AMARA
Sa kalagitnaan ng mga abalang mamamayan sa maliit na bayan ng Narai, kasalukuyang nakatayo ang labing-anim na taong gulang na si Amara Espevar sa harap ng tinapayan ng kanyang pamilya. Nasa loob ang nasabing tinapayan ng Sentrong Merkado ng Narai kaya naman halos magsiksikan na ang mga mamimili sa loob niyon.
Ang maliit na bayan ng Narai ay matatagpuan sa mayamang lupain ng Sumera, na pagmamay-ari ng pamilyang Uram, na pinamamahalaan ni Lakan Imre. Tinawag na mayaman ang lupain ng Sumera dahil sa libo-libong lupain ng hardin at sa mga bulaklak na matatagpuan sa bawat panig nito. Pero iba ang maliit na bayan ng Narai. Ito ang pinakamahirap na bayan sa lupain ng Sumera. Dito itinatapon ang mga basura at dumi ng mga mas matataas na bayan at dito rin matatagpuan ang mga taong walang kakayahang makapag-aral at ang mga taong gumawa ng krimen na binigyan ng tsansang makapagbagong-buhay.
Ang Inang Ofelia ni Amara ay kapapanganak lamang kaya naman ito ang bantay sa kanilang maliit na bahay at tagapag-alaga sa kanilang bunso. Kaya si Amara ang naatasang magbantay ng kanilang tinapayan buong araw. Wala namang kaso iyon sa kanya dahil wala rin naman siyang importanteng gagawin ngayong araw. Sa katotohanan, siya na ang madalas na nagbabantay sa kanilang tinapayan sa kadahilanang napasara na ang natatanging Aklatan sa kanilang bayan—kung saan siya dati nagtatrabaho bilang alalay. Mabait ang may-ari ng Aklatan kaya naman pinagbigyan si Amara na magtrabaho roon kahit na ipinagbabawal na tumanggap ng mga trabahador na wala pa sa tamang edad. Napasara iyon isang lingo pa lang ang lumilipas dahil hindi na raw kumikita ang may-ari kaya napilitan itong ipaalam muna kay Amara bago nito tuluyang lisanin na ang puwesto ng aklatan nito. Malungkot man, wala rin namang nagawa si Amara. Kahit na napamahal na siya roon dahil halos mag-iisang taon din siyang nagtrabaho roon bilang alalay ng may-ari. Kadalasan ay wala ito kaya nangailangan din ng magbabantay sa negosyo.
Noong mga panahon na iyon, matindi rin kasi ang kanilang pangangailangan sa pera kaya naman siya na rin ang nag-presentang humanap ng trabaho. Kapapanganak lang din ng kanyang Inang Ofelia at ang kanyang Amang Lando naman ay paminsan-minsan na lang din magkaroon ng trabaho bilang manggagawa.
Nakatayo si Amara sa harap ng kanilang tinapayan dahil kanina pa niya hinihintay ang tanging naging kaibigan niya simula pagkabata—si Daario. Malapit nang lumubog ang araw sa kanluran kaya naman hinahanap na niya ito. Sabay kasi lagi silang umuwi dahil hindi naman ganoon kalayo ang kani-kanilang tahanan. At isa pa, may napapabalita na dumarami raw ang mga rebeldeng kumukuha ng kabataan para ibenta sa mga mayayamang pamilya para gawing alipin. O iyon ang sinabi sa kanya ng kanyang Inang Ofelia noong nakaraang araw.
Mula sa kalagitnaan ng mga tao may biglang sumigaw. Agad na napabaling si Amara sa pinanggalingan ng boses. Sa kanyang kintatayuan ay napansin niyang nagkakagulo ang mga tao sa may bandang gitna ng Sentrong Merkado. Nagsimula na ring maki-usyoso ang mga taong nasa labas pa. Tinignan na muna niya ang kanilang tinapayan bago ibinalik ang tingin sa pinagkakaguluhan ng mga tao. Puno ng kuryosidad na nakipagsiksikan siya hanggang sa maabot niya ang pinagmumulan ng gulo.
Napaawang ang kanyang bibig nang madatnan si Daario na nakasampa sa isang lalaki. Nakahamba pa ito ng suntok at ang binatilyo sa ilalim nito ay nakapikit na animo'y hinihintay ang kamao ng isa. Nagmartsa siya palapit kay Daario at pinigilan ang kamao nito.
"Daario, ano'ng ginagawa mo?" tanong niya rito. Hindi ito ang unang beses na napaaway o nasangkot sa gulo ang kanyang kaibigan.
Mukhang nadismaya ang mga tanong nanonood sa suntukan ng dalawa nang pigilan iyon ni Amara. Nang mag-angat ng tingin si Daario sa kanya, hindi na ito nagulat.
"Ninakawan niya kasi si Aling Rakel ng gulay roon," umingos pa ang nguso nito pakaliwa para ituro ang tindahan ng matandang babae. "Bitiwan mo ako para matuto itong magnanakaw na ito. At nang hindi na umulit."
BINABASA MO ANG
Awit ng Dugo at Abo
FantasySa isang mundo kung saan ang pagiging Maji o ang pag-eensayo ng Majika o kapangyarihan ay isang kasalanan na ang kapalit ay kamatayan, pipiliin mo ba ang minana mong hiwaga mula sa mga ninuno o tatalikuran iyon at itatago? Lennguwahe: Tagalog