Chapter 17

2.8K 69 43
                                    

"Buti naman at nakabalik ka na, Kallista. Nadalaw mo naman ba nang maayos 'yung pamilya mo?" Tanong sa akin ni Shane nang salubungin nila ako sa aming kwarto.

May ngiti sa labi ko namang inilapag ang bag ko sa kama ko. "Oo, dapat nga bukas pa ako papasok pero kasi sayang 'yung si-swelduhin."

"Sabagay, ilang araw rin. Sayang din dahil sa makalawa na tayo sasahod." Ani naman ni Kenzy.

Nag-usap pa kami bago kami tuluyang bumalik sa kaniya-kaniyang trabaho. Nagbihis din muna ako ng uniform bago pumanhik patungo sa kusina para maghugas ng pinagkainang plato.

"Uy bilisan mo diyan, Kallista. Tulungan mo kaming magluto ng hapunan para mamaya, nandiyan kasi sila Sir Charles at Ma'am Krystal sa itaas." Awtomatiko akong natigilan dahil sa sinabi ni Wendy.

Tuluyan ko siyang binalingan. "A-anong sabi mo?"

"Nasa itaas 'yung Daddy at soon to be mother ni Sir Cameron, Kallista. Lutang ka ba? Tss, tapusin mo na 'yan." Iiling-iling niya pang ulit sa kaniyang sinabi bago ako iwan.

Pakiramdam ko ay nanlamig ako dahil sa sinabi ni Wendy. Nasa itaas lang si Mama? At ano mang oras, makikita ko ulit siya? Shit! Mukhang wrong timing ang pagbalik ko rito.

Mariin akong napapikit bago bumalik sa ginagawa, mabilis kong tinapos ang paghuhugas. Siguro ay sa labas na lang muna ako magtatrabaho para hindi ko siya makasalamuha, dahil pakiramdam ko kapag nasalubong ko ulit siya, hindi ko na mapigilan pa ang pagbabadya ng emosyon kong tinatago.

Nagpapasalamat naman ako dahil lumipas ang ilang oras ay 'di ko nakasalamuha si Mama, pati ang Daddy ni Sir Cameron ay 'di ko rin nakita kaya paniguradong nasa itaas pa rin sila.

"Kallista, pakilagay na ito sa lamesa." Utos sa akin ni Manang Tonya nang ilahad niya sa akin ang dalawang mangkok na may lamang ulam.

Dali-dali ko namang kinuha iyon para ilagay sa hapag, kompleto na rin ang ulam at tanging maiinom na lamang ang kulang.

"Tatawagin ko na sila Sir Charles, umayos na kayo." Tikhim ni Manang Tonya bago lumakad paalis.

Mabilis naman akong nagpakawala ng malalim na buntong hininga bago punasan ang namuong pawis sa noo. Gutom na rin ako pero mas nangingibabaw ang kaba sa dibdib ko.

Kailan ko kaya siya makakausap? O hanggang tingin na lang ba talaga ako sa sarili kong ina bitbit ang mga katanungang gusto kong itanong sa kaniya?

"Ayos ka lang ba, Kallista? Namumutla ka ah." Agad akong napalingon kay Shane dahil sa sinabi niya.

Bahagya pa akong natigilan bago siya bigyan ng isang pilit na ngiti. "Ayos lang ako, Shane. Pagod lang."

"Hayaan mo, makaka-pagpahinga rin tayo after nito." Ngiti niya pa sa akin bago tapikin nang bahagya ang aking balikat.

Ilang sandali pa ay tuluyan ko nang mamataan si Mama kasama ang bago niyang nobyo, pareho silang may ngiti sa labi habang nakatingin sa isa't-isa. Na kay Mama lang ang paningin ko hangang sa tuluyan silang makaupo sa hapag, hindi ko mapigilan ang pagkuyom ng aking kamao dahil pakiramdam ko sinasadya niyang kalimutan ang presensya ko.

Presensya ng sarili niyang anak.

"Mukhang masarap ang mga 'to, Manang ah?" Pakiramdam ko ay may humaplos sa puso ko nang marinig ang boses ni Mama.

Tumawa si Manang Tonya. "Aba syempre naman ho Ma'am Krystal, lalo na po 'yung menudo, luto po ni Kallista."

Kinagat ko ang labi ko dahil sa narinig, nakita ko rin kung paano ako tingnan ni Mama sa gilid ng kaniyang mata bago pilit na ngumiti.

Embracing His Innocence (Maid Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon