niyang kapitan ang pulsuhan ko para pigilan ako.

"Magtatrabaho ka pa, Dahlia."

Napatawa naman ako nang mapakla dahil sa angking kakapalan ng mukha niya. "Hindi na, 'no! Sa'yo na 'yang pera mo. Humanap ka ng architect na maaabot 'yang 'standard' mo."

Ipiniglas ko ang kamay ko dahilan para mabitawan niya at tuluyan akong makapaglakad papalayo.

Parang andali lang sa kanya ng lahat.

Kapag siya ang nagsabing huwag umalis, kailangan ay sundin?

Bakit noong ako ang nakiusap noon, tinalikuran lang din ako.

Kilala si Ardhen bilang isang matalinong estudyante hindi lang sa klase namin kundi pati sa buong school kung saan kami nag-aaral.

Matunog ang pangalan niya dahil magaling siya sa halos lahat ng bagay.

Talagang magkabaliktad ang paniniwala at ugali namin.

Hindi naman ako gaanong nagsisipag sa pag-aaral.

Tama na sa akin ang pumasa at makakuha ng sapat na grado.

Noong mga panahong iyon ay nagsisimula na akong matuto sa pagguhit dahil alam ko na sa sarili kong gusto kong maging architect kaya sa pagguhit ko itinutuon ang oras at atensyon ko.

Hindi ko inaasahang sa dami ng nag-aabang na babae sa kanya, ako pa ang napili niya.

Madalas niya akong panooring gumuhit kapag tapos na siyang magbasa.

Minsan naman ay pipilitin niya akong magbasa pero ginuguhitan ko lang din ang mga pahina.

Napapaisip ako kung ano ba ang ginawa ko para magustuhan ng kagaya ni Ardhen.

Parang panaginip ang lahat at sa tuwing kasama ko siya, kalmado ang puso ko.

Suportado namin ang isa't-isa kaya ang buong akala ko ay magiging gano'n kami hanggang sa kasalukuyang panahon.

Hindi ko inaasahang darating ang isang araw na mangyayari ang kinatatakutan ko.

"Hindi ko na kaya, Dahlia," saad niya habang iniiwas ang tingin sa akin at pilit na pinapabitaw ang kamay ko sa kanya.

Pinipigilan ko ang emosyon dahil nangangamba ako sa kung anong kahahantungan ng usapang 'to.

"Anong nagawa ko? Makulit na ba ako masiyado-"

"Oo," malamig niyang tugon nang putulin ang pagsasalita ko.

"Kailangan kong mag-focus sa pag-aaral, Dahlia. Hindi ka nakakatulong." Ang mga salitang iyon ay naging sapat para bumitaw ako sa kamay niya at hayaan siyang umalis.

Wala akong nasabi matapos niyang banggitin ang mga salitang 'yon.

Hindi ko mabasa ang emosyon sa mukha niya pero sigurado akong pursigido siyang itigil ang relasyon namin.

Nilagpasan niya ako at iniwan bago sumapit ang takipsilim.

Hindi ko siya sinundan ng tingin at pilit na pinapakalma ang sarili.

Noong araw na 'yon nagsimula ang mga bangungot ko tuwing gabi.

Halos hindi ako makatulog sa sobrang sama ng mga pangyayari sa panaginip ko.

Karamihan sa kanila ay hindi ko matandaan sa tuwing paggising ko pero tandang-tanda ko ang pakiramdam kung paano kumabog ang puso ko at kung gaano ako katakot sa tuwing gigising ako mula sa bangungot.

Simula no'n ay nagkaroon ako ng takot matulog na naging resulta kung bakit gustung-gusto ko ang magtrabaho.

Nahirapan ako at hinarap ko 'yon lahat nang mag-isa.

Kahit pa ilang taon kaming hindi nagkita, hindi ko siya nagawang kalimutan dahil hindi naman siya umalis sa isip ko kahit kailan.

Ngayong nangyayari sa amin ang lahat ng 'to, pinatunayan lang ng tadhana na dapat una pa lang, hindi na talaga kami dapat nagkita. 

Paghilom: A Short StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon