31

50 6 1
                                    


Mabigat ang loob kong nagtungo sa banyo para maligo. Napabuntonghininga ako habang paulit-ulit kong naririnig ang boses ni mama sa isip ko na kinukumpara na naman ako sa kapatid ko.

Totoong ayaw kong pumunta sa mga family gatherings o kung anong event na meron ang mga relatives namin, pero totoo ring masakit ang ulo ko.

Pero may choice ba ako? Wala.

Ayoko nang makarinig pa ng kung ano-anong insulto mula kay mama kaya heto at mag-aayos na nga.

Nang makalabas ako mula sa banyo pagkatapos kong maligo ay mas lalong lumala ang sakit ng ulo ko at kahit na mainit naman ay nilalamig ako, kaya agad akong nagbihis.

Family dinner lang naman ata. Saka decent naman kung hoodie at wide leg pants lang ang suot ko.

“Ano ’yang suot mo?” singhal ni mama pagkalabas ko sa kwarto ko.

Napatingin ako sa suot ko. “Ayos naman po ah. Walang pusod na kita.”

Napabuntonghininga si mama at saka napahawak sa baywang niya. Bago siya nanggigigil na tinuro ang kuwarto ko. “Bumalik ka sa kuwarto mo at magbihis! Tignan mo nga ang suot ng kapatid mo! Gano’n! May mga matataas na tao ang darating doon kaya dapat ay presentable tayong pupunta. Ano nalang ang sasabihin ng ibang tao kapag nakita nilang gan’yan ang suot mo? Baka sabihin nilang naghihirap na tayo!”

Kung masakit na ang ulo ko kanina, mas lalo pa itong sumakit ngayon.

Bakit kailangan niya akong sigawan? Hindi ba puwedeng sabihin niya sa maayos na paraan?

Tiningnan ko si Maica na naaawang nakatingin sa akin. Nakasuot siya ng puting off-shoulder na bodycon at pinarisan niya ito ng silver na high heels.

Napabuntonghininga nalang ako bago muling pumasok sa kwarto ko para magpalit ng mas maayos na damit.

Dahil nilalamig ako pinili ko iyong itim na v-neck long sleeve bodycon dress ko na above the knee, iyon lang ang alam kong dress ko na mainit isuot, at saka ko ito pinarisan ng itim na leather knee high boots. Hinayaan ko na lang na nakalugay ang buhok ko, bukod sa tinatamad ako ay tingin ko mas bagay iyon sa damit ko.

“Micaia Esmeralda, tara na!” atat na sabi ni mama mula sa labas.

“Wait lang po!” sigaw ko pabalik at nagmamadali kong kinuha mula sa cabinet ang itim kong blazer.

Bago ako lumabas ay humugot muna ako nang malalim na hininga bago ito dahan-dahang pinakawalan.

Tiis-tiis muna, Caia. Makakauwi ka rin at makakatulog mamaya.

---

“Ganda mo, ate!” nakangiting saad ni Maica nang makasakay ako sa sasakyan at tumabi sa kanya sa backseat.

“Wala akong pera.”

Mahinang tumawa si Maica. “Luh! I’m just complementing you, ate!”

Kung hindi lang masakit ang ulo ko ay baka nakipagbiruan pa ako sa kan’ya pero dahil tumitindi ang sakit ng ulo ko bawat minutong lumilipas ay ngitian ko lang siya bago ko pinikit ang mga mata ko at umidlip na habang nasa biyahe.

“Ate. . . Gising na nandito na tayo.”

Ang mahinang boses ni Maica ang gumising sa akin. Agad akong dumilat at umayos ng upo. Napatingin ako sa labas kung saan nasa harapan ko na ang nakabukas na malaki at engrandeng pintuan ng mansyon ni tito Carlos. Sa loob ay puno ng mga mayayaman at kilalang mga tao, nasabi ko iyon base rin kung paano sila manamit. Kahit na ilang beses na akong nakapunta rito ay hindi ko pa rin maiwasang hindi mamangha sa mansyon nila. Lahat ata ng mga bagay rito ay gawa sa ginto at dyamante maliban sa sahig at mga pader.

Nakatatandang kapatid ni papa si tito Carlos kaya naman malaki ang respeto nito kay tito.

Bukod sa business man si tito Carlos ay siya rin ang governor dito. Mahilig makisalamuha si tito sa mga tao habang si papa naman ay gusto niya lang ng payapang buhay.

Magkaiba silang magkapatid pero close sila sa isa’t isa kaya kahit na ayaw ni papa na makisalamuha sa mga tao, basta si tito Carlos ang nag-imbita sa amin, pupunta kami.

Sobrang yaman ni tito Carlos pero kami ay sakto lang at wala iyong kaso sa amin.

Pagkapasok namin sa mansyon ay agad kaming sinalubong nina tito Carlos at tita Fernanda, maging ang ibang mga kamag-anak namin na narito ngayon.

“Dalaga na ang mga chikiting mo, Charles,” ani tito Carlos habang nakangiti sa amin ni Maica. Ngumiti rin kami pabalik ni Maica.

Tumawa si papa. “Kaya nga. Ang bilis talaga ng panahon.”

Nag-usap at biruan pa sila maging sila mama at tita Fernanda pero hindi ako makasabay sa usapan nila dahil inaantok na ako at sobrang sakit na talaga ng ulo ko para na itong hinahati sa dalawa.

“Caia!” bati ni tita Susan.

Napatingin ako sa kan’ya at tipid na ngumiti bago nakipag-beso. Gano’n din ang ginawa niya sa kapatid ko.

“Tumataba ka ata!” komento niya sa akin. Napatingin naman ako sa katawan ko at agad akong na-concious sa suot kong bodycon.

“May boyfriend ka na, ‘no?” hirit pa niya bago niya ako tiningnan ng makahulugan.

Kahit na gusto ko siyang pagtaasan ng kilay at barahin ay pinigilan ko ang sarili ko at umiling nalang habang pekeng nakangiti.

“Wala po, tita. Napaparami lang po ng kinakain.”

“Hmmm. Mag-diet ka kasi! Saka mag-kojic ka na rin, umiitim ka na!” malakas niyang sabi dahilan ng pag-iniit ng pisngi ko.

Napabuntonghininga na lamang ako.

Kaya ayoko ng family gathering, eh. Napapahiya lang ako palagi.

Ano bang mali sa akin? Sobrang pangit ko na ba talaga? Mataba ba talaga ako? Ano naman kung umitim ako?

Napakagat ako sa labi ko.

Kung ako kaya si Maica, ganito pa rin kaya ang trato nilang lahat sa akin?

Napatingin ako sa labas. Sa madilim na kalangitan, umulan kanina kaya walang mga bituin at buwan.

Muli akong napabuntonghininga.

Gusto ko na talagang umuwi.

Could Be Something Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon