Ch. 2: Toxic Connection

291 6 0
                                    


Pagpasok ni Monty sa bahay ay nakita niya ang kanyang ina na nakaupo sa sofa na nasa sala ng bahay, nanonood ng balita habang nananahi ng damit.

“Isa na namang bangkay ng isang transgender woman ang nakitang lumulutang sa ilog ng isang siyudad sa Metro Manila. Sa ngayon ay tinitingnan ng mga pulis ang posibilidad na konektado ang insidenteng ito sa dalawa pang pagpatay na naganap noong nakaraang linggo. Para sa karagdagang detalye…”

“Ma, kumain na kayo?” tanong ni Monty sa ina.

Dahil doon ay nabaling ang atensyon nito sa kanya. Ibinaba nito sa mesa sa tapat nito ang tinatahi. “Oo, anak kumain na ‘ko. Pero ‘di pa ata kumakain si Abel. Ayaw ata ng ulam. Puntahan mo sa kusina.”

Si Abel ay anak ng stepfather niya. Hindi na nakilala ni Monty ang tatay niya. Sumakabilang bahay daw, paliwanag ng nanay niyang fan ng Eat Bulaga. Noong teenager siya ay nakahanap uli ng bagong mamahaling lalaki ang tatay niya, Abner ang pangalan. Tunog stepfather talaga, kaya siguro inasawa ng nanay niya. May anak na si Abner. Si Abel nga, na tulad din niya ata na…

“Kalalaki mong tao, umiiyak ka,” sermon ni Abner sa anak nito.

“Maglalakwatsa ka lang do’n, eh. ‘Wag kang pumunta. Lalo na iyong mga kasama mo, mga bakla. ‘Di ka ba naiilang? Baka pagsamantalahan ka no’n pag sumama ka sa hike hike na ‘yan.”

“Abel, pagkain,” malamig na sabi ni Monty, para kunin ang atensyon ng dalawa. Ipinatong sa mesa ang supot na may fried chicken.

Hindi nagsalita ang mag-ama.  Halatang hinihintay na umalis siya. Siguro si Abner, na dakilang manginginom lang naman at siya rin naman ang bumubuhay, ayaw na iparinig sa kanya ang opinyon nito sa mga bakla. Mga marurumi. At mga hindi kontentong ito lang ang marurumi. Gusto pang hawahan ang mga lalaki tulad ng anak nito.

Pero bakla si Abel. May dildo ito sa drawer, nakita niya. Minsan, gusto niyang sampalin si Abner ng dildo ng anak nito.

Nagtitimping bumalik na siya sa sala.

“Anak, may project ang kapatid mo sa school,” sabi sa kanya ng nanay niya.

“Kailangan ng pera.”

“Magkano po?”

“One-five daw.”

“Sige po, mag-iwan ako sa drawer niya.”

Kasama niya sa kuwarto si Abel.

“Salamat, ‘nak.”

Naghugas siya ng katawan, nagpalit ng damit, at nagtungo sa kuwarto nila ni Abel. Humiga siya sa kama at chineck ang phone. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makitang may na-receive siyang mga mensahe.

Renzo to.

Ung pogi dun sa 711

Kaw ba ung mabango?

Reply ka kung kaw ung mabango

Napabungisngis si Monty. Nagsimulang magpadala ng mensahe sa lalaki.

Monty: Nagtext agad? Taeng-tae?

Renzo: haha ala iniisip lang kita.

Monty: bat wala ka bang ibang iniisip? Natanong ko kanina kung may nliligawan ka. Sabi mo wala. Pero baka may gf ka.

Renzo: Wala ako gf. Pwede ka ba?

Monty: Puwedeng ano?

Puking-ina niya, maang-maangan pa ang flower niya.

Renzo: Puwedeng gf.

Monty: Hindi naman ako babae.

Hindi matatawag ni Monty ang sariling niyang babae, pero hindi rin niya matawag ang sarili niyang lalaki. Hindi derogatory sa kanya ang bakla, hindi mapait sa dila niya ang bakla. sabi ni Ricky Lee, ang ibig sabihin ng bakla ay “bahagi ka ng lahat” at iyon ang pakiramdam niya. Saka lang niya naisip kung ano talaga siya, saka lang siya nabigyan ng label, kahit ang label niya ay nabuo sa kawalan ng label, sa hindi pag-fit in sa binary.

Non-binary siya.

Pero ang matawag na bakla o bahagi ng lahat ay hindi masama.

Renzo: Basta. Gf. Pwede ka maging gf?

Monty: Sabi mo manliligaw ka?

Renzo: Sabi ko nga

Nagpatuloy ang usapan na ngiting-ngiti si Monty.

Toxic (R-18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon