Ikalawa: Sinaris

1 0 0
                                    

SINARIS

Kuntentong nakaupo ang labing-anim na taong gulang na si Sinaris Valmoria sa upuan sa harap ng kanyang mesa habang ang dalawa niyang kamay ay pumapaikot sa hinulmang tubig sa ere. Nakatuon ang kanyang isip sa tila kristal na orbeng nakalutang sa harap ng mga mata niya. Matinding konsentrasyon ang ibinibigay niya roon para hindi iyon bumagsak sa sahig. Gamit ang dalawa niyang kamay, hinulma niya iyon sa hugis ng bituin. Hindi iyon perpekto pero sapat na para matawag na isang bituin. Ang bawat himaymay ng kanyang katawan ay ginagamit ang Majika sa nanggagaling sa kanyang dugo.

Kahit ilang beses na itong ginagawa ni Sinaris, namamangha pa rin siya na sa tuwing ginagamit niya ang kanyang Majika, nagliliwanag ang buo niyang katawan na animo'y nasa loob niyon ang araw. Nararamdaman ni Sinaris ang lamig na hatid ng kapangyarihan ng anyong tubig sa kanyang sistema. Masarap iyon sa pakiramdam ngunit sa kabila niyon, ramdam din niya ang unti-unting pagkaubos ng kanyang enerhiya. Iyon ang katumbas ng paggamit ng Majika sa kanyang katawan—ang panghihina at pagkaubos ng enerhiya.

Naputol ang konsentrasyon ni Sinaris nang may biglang kumatok sa kanyang silid. Agad namang bumagsak ang orbe ng tubig na kani-kanina lang ay nakalutang sa ere, sa sahig. Dagli siyang tumayo para kunin ang telang basahan at ipinatong iyon sa basang parte sa ilalim ng kanyang mesa saka pumunta sa pintuan.

"Hija, si Inang Doroteya ito. Papasok ako, ha?" boses iyon ng itinuring na Inang ni Sinaris sa kanilang Kastilyo ng Hilaga simula noong bata pa lamang siya.

Gumuhit ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Hindi na hinintay ng ginang ang sagot niya at binuksan nito ang pinto. Napansin niya ang dalawang Guwardiya na magkabilang naka-istasyon sa kanyang pinto. Sinadya ng kanyang Amang Arto na baguhin ang mga Guwardiya araw-araw upang hindi magawang makipag-usap o makipag-kaibigan ni Sinaris sa mga ito. Ganoon kahigpit ang kanyang Ama pagdating sa kanya. Na tila ba ipinaparating nito sa kanyang wala itong balak na mag-iwan siya nang kahit na anong marka sa Kastilyo.

Pinagpagan ng kanyang Inang Doroteya ang mga niyebe sa itim na kapang suot nito at ipinatong iyon sa sabitan sa likod ng pinto. Kung hindi siya nagkakamali, nasa pitumpu't pitong taong gulang na ang Inang Doroteya niya. Bakas na sa mukha nito ang paglipas ng maraming taon. Nangungulubot na ang balat nito sa bandang leeg at pisngi nito. Ngunit sa kabila ng katandaan ng matanda, napakaganda pa rin nito sa paningin ni Sinaris. Mula sa animo'y kumikinang na kulay pilak nitong buhok na umaabot hanggang sa tadyang nito at sa kutis nitong halintulad ng niyebe sa labas ng kanilang kastilyo. Nagagawa pa rin nitong makapaglakad nang maayos at paminsan-minsan lamang nangangailangan ng tukod.

Maingat na isinara ng ginang ang pinto at agad na hinawakan ang magkabila niyang pisngi. "Gumagamit ka na naman ng Majika, ano?" bungad nito sa kanya kahit na sigurado si Sinaris na alam na nito ang sagot doon. Pilya lang siyang ngumiti sa ginang. "Ikaw talagang bata ka. Ilang ulit ko nang sinabi sa 'yo na—"

Siya na ang nagtuloy sa sasabihin pa sana nito. "Kapag gumagamit ka ng Majika, katumbas niyon ay ang sarili mong lakas," ani Sinaris na palaging litanya ng ginang sa kanya sa tuwing nahuhuli siya nitong gumagamit ng Majika. Kabisado na niya iyon. "Oho, Inang, hinding-hindi ko iyon makakalimutan."

Natatawang umiling-iling ito. Umupo ito sa kanyang kama at pinagmasdan siya nang maigi. "Ang Lakan Arto ay nagbabalak nang koronahan si Prinsesa Rakel tatlong araw mula ngayon," walang pag-aalangang sambit nito.

Ang tinutukoy ng kanyang Inang ay ang totoong Ama ni Sinaris. Ito ang Lakan ng lupain ng Hilaga. Kinikilala itong Hari ng Norte ng mga kilalang pamilya sa Hilaga. Matagal na siyang itinakwil nito bilang unang anak na babae noong hindi sadyang lumabas ang kanyang Majika sa mismong kaarawan niya. Simula noo'y ikinulong na siya nito sa itaas ng isang abandonadong torre na dating nagsisilbing Atalaya ng kastilyo—ang Atalaya ay ang torre kung saan nananatili ang mga kawal na ang trabaho ay magbantay para sa mga paparating na hindi inaasahang estranghero, mensahero na galing sa ibang Kastilyo o mga kaaway. Ginawa iyong silid o mas maiging sabihing kulungan niya. Hindi nag-atubiling ipamukha sa kanya ng Ama na isa siyang kahihiyan sa kanilang pamilya. At ang pangyayari noong ikalabing-limang kaarawan niya ang bumabalot sa kanyang panaginip gabi-gabi.

Awit ng Dugo at AboTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon