Panimula

5 1 0
                                    

Isang dalagita ang nakakulong sa maliit na selda. Gawa ang mga pader sa bato ng sapiro at obsidiyano—pinaghalong kulay ng asul at matingkad na itim—pero dahil ang tanging ilaw lang dito ay ang sinindihang sulo na nakasabit sa bawat kulungan, halos naging kulay itim na rin iyon.

Iyon ang dalawang bato na iniutos mismo ng Hari sa manggagawa na espisipikong gamitin nang simulang planuhin ang kulungan sa ilalim ng kastilyo. Daan-daang palapag ang ipinagawa na kulungan ng Hari upang magsilbing selda para sa mga may sala o gumawa ng karumaldumal na krimen. Tumagal ang paggawa niyon ng halos ilang taon.

Ayon sa ilang Kapitan, habang bumababa ang palapag, mas mapanganib na kriminal ang matatagpuan sa loob ng mga selda. Marami na rin sa mga ito ang nagsabi na tila halos walang katapusan ang mga palapag. Minsa'y narating nila ang ika-isandaan at walumput-pitong palapag. Matagal na iyong hindi nasisikatan ng araw, ang mga sulong nakasabit sa bawat selda ay matagal nang hindi nalagyan ng apoy, at ang katawan ng mga kriminal ay halos buto na lamang dahil hindi na iyon halos napapakain. Tanging ang mga puso na lang nito ang tumitibok. Kaya naman tinawag ang tila walang hanggang kulungang ito na nasa kailaliman ng kastilyo na Gehena na ang ibig sabihin sa pangkaraniwang lengguwareng Sylvari ay Impyerno.

Ang makakapal na mga metal ang nagsisilbing harang ng bawat kulungan. Hinaluan din ito ng parehong bato—sapiro at obsidiyano. Nakakapagpahina ang dalawang uri ng batong ito sa mga nilalang na kagaya ng babaeng kasalukuyang nasa loob ng kulungan.

Pinagmasdan ito ni Riolo. Siya ang naatasang umistasyon at magbantay sa kriminal na ito, ayon sa utos ng kanyang Kapitan. May kasamahan siya ngunit saglit itong lumabas para magpahangin dahil matindi ang samyo dito sa kailaliman ng kastilyo—pinaghalong dumi at panghe ng animo mga hayop. Nasa ika-isang daan at pitumput-walong palapag siya ng Gehena.

Nakakabit ang dalawang pulsuhan ng dalagita sa metal na nakakonekta sa kulay itim na pader. Mukhang wala na itong malay pero bahagya pa ring gumagalaw ang dibdib nito, na animo'y ipinaparating na buhay pa ito. Malinaw na nakikita ni Riolo ang pangingitim ng sugat sa pupulsuhan ng dalagita. Ilang buwan na ba itong nakakulong dito? Pero ayon sa mga sugat nito mula sa tuhod hanggang sa mukha, naisip niya na baka taon na ang lumipas simula nang ikulong ito rito. Umuukit na rin sa balat ng babae ang mga buto nito sa katawan.

Bahagyang nakaramdam ng awa si Riolo na mabilis niya ring pinakli sa isipan. Isa itong kriminal. Ibig sabihin, may ginawa itong karumal-dumal na krimen para mauwi ang dalagita sa palapag na ito. Napahigpit ang hawak niya sa puluhan ng kanyang espada.

"Naaawa ka na ba sa akin?"

Halos mapatalon si Riolo sa kinatatayuan at awtomatikong umisang hakbang palayo sa kulungan. Garalgal ang boses ng dalagita at mababa iyon. Dahan-dahan itong nag-angat ng ulo. Humpak na ang pisngi nito at nangingitim na rin ang ilalim ng mga mata. Ang buhok nito ay tila kakulay na rin ng seldang kinalalagyan. Kakaiba ang tinging ibinigay nito kay Riolo. Nanuot ang kalamnan niya at tila ba parang may pumipiga sa kanyang lalamunan at hindi niya magawang makapagsalita.

"Kinaaawaan moa ko? Isa akong Maji," pagpapatuloy ng dalagita.

Isa siyang Maji, ulit ng boses sa isip ni Riolo. Kinalakihan nila ang salitang iyon. Ang salitang pinag-aralan nilang kamuhian.

Biglang nag-init ang dugo niya sa narinig. Isa kang salot! Kahihiyan! Hindi ka na dapat nabuhay pa! gusto iyong ibulyaw ni Riolo sa dalagitang nasa loob ng kulungan ngunit hindi niya magawang ibuka ang bibig.

"Salot?" pagak itong tumawa na umalingawngaw sa kinalalagyan nilang palapag sa ilalim ng kastilyo. Nabahiran ng takot ang sistema ni Riolo. Muli siya nitong pinakatitigan sa mga mata. Nagawang niyang maaninag ang kulay niyon—lila. Madilim na lila. "Wala ka na bang ibang salita para sa mga kagaya ko, Riolo?"

Awit ng Dugo at AboTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon