SINARIS
Walang katapusan ang pagbagsak ng daan-daang bilang ng tila mga kristal mula sa kalangitan. Nararamdaman ni Sinaris ang naiipon na mga niyebe sa kanyang pisngi habang nakatingin sa itaas. Nakapatong ang likod niya sa katawan ng isang puno. Hindi na niya alam kung ilang oras na ang lumipas pero bahagya nang lumiliwanag ang kagubatan. Pinagmasdan niya ang marahang pagbagsak ng niyebe sa paligid na animo'y kinukulayan nito ng puti ang paligid niya. Gusto niyang panoorin na lang ang mga niyebe habang buhay. Gusto niyang manatili na lamang dito at huwag nang gumalaw.
Hindi na niya maramdaman ang ibabang bahagi ng katawan niya. Sa tuwing sinusubukan niyang igalaw ang mga daliri, tila nababasag ang mga buto niya sa sobrang tigas ng mga iyon. Ilang oras na lamang at lalamunin na ng lamig ang buo niyang katawan. At matatapos na ang lahat. Hindi na niya kakailanganing indahin ang bumabalot na sakit sa kanyang kalamnan.
Pumatay siya ng isang tao.
Tumindig ang katawan ni Sinaris nang marinig ang mahinang boses na iyon sa likod na bahagi ng isip. Mali, pumatay siya ng isang kawal ng mananakop. Dahil kung hindi niya iyon ginawa, kamatayan niya ang kapalit. Pinili niya ang sarili. Pinili niya ang nag-iisang pagpipilian na mayroon siya—ang mabuhay.
Mula sa kanyang kaliwa, narinig niya ang mga hindi pamilyar na boses. At nang ibaling niya ang ulo sa direksiyong iyon, nakita niya ang malamlam na ilaw ng apoy—mga sulo. Nahigit ni Sinaris ang hininga. Pinagtagis niya ang bagang para pigilan ang sariling gumawa ng ingay nang pinilit niya ang mga kamay na gumalaw. Napabuga siya ng hangin nang maramdaman ang sakit sa mga buto ng kamay. Kailangan na niyang umalis. Nang bumalik ang pakiramdam niya sa dalawang kamay, ginamit niya iyon para suntukin ang kanyang binti, sinusubukang padaluyin ang dugo roon. Wala na siyang oras. Marahas niyang ibinagsak ang sarili sa lupa at gumapang palayo sa puwesto. Sa bawat pagbuga niya ng hininga, gumagawa iyon ng kulay puting usok.
Ang mga mata niya ay nasa harap lang habang patuloy siya sa paghila ng katawan palayo sa pinanggagalingan ng mga boses. Lumipas ang mga minuto na hindi siya tumigil. Napahinto na lamang siya nang itaas niya ang kamay para kapain ang lupa sa harap at tanging ang malamig na hangin at kawalan ang naramdaman niya sa palad. Bangin. Dahan-dahan siyang gumapang palapit doon at sinipat kung gaano iyon kalalim. Hindi siya sigurado pero alam niyang aabot iyon sa isang daang talampakan. May mahabang ilog na hindi niya maaninag kung saan nagtatapos. Marahas na humahampas ang mga alon ng tubig sa malalaking bato sa gilid. Napalunok siya.
Muli siyang lumingon sa kanyang likod. Malapit na ang mga boses. Ibinalik niya ang tingin sa bangin. Sa oras na maramdaman mo ang takot, iyon ang tamang pagkakataon para gawin ang isang bagay. Ipikit mo lang ang mga mata mo. Kasi mas maiging gawin mo iyon kaysa mabuhay ka sa pagsisisi, iyon ang sinabi sa kanya ng kanyang ina noon. Kaya naman iyon ang ginawa ni Sinaris. Mariin niyang ipinikit ang mga mata, humugot ng hangin at pinagulong ang sarili sa bangin gamit ang natitira niyang lakas.
Humampas ang daluhong ng hangin sa kanyang mukha at damit. Lumipas ang mga segundo at nang magmulat siya, sinalubong siya ng rumaragasang alon ng ilog. Humampas iyon sa ulo niya na parang martilyo na nagpawala sa kanyang diwa. At mabilis siyang hinigop ng nagyeyelong tubig.
BINABASA MO ANG
Awit ng Dugo at Abo
FantasySa isang mundo kung saan ang pagiging Maji o ang pag-eensayo ng Majika o kapangyarihan ay isang kasalanan na ang kapalit ay kamatayan, pipiliin mo ba ang minana mong hiwaga mula sa mga ninuno o tatalikuran iyon at itatago? Lennguwahe: Tagalog