CHAPTER 9

11 2 0
                                    

Hindi mapakali si Penelope. Paano ba naman kasi ay nasa likuran lang ng pila nila ni Alex sina Celine at Ryan. Katulad nila ay manonood din ang mga ito ng sine. Siyempre alam niyang hindi talaga iyon ang sadya ng mga ito kundi siya.

Napatingin siya sa kaniyang cell phone nang bigla iyong nag-vibrate. May text message siya mula kay Celine. Napabuntonghininga siya, saka nilingon ang kaibigan sa kanilang likuran. Napairap siya nang nakangisi siya nitong kinindatan. Tiningnan niya rin si Ryan. Seryoso lamang itong nakatitig sa walang kamalay-malay na si Alex. Habang wala sa kaniya ang atensyon nito ay sinamantala niyang titigan ang guwapo nitong mukha. Bagaman aristokratong tingnan ang kabuuan ng binata ay maamo naman ang mukha nito. Bakit nga ba ngayon niya lamang iyon napansin?

Nagitla siya nang lumipat bigla sa kaniya ang tingin ni Ryan. Kaagad siyang nagbawi ng tingin at humarap na sa kaniyang unahan. Patago siyang humugot nang buntonghininga. Sa sandali lamang na pagtatama ng mga mata nila ni Ryan ay nagsimula na namang magwala ang puso niya. Bakit ba ganoon na lang katindi ang epekto sa kaniya ng lalaki?

Napailing-iling na lamang siya at nagpasyang buksan ang mensahe ni Celine. Napairap siya nang mabasa ang text nito.

Celine: In fairness pogi si baby Alex. Panindigan mo na lang kaya ang pagiging girlfriend niya?

Mag-ta-type na sana siya ng reply kay Celine nang muli na namang kinuha ni Alex ang kamay niya. Minsan ay gusto niya nang komprontahin ito sa ginagawa nito pero ayaw niya namang mapahiya ito. Wala naman itong kasalanan dahil kung tutuusin ay biktima ito ng pagpapanggap nila ni Malou.

Tiningnan niya si Alex—sa pagitan ng mga kilay. "Alex may gusto sana akong sabihin."

"Later... just tell me later. Tapusin muna natin itong date natin," nakangiting sabi ni Alex. Napakunot siya sa tugon nito. May mali.

"Tara na?" sabi ni Alex, saka iginiya na siya papasok sa sinehan. Naramdaman niya namang sumunod sa kanila sina Celine at Ryan.

Sa gitnang bahagi sila naupo ni Alex samantalang ang espiya naman nilang sina Celine at Ryan ay nasa likuran lamang nila.

Horror movie ang pinili ni Alex na panoorin nila. Wala namang problema kay Penelope iyon dahil sa mahilig din siya sa horror simula noong bata pa siya. Medyo naging madalang na lang ngayon ang panonood niya dahil mas itinutuon niya ang atensyon sa pag-aaral.

Napatingin siya sa kamay niya nang bigla na naman iyong hinawakan ni Alex. Nabigla siya nang inilapit nito ang bibig sa kaniyang tainga at bumulong. "Don't hesitate to hold my hand kapag natakot ka," anito.

Hindi mawari ni Penelope ang naramdaman. Parang may gumapang na kung anong kilabot sa katawan niya nang bahagyang dumampi sa tainga niya ang labi ni Alex nang bumulong ito sa kaniya. Hindi niya masabi kung sinadya ba nito iyon o aksidente lamang.

Naiilang ang ngiti na lumayo siya nang bahagya kay Alex. Binawi niya rin ang kamay dito.

"Don't worry, hindi naman ako matatakutin," sabi niya. Bahagya siyang napakunot nang mapansin niyang tila biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Alex. Parang itong nagmukhang galit.

Tumingin na lamang si Penelope sa malaking screen at piniling huwag intindihin ang napansin. Marahil ay nagkamali lang siya ng tingin dahil sa sobrang dilim ng paligid.

Dahil sa hindi pa naman nagsisimula ang palabas ay nagpasya si Penelope na pumunta muna sa restroom.

"You can do this, Pen... Kailangan mo lang sabihin sa kaniya ang totoo... And then tapos na, babalik na sa normal ang lahat," wika niya sa sarili habang nakaharap sa malaking salamin sa loob ng restroom. Pagkatapos ikondisyon ang utak at nang sa tingin niya ay nakaipon na siya ng lakas ng loob, nagpasya na siyang lumabas.

HER AMERICAN SWEETHEARTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon