Iniunat nya ang kamay matapos pagpagin ang putik sa pantalon. Ipinagpasalamat nya na panahon ng anihan at tuyo ang mga tubigan kung hindi ay siguradong para syang kalabaw na naglublob sa putik. Pinandilatan nya ang kaharap nang tingnan lang nito ang kamay nya.
“Tulungan mo ako…” utos nya na inismiran lang nito at ipinagpatuloy ang paglalakad. “Walang modo…” bulong nya bago muling umakyat sa pilapil at sumunod sa lalaki.Ngayon nya nais pagsisihan na umoo sya sa kaibigan na pumunta sa lugar na ito. O hindi ba mas tamang sisihin nya ang ex boyfriend turned obsessive stalker nya?
Pumunta ka sa Nueva Ecija, hindi ka masusundan doon ng baliw mong ex at kapag swinerte ka, magkakajowa ka ng gwapo at mayaman dahil single pa rin ang pinsan kong woman hater
That was Neri’s exact words at sya naman na pikon na sa halos isang taong panghaharass ng ex boyfriend ay nagpatianod. Nagpasya syang makipaghiwalay kay Roy dahil sobrang seloso nito. Maging ang mga pinsan nyang lalaki ay hindi pinalampas ng pagdududa nito. Inakala nyang natanggap na nito ang paghihiwalay nila ngunit nang pumanaw ang tatay nyang pulis mula sa kanser sa baga mahigit anim na buwan pa lamang ay naging mas masigasig ito at nitong huli ay tila nagiging agresibo na. Katunayan ay hatid sundo na sya ng pinsang si Joel sa trabaho dahil hindi miminsan syang sinubukang sapilitang isakay sa kotse ni Roy.
Noong unang beses ay pinalampas nya iyon dahil na rin sa pakiusap ng kapatid ni Roy at inang maysakit. Ngunit nang maulit iyon ay ipinablotter na rin nya. Sa kabila niyon ay mukhang walang planong tumigil si Roy malibang magkaasawa na sya, ayon sa teorya ni Neri. Ang huling insidente ay naging kapalit ang trabaho nya. Nitong mga nakaraang araw ay pabalik balik ito sa banko para sa mga hindi importanteng transactions at nang sitahin ay nakipagsuntukan pa sa gwardiya kaharap ang manager nilang buntis. Ilang araw itong nakulong at bago makapagpiyansa ay nagdesisyon syang pansamantalang magbakasyon. Indefinite leave iyon at ang manager na mismo nya ang nakiusap. Napadali rin sa pagdedesisyon nya na ang pinsang si Joel ay tinawagan na ng shipping agency at wala ng matiyagang maghahatid sundo sa kanya.
At eto sya ngayon, sa gitna ng palayan. Ayon sa walang modong lalaking napagtanungan nya, ang bahay ng pinsan ni Neri ay nasa kabila pa ng palayan at niyugan. And obviously, hindi maipapasok ang dala nyang kotse na naiwan sa kabila. Palagay nya ay may kalahating oras na silang naglalakad at pawisan na sya sa ilalim ng araw.
“Malayo pa ba?” hinihingal na tanong nya.
“Malapit na.” Ni hindi sya nilingong sagot ng lalaki. Matangkad ito kesa karaniwan, malapad ang balikat at halatang sanay sa trabaho. Hindi nya masyadong maaninag ang mukha nito dahil sa malapad na sombrerong buri na suot nito. Ang kamiseta nito ay basa na rin ng pawis at ang kupas a pantalong suot nito ay nakapaloob sa putikang bota. Wala sa loob na niyuko nya ang sandalyas at napasimangot na nanlilimahid na ang mga paa nya bagong pedicure pa mandin.Wala sa loob na nilingon nya ang pinanggalingan nang bagtasin nila ang daang napapalibutan ng mga niyog. Parang wala namang bahay rito?
“Sandali lang—” pigil nya sa lalaki. Huminto ito at nakakunot noong nilingon sya. Parang pogi naman kung ngingiti pero mukhang ipinaglihi sa sama ng loob?
“Kilala mo ba talaga ang pinsan ni Neri? Parang wala ng bahay rito…” puno ng pagdududang tanong nya.
Umangat ang kilay ng lalaki. “Umaasa ka bang may masama akong balak sa iyo?” sarkastikong wika nito.
“Aba’t—"
“Nasa kabila ng niyugan ang bahay ng pinsan ni Neri at matagal na akong katiwala rito. Kung wala kang tiwala sa akin eh di bumalik ka sa pinagparadahan mo ng kotse mo at magtanong ka sa iba.”Wala sa loob na nilingon nya ang pinanggalingan. Uhaw na uhaw na sya, pawis na pawis at nanlilimahid. Kahit siguro masamang tao ang kaharap ay hindi na nya pipiliing bumalik sa pinanggalingan. Tila naman nabasa ng lalaki ang tinatakbo ng isip nya at muli itong tumalikod at nagpatuloy maglakad. Malakas na nagbuntong hininga sya bago sumunod dito. Kapag wala pang bahay pagkalipas ng niyugang ito ay babalik na talaga sya.
YOU ARE READING
Daydreams
RomanceThis is a work of fiction. Names, characters, events and incidents are all products of the author's imagination. Any resemblance to actual persons and events is purely coincidental. No part of this book may be reproduced or utilized in any form...