Chapter 10

8 2 0
                                    


Maagang tumawag si Greg para ipaalam sa akin na sila na ang magsusundo kay Ian pagkatapos ng klase niya. Pikit-mata akong um-oo. Hindi maganda ang gising ko dahil halos kakatulog ko lang. Buong gabi kong pinagmasdan si Ian. Kung pwede ko lang pigilan ang oras ay ginawa ko na. Pero hindi, kailangan kong harapin ang isang malaking pagsubok sa buhay naming mag-ina.

Sinubukan kong sabihin kay Ian ang mangyayari pero sa tuwing maiisip kong iiyak siya ay pinanghihinaan ako ng loob. Mas pipiliin ko ng maghiwalay kami nang nakangiti siya.

"Hindi ata maganda ang gising mo?" sabi ni Eugene nang aktong magpupunas ako ng luha.

Halos katatapos ko lang magluto para sa babaunin nilang pagkain.

"Hindi ako makatulog kagabi."

"Kung sa kwarto ko ka natulog edi sana mahimbing ang tulog mo." Pilyong ngisi ang nakita ko sa mukha niya nang lingunin ko.

Nasanay na ako sa kapilyuhan niya at mukhang hindi na ako naapektuhan. Kinuha ko ang baon at ibinigay ko iyon sa kanya. "Ako na ang maghahatid kay Ian sa Daycare. May sasabihin kasi ako sa teacher niya."

Pinitik ni Eugene ang ilong ko dahil natutulala na naman ako. Nakaka-guilty kasi na hindi ko man lang masabi sa kanya na aalis na si Ian. Hindi naipagkakailang naging close na ang dalawa.

Lumabas si Ian na naka-uniform na. Nabihisan na pala siya ni Eugene.

Sorry.

Pilit-ngiti akong lumingon sa kanilang dalawa habang nakangiti sa isa't isa. Humingi ako ng tawad dahil naging makasarili ako. Mas pinili kong makita silang dalawa na nakangiti. Mga ngiting babaunin ko sa pag-uwi ko sa amin nang mag-isa.

Magkahawak-kamay kaming naglakad ni Ian papunta sa Daycare. Hinayaan ko siyang magkuwento. Nakaaaliw na makita siyang kumikinang ang mga mata kapag si Eugene ang ikinukwento niya. Sa ilang araw na si Eugene ang naghahatid sa kanya ay marami na pala silang nagawa.

Noong isang araw daw ay may kumausap na babae sa kanya at bigla nalang daw siyang binuhat ni Eugene saka pinakilalang anak. Sabi raw ay tawagin niyang tatay. Ewan ko pero parang masaya si Ian na tawaging tatay si Eugene. Minsan naman daw ay muntikan na silang ma-late sa klase dahil hinabol nila 'yong nagtitinda ng cotton candy na ang bilis magmaneho ng bisikleta. Kitang-kita ko na nage-enjoy siyang kasama si Eugene. Nakakalungkot na hindi man lang sila nakapagpaalam nang maayos sa isa't isa.

Sinalubong kami ng teacher niya at nasabihan ko na rin siya na ang tatay niya ang magsusundo sa kanya.

"Gusto kang makasama ng Papa mo. Okay lang ba iyon sa 'yo?" Masayang tumango si Ian.

"Bye-bye, Mama."

Bago siya tuluyang tumalikod at niyakap ko siya nang mahigpit. Yakap na ayaw kong bumitaw. Napakasama kong ina dahil hindi ko man lang nagawang sabihin sa kanya ang katotohanan.

"Ubusin mo 'yong pagkain mo ah. Makinig kang mabuti kay teacher." Ang dami ko pang gustong sabihin pero nanginginig ang boses ko dahil sa luhang gustong tumulo.

Ayokong bumitaw.

"Mama, pasok na po ako."

Bago pa siya makahalata ay bumitaw ako. Masaya siyang kumaway bago tuluyang pumasok sa loob ng klase.

Paulit-ulit kong inaalala ang mga ngiti niya. Nagsisisi ako nang bumitaw ako sa pagkakayap sa kanya. Marami pa akong puwedeng magawa para sa kanya. Sinubukan ko naman hindi ba? Nagkulang ba ako? Masama ba akong ina?

"Si Eugene ba ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan?" Napatingin ako kay Chef C na hindi ko alam kung kanina pa ba nakatitig sa akin. "Sabihin mo lang, ako na bahala sa gagong iyon."

You Found MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon