Chapter 1

18 2 0
                                    

Madilim pa pero kailangan ko ng bumangon para makapaglaba. Hindi ko na malugaran ang mga ganitong gawain sa bahay dahil kadalasan bagsak na ang katawan ko sa maghapong trabaho. Mahirap mamuhay mag-isa pero mas mahirap dahil mag-isa kong binubuhay ang limang taong gulang kong anak na si Ian. Maaga akong nag-asawa. Isa sa mga dedisyon na labis kong pinagsisisihan. Pero hindi na ako puwedeng magback-out. Si Ian na ang buhay ko ngayon at lahat gagawin ko para sa kanya.

"Pagkatapos mong kumain, mag-toothbrush ka na at magbihis ah."

Katatapos ko lang iligpit ang higaan namin na isang manipis na kutson na gamit ko na noong dalaga pa. Habang ang anak kong si Ian ay kumakain mag-isa sa bangkinito na nagsisilbing mesa niya. Kapansin-pansin na namayat na rin pati ang anak ko. Naibibigay ko naman ang mga pangangailangan niya kahit pa paano pero mukhang kulang pa.

"Ayoko na, Mama."

Matakaw ang anak ko kapag paborito niya ang nakahain kaya naman nalungkot ako nang halos hindi man lang niya nakalahati ang niluto kong fried rice. Mukhang hindi niya nagustuhan ang itlog at hinimay na isda na ulam naming kagabi na siyang hinalo ko sa kaning lamig.

"Hindi bale, bukas ibibili kita ng hotdog okaya ng fried chicken." Pinilit kong ngumiti. Alam kong sa aming dalawa, mas nahihirapan si Ian sa sitwasyon namin.

Tinitigan niya ako habang itinatali ko ang mahaba kong buhok. Matagal na rin nang huli akong magpagupit ng buhok sa salon. Kadalasan ako nalang mismo ang pumuputol sa buhok ko. Hinintay kong magsalita si Ian. Matipid na ngiti ang naging pasasalamat niya. Sa edad niya ay alam kong late siya sa maraming bagay. Madalang lang din siya kung magsalita at hindi mahilig makihalubilo sa ibang bata. Minsan hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko. Baka ang paghihiwalay namin ng Papa niya ang dahilan kung bakit siya nagkaganoon.

"Malapit ng mag-day off si Mama. Promise. Maglalaro tayo ah."

Marami ang oras sa isang araw pero kulang pa para sa akin. Lahat iginugugol ko sa trabaho at kaunting oras lang ang nailalaan ko para sa anak ko. Nakakalungkot na dahil sa akin naging malungkutin ang anak ko. Mabuti nalang nakakagawa ng oras ang Papa niya para makasama siya kahit pa abala na sa bago niyang pamilya.

"Sundo ako ni Papa?"

Kinuha ko ang kamay niya saka nagbilang hanggang lima. Tuwing weekends lang kasi niya nakakasama ang ama.

"Sundo ka ni Papa sa friday. Mabilis lang 'yon." Umaliwas ang mukha niya saka kumaripas ng takbo papuntang banyo para mag toothbrush.

Dalawang taong gulang palang si Ian nang maghiwalay kami ng Papa niya. Isip bata pa kami pareho noon kahit na twenty four na kami pareho nang dumating si Ian sa buhay namin. Marami kaming hindi pinagkakasunduan kaya nagdesisyon kaming maghiwalay nalang at sa akin napunta ang bata na ayon naman sa batas.

Walang tumulong sa akin. Kahit mga magulang ko, hindi nagbigay ng kahit na anong tulong. Ginapang ko ang pagbuhay sa anak ko at hindi ko iyon pinagsisisihan. Kaya ko namang lahat mag-isa. Kahit napakaraming mata ang nakatingin sa amin.

Madalas akong tanungin ng mga tsismosa naming kapitbahay kung kailan ako mag-aasawa ulit. Mas madali raw iyon dahil may makakasama ako sa hirap at ginhawa. Pero wala sa isip ko ang mag-asawa ulit.

Nakaya ko naman. Lahat naayon sa ruta at schedule naming mag-ina. Ihahatid ko siya sa Child Care Center saka ako didiretso sa Peñamora - isang night time restaurant kung saan ang trabaho ko ay all around service. Lunch time ang pasok namin para makapaghanda ng mga pagkaing ibebenta pagpatak ng alas-kwatro ng hapon hanggang alas-dose ng hatinggabi.

"Ivy! Mabuti nalang at nandito ka na. Pinauwi ko na si Chef. Nirarayuma na naman." Aligaga si Kuya Eddie. Nasa edad kwarenta na siguro si Kuya Eddie at assistant chef ang trabaho niya. Sa pagkakaalam ko nasa limang taon na siyang nagtatrabaho habang ako ay halos isang taon palang. Kaunting oras nalang at magbubukas na kami pero hindi pa handa ang mga kakailanganin namin.

You Found MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon