SINARIS
Nilisan niya ang tinawag niyang tahanan habang nasusunog ito at napupuno ng mga mananakop. Natuklasan niyang Maji ang kanyang Inang Doroteya. Maaaring patay na ang pamilya niya. At maaaring mamamatay na rin siya, kung hindi ngayon ay sa susunod na mga oras.
Nagye-yelo na ang baga ni Sinaris pero hindi siya puwedeng tumigil sa pagtakbo. Sa ilalim ng malamlam na ilaw ng gabi, nagagawa niyang maaninag ang mga makakapal na puno na nakapaligid sa kanya. Tahimik siyang nagpasalamat doon. Nararamdaman niya ang malakas na pintig ng ugat sa ulo at ang walang humpay na pagtibok ng kanyang dibdib. Marahas siyang humugot ng hininga at bumuga niyon. Paulit-ulit niya iyong ginawa, sinusubukang ikondisyon ang katawan. Napasandal siya sa pinakamalapit na katawan ng puno. Hindi na niya kaya. Hapong-hapo na ang kanyang katawan. Sa tingin niya kapag nagpatuloy pa siya, tuluyan na siyang mawawalan ng malay.
Wala siyang kasiguruhan kung sapat na ba ang layo niya mula sa kastilyo. Hindi na niya marinig ang mga ingay na nagmumula roon, siguro ay isa iyong magandang bagay. Mariin siyang pumikit at nagdasal sa mga lumang panginoon ng Hilaga na bigyan pa siya ng lakas. Tuluyan na siyang napadausdos sa malaking ugat ng puno. Napagtanto niyang wala siyang suot na guwantes na pang-protekta sa lamig. Naramdaman niya ang nagyeyelong niyebe sa kanyang palad. Isinandal niya ang ulo sa katawan ng puno at nagmulat ng mga mata. Pinasadahan niya ang kanyang paligid, maiging pinakikinggan kung may sumusunod sa kanya.
Hindi pa rin niya mairehistro sa utak ang mga nakita niya kani-kanina lamang. Nagising na lang siya na lumiliyab na ang kastilyo ng ama. Unang pumasok sa isip niya ang nakababatang kapatid na babae—si Rakel. Nadatnan ko na lang ang katawan niya sa kanyang silid, ang boses ng kanyang Inang Doroteya ang muling bumalik sa isip. Kahit na sa kaunting panahon lang sila nagsama ng kapatid, malinaw niyang naiisip ang mukha nito; ang mga memoryang kasama ito, ang mga pagkakataong nagpapa-kuwento ito tungkol sa kanilang ina dahil hindi na nito iyon naabutan. Gusto niyang umiyak pero walang luhang namumuo sa kanyang mga mata. Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang bumalik sa kastilyo at kalimutan lahat ng bilin ng Inang Doroteya niya. Naikuyom niya ang mga kamay. Ngunit kailangan niyang bumalik sa reyalidad—kahit na sakit lang ang magiging resulta niyon. Kailangan niyang tumayo at magpatuloy. Kailangan niyang sundin ang mga bilin ng Inang Doroteya.
Isang lagitik ng sanga ng puno ang awtomatikong nagpalingon kay Sinaris sa likuran. Ilang hakbang lang ang layo niyon sa kanyang puwesto. Mula sa kadiliman, isang pigura ang lumitaw. Bahagya niyang nakikita ang hawak nitong mahabang espada na kuminang sa ilalim ng ilaw ng buwan at ang suot nitong makapal na baluti. Nagkukumahog na gumapang siya patayo at pumihit paharap dito.
"Huwag kang lalapit!" sigaw niya rito.
Mag-isa lang ba ito? Mabilis siyang nagpa-linga-linga sa paligid, sinisigurado kung may umaaligid na kasamahan nito. Humakbang siya paatras nang muli itong maglakad patungo sa kanya. Tuluyan na niyang nakita ang kabuuan nito nang ilang hakbang na lang ang layo nito mula sa puwesto niya. Noong una ay inakala niyang isa ito sa mga kawal ng kanyang ama pero sa laking pagkakamali niya, nakasuot ito ng baluti sa pinaghalong kulay ng asul at pilak. Ang proteksyon nito sa ulo ay kakulay rin ng baluting suot nito. Nakita niya ang sagisag sa kalasag na hawak nito—sagisag ng leon. Isa lang ang ibig sabihin niyon, kawal ito ng Kaharian ng Sylvaros. Bumalik sa isip niya ang iba't ibang mga sagisag ng bawat kastilyo sa kontinente ng Sylvaros na natutuhan niya mula sa Inang Doroteya noong nagsasanay siya bilang tagapagmana ng kastilyo ng ama. Kaya naman sigurado siya sa nakikita.
Napakunot ang noo niya nang mapagtantong ang mananakop ng kanilang kastilyo ay hukbong sandatahan ng Haring Endrel. Dahil kung hindi, ano ang ginagawa nito sa kagubatang malapit sa kanilang kastilyo? Ngayon ay sigurado na siya roon. Napatiim-bagang siya nang kumirot ang tagiliran.
BINABASA MO ANG
Awit ng Dugo at Abo
FantasySa isang mundo kung saan ang pagiging Maji o ang pag-eensayo ng Majika o kapangyarihan ay isang kasalanan na ang kapalit ay kamatayan, pipiliin mo ba ang minana mong hiwaga mula sa mga ninuno o tatalikuran iyon at itatago? Lennguwahe: Tagalog