AMARA
Nanatiling nakaupo si Amara sa loob ng minsan niyang tinawag na tahanan—ang tanging lugar kung saan niya naramdaman ang kaligtasan at seguridad. Naalala niya ang kuwarto niyang ngayon ay isang makapal na kahoy na lang at ang mga gamit niya ay tuluyan nang naging abo kagaya ng ibang mga bagay sa loob. May parte sa loob niya ang nasasaktan sa nakita. Naaalala niya pa noong unang pinlano ng kanyang Amang Lando ang bahay na ito kasama silang dalawa ng Inang Ofelia niya. Hindi pa naisisilang ang nakababata niyang kapatid noong mga panahong iyon. Nakaguhit ang plano ng ama sa isang piraso ng papel. Pinag-ipunan nila itong lupa ng napakaraming mga taon hanggang sa tuluyan na nila iyong nabili. At kahit na paunti-unti lang, nagawang itayo ng kanyang ama ang pangarap nilang bahay.
Parang rumaragasang tubig ang mga alaalang pumuno sa isip ni Amara nang mga sandaling iyon, na tila ba anomang oras ay sasabog na ang utak niya. Nakatakip pa rin ang dalawa niyang kamay sa magkabilang tainga, sunusubukang pahinain ang mga boses na patuloy niyang naririnig. Lumipas ang ilan pang segundo bago siya tumayo at nagdesisyon na lisanin na ang lugar. Hindi kaya't tuluyan na siyang nawalan ng bait?
Lakad-takbo ang ginawa ni Amara habang tinatahak ang daan pabalik sa bahay nila Daario. Hindi niya namalayang nagtagal pala siya roon ng mahabang oras dahil nang magtaas siya ng tingin, nakikita na niya ang bukang-liwayway sa kalangitan. Malapit nang mag-umaga, aniya sa sarili. Hindi siya puwedeng makita ng mga tao na ganito ang kanyang balat. Saglit siyang tumigil sa pagtakbo para pasadahan ng tingin ang sarili. Normal na ang kulay kayumanggi niyang balat. Wala na roon ang mga itim na ugat na bumalot sa buo niyang katawan kani-kanina lamang. Bahagya niyang itinaas ang laylayan ng pang-itaas na damit at tama nga ang nakikita niya. Naglaho na ang mga itim na ugat. Siguro nga ay parte lang iyon ng sarili niyang imahinasyon. Pero ang mga boses na narinig niya? At ang ingay ng isang ahas? Ano ang ibig sabihin niyon?
Pinilig niya ang ulo, pilit pinapalis ang isiping iyon. Nagpatuloy siya sa pagtakbo hanggang sa matanaw na niya ang maliit na bahay ni Daario. Nadatnan niya itong nakaupo sa harap ng bahay na tila may hinihintay. Nang magtaas ito ng tingin at makita siya, parang nakahinga ito nang maluwag. Sinalubong siya nito.
"Saan ka galing?" bungad nito sa kanya.
Nagbaba siya ng tingin, hindi sinasalubong ang mga mata nito. "M-may kinuha lang ako sa bahay namin—"
Mahigpit siya nitong hinawakan sa braso. "Hindi ba't sinabi ko na sa iyong delikado iyon? Paano kung may nakakita sa iyo? Paano kung nakita ka ng mga guwardiya sibil at hulihin ka?"
Noon na nagtaas ng tingin si Amara dito. Sinalubong niya ang galit nitong mga mata. "Hulihin nila ako kung huhulihin nila. Wala na akong pakialam."
Mas lalong dumiin ang pagkakahawak nito sa braso niya. Napangiwi siya nang maramdaman ang sakit niyon. "May pakialam ako! Ipinangako ko sa Inang mo na—"
Marahas niyang pinalis ang mga kamay nito. "Ano? Ano ang ipinangako mo?"
Napalunok ito at mabilis na nag-iwas ng tingin. Kilala na niya ito at alam niyang may itinatago ito sa kanya. "Sabihin mo, Daario."
Humugot ito nang malalim na hininga bago sumagot. "Ipinangako ko sa kanila na sakaling may mangyaring hindi inaasahan, kami ng pamilya ko ang kukupkop sa iyo. Na itatago namin ang pagkatao mo. Iyon ang hiniling ng Inang Ofelia mo sa akin."
Itago ang kanyang pagkatao? Hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ng huling pangungusap.
"Bakit ninyo kailangang itago ang pagkatao ko?" tanong niya rito.
"H-hindi ko alam," nauutal na sabi nito. "Pumasok na muna tayo sa loob. Tiyak na may mga guwardiya sibil na nag-iikot pa rin."
Gusto niyang sabihin kay Daario ang nangyari sa kanya sa loob ng bahay niya—ang kakaibang sensasyong bumalot sa kanyang sistema, ang itim na mga ugat na bumalot sa katawan at ang mga boses na narinig niya. Gusto niya iyong sabihin lahat dito pero may boses sa likod ng isip niya na pumigil sa kanya. Sigurado siyang matatakot ito sa kanya sa sandaling malaman nito iyon. Hindi sanay ang mga mamamayan ng Narai sa mga bagay na kakaiba o estranghero sa mga nakagawian ng mga ito. Kaya itinikom na lamang niya ang bibig at sumunod dito papasok sa loob ng bahay.
BINABASA MO ANG
Awit ng Dugo at Abo
FantasySa isang mundo kung saan ang pagiging Maji o ang pag-eensayo ng Majika o kapangyarihan ay isang kasalanan na ang kapalit ay kamatayan, pipiliin mo ba ang minana mong hiwaga mula sa mga ninuno o tatalikuran iyon at itatago? Lennguwahe: Tagalog