LIRAEL
Ang lalaking palaging pumupuno sa kanyang panaginip sa loob ng tatlong taong pananatili sa kulungan ay pinagmamasdan na ngayon ni Lirael. Ang sariling kadugo niya na iniwan sila sa kamay ng mga mananakop. Ang kapatid niyang inasahan na magliligtas sa kanila noong araw na iyon ngunit ang papalayong pigura lang nito ang huli niyang nakita. Siguradong-sigurado siya na hindi na ito isang panaginip lamang. Pinanood niya ang mga mata nito, tila ba hinahanap niya ang bakas ng pagsisisi, awa o lungkot. Pero wala siyang nakitang kahit na ano sa mga iyon. Noon niya naramdaman ang namumuong luha sa gilid ng kanyang mga mata. Kung mayroon lang siyang sapat na lakas, aakyatin niya ang mga baitang ng hagdan na tanging naglalayo rito mula sa kanya at siya mismo ang kikitil sa buhay nito.
Mali, hindi nararapat dito ang madaling kamatayan. Ipapatikim niya rito ang daan-daang taong paghihirap. Gusto niyang ipadama rito ang lahat ng poot, galit at ang iba't ibang emosyong bumalot sa kanyang pagkatao noong mga pagkakataong nakakulong siya—mga pagkakataong wala ito.
Dahan-dahang gumuhit ang walang-emosyong ngiti nito sa kanya at saglit siyang pinagmasdan bago lumuhod sa harap ng Haring Endrel. May sinabi ito pero hindi niya iyon narinig. Hindi inaalis ni Sinaris ang mga mata sa kanyang kapatid hanggang sa tumayo ito at muling humarap sa kanila.
"Nakikilala mo ba ang hayop na nasa paanan ng trono ko, Heneral Istvan?" tanong ng Haring Endrel dito.
Heneral? Hindi niya maunawaan kung nagkamali lang ba siya ng dinig. Muling nagtama ang kanilang mga mata. Malaki na ang pinagbago nito mula noong huli niya itong nakita. Ang noo'y tila kulay dugo nitong buhok ay naging kulay itim na at ang balat nito ay bahagyang pumuti na salungat na sa kilalang kulay ng kanilang tribo. Iba talaga ang nagagawa ng pangta-traydor sa sariling ka-dugo, aniya sa sarili. Pero ang kulay ng mga mata nito ay ganoon pa rin—madilim na asul na namana nito sa kanilang ina.
Matipid na tango ang isinagot ni Istvan sa Hari. "Maraming taon na ang lumipas noong huli ko siyang nakita."
Maraming taon na ang lumipas simula noong araw na tinalikuran mo kami, nanggagalaiting sabi niya sa sarili.
Ibinalik ng Haring Endrel ang mga mata nito sa kanya. "Ipinatawag kita rito para bigyan ng huling pagkakataong mabuhay at maitama ang pagkakasala mo," panimula nito. Nagbaba siya ng tingin at pinagmasdan ang sanaw ng sariwang dugo sa alpombra. Saglit niyang tiningnan ang mga palad na may mga marka ng sariling kuko dala ng matinding pagkakakuyom niya roon. Nagpatuloy ang Hari. "Isang misyon."
Nang magtaas siya ng tingin, nakita niya ang pagtango ng Hari sa matandang lalaki na naka-roba sa paanan ng trono. Maingat nitong binuklat ang balumbon ng papel. Tumikhim muna ito bago nagsalita. "Ang misyon na ipinag-uutos ng Hari ay ang pagdakip sa natitirang miyembro ng angkan ng mga Ygnaria. Dalhin ito ng buhay sa harap mismo ng Haring Endrel at ang kalayaan ng may sala ang magiging gantimpala."
Umalingawngaw ang malakas na boses ng matanda sa malaking silid. Gustong matawa ni Sinaris sa narinig. Matagal nang patay ang buong angkan ng Ygnaria, naglaho na ang mga abo ng bawat miyembro nito sa mundo. Ano ang sinasabi ng matandang lalaking ito sa kanya? Isa ba itong malaking biro?
Saglit na tumingin ang matanda sa Hari na tila humihingi ng permisong magpatuloy at tango lang ang isinagot ng huli. "Sa pagkakataong tumanggi ang nagkasala, kamatayan ng pamilya at ng sarili nito ang ihahatol."
Nahigit ni Sinaris ang hininga niya at tumingin sa Haring Endrel. Hindi... hindi maaari. Patay na ang mga magulang ko, aniya sa sarili. Walang katotohanan ang sinasabi ng mga mortal na ito.
Mukhang nabasa naman ng Haring Endrel ang nasa isip ni Lirael. Sumenyas ito sa mga kawal na nasa pinto at muli iyong binuksan. Agad siyang lumingon sa kanyang likod. Dahan-dahang bumukas ang dalawang pinto at iniluwa niyon ang dalawang guwardiya na may hawak na kadena. Nang sundan niya ng tingin ang kadena, sa likuran ng mga ito, noon niya nakita ang dalawang taong may nakapabilog na bakal sa kani-kaniyang leeg. Napagtanto niyang pamilyar ang mga mukha nito sa kanya. Mula sa mga galos nito, sa buto't balat nitong mga katawan, mga humpak nitong pisngi at nanlalalim na mga mata, hindi niya makakalimutan ang hitsura ng sarili niyang mga magulang. Bigla ay nanlabo ang paningin niya nang pumuno ang luha sa kanyang mga mata. Ilang hakbang lang ang layo ng mga magulang niya sa kanya nang tumigil ang mga kawal. Isang hikbi ang namutawi sa bibig niya at akmang gagapang palapit sa mga ito nang mabilis siyang pinigilan sa braso ng dalawang guwardiyang malapit sa kanya. Sinubukan niyang manlaban pero para lang siyang papel na itinayo ng mga ito ngunit ang mga mata niya ay nanatili sa mga magulang.
Gusto niyang tawagin ang mga ito pero parang may bumara sa kanyang lalamunan at hindi niya magawang makapagsalita.
"Maji, pumapayag ka ba sa misyon ng Haring Endrel?" ang boses ng matandang lalaki ang nagpabalik sa kanya sa reyalidad.
Buhay ang mga magulang niya—iyon lang ang tanging nasa isip niya ng mga oras na iyon. At gagawin niya ang lahat para mapanatili iyon. Kahit ano pa.
Tumango siya sa matanda at pinilit na sumagot sa namamaos na tinig. "G-gagawin ko ang lahat."
"Lahat?" ang Haring Endrel ang sumagot. Hindi nakita ni Lirael ang ngiting gumuhit sa mga labi ng Hari nang mga oras na iyon.
Muli siyang bumaling sa mga magulang. "Lahat," aniya, ang sagot na sumelyado sa kanyang kapalaran.
BINABASA MO ANG
Awit ng Dugo at Abo
FantasySa isang mundo kung saan ang pagiging Maji o ang pag-eensayo ng Majika o kapangyarihan ay isang kasalanan na ang kapalit ay kamatayan, pipiliin mo ba ang minana mong hiwaga mula sa mga ninuno o tatalikuran iyon at itatago? Lennguwahe: Tagalog