NAALIMPUNGATAN si Tyronne dahil sa isang masamang panaginip. Sa panaginip niya kitang-kita niya ang kanyang dalawang kapatid na nagpatihulog sa mataas na gusali. Ang magulang naman niya sabay na binaril sa ulo ng mga sundalong walang mukha.
Nag-aalala siya para sa kaligtasan ng mga ito. Sana walang masamang nangyari sa mga ito. Gusto na niyang makauwi.
Gigisingin sana niya si Zindel ngunit nakita niyang wala ito sa kinahihigaan. Napabalikwas siya ng tayo. Maging si James Zhuo ay wala rin sa kinahihigaan nito.
Ginising niya si Ma'am Ana upang ipaalam na nawawala sina Zindel at James Zhuo. Dahil sa nilikha niyang ingay nagising din isa-isa ang iba pa niyang mga kasama.
"Wag ka ngang mag over acting riyan Tyronne. Nagpasama lang si Zindel kay James Zhuo na mag-cr," si Andrei na bumalik muli sa pagkakahiga. Namumungay pa ang mga mata nito dala ng antok na nararamdaman nito. Kanina nagising ito dahil sa pag-iingay ng dalawa. Pinakikinggan lamang nito ang pag-uusap ng dalawa. "Hindi ba't binatukan mo pa nga silang dalawa kanina?" dugtong nito bago ipinikit ang mga mata. At ng tingnan niya ito himbing na ulit ito sa pagtulog.
"Sige, magsitulog na muli kayong lahat," wika ni Ma'am Ana sa kanyang mga estudyante. "Malalim pa ang gabi at kailangan natin ng lakas para bukas."
Agad rin namang bumalik sa pagtulog ang lahat maliban kay Tyronne. Iniisip pa rin nito ang laman ng masamang panaginip.
"SINO ito?" reply ni James Zhuo sa sender.
"Renz James," sagot agad sa kanya.
Dito lamang niya naalala ang mga napag-usapan nila kahapon. May malaki siyang dapat na ipagpasalamat rito dahil sa pagliligtas sa kanya at sa mga kaibigan niya. May tiwala siya rito kaya bukas na bukas rin pagliwanag aalis na sila sa unibersidad na kinaroroonan nila.
Nasa ganoon siyang pag-iisip ng tapikin siya ni Zindel sa balikat. Bahagya pa siyang nagulat sa ginawa nito na ikinatawa naman ng huli. Kinuha nito ang sigarilyong nakaipit sa pagitan ng kanyang dalawang daliri. At ito naman ang humithiy ng sigarilyo. Ibinuga pa nito sa kanyang mukha ang usok ng sigarilyo na ikinatawa nito ng sinamaan niya ito ng tingin.
"Hindi ba alam ng papa mo na naninigarilyo ka?" At sumandal rin ito sa pader sa tabi niya.
"Hindi naman niya malalaman kung hindi mo isususmbong," sagot niya at kinuha ang sigarilyo upang siya naman ang humithit.
"Anong iniisip mo?"
"Marami," matipid niyang sagot.
"Tulad ng ano?"
"Wag na nga natin na pag-usapan. Ubusin na muna natin itong sigarilyo at maglilibot-libot tayo sa buong paligid." Inilihis niya ang usapan, ayaw na muna niyang pag-usapan pa kung anuman ang tumatakbo sa kanyang isip. Ang gusto muna niyang gawin ngayon ay ang maglakad-lakad muna sa paligid ng unibersidad. Kung babalik sila sa pagtulog hindi na siya dadapuan pa man ng antok. Dadalawin na naman siya ng bangungot dahil sa mga nasaksihan niya kahapon.
"Ano namang gagawin natin?"
"Magda-date tayong dalawa," nakangisi niyang sagot rito.
"Game ako riyan." Loko talaga itong kaibigan niya sinasabayan siya sa kalokohan.
At ng maubos na nga nila ang nag-iisang sigarilyo naglakad na sila sa hallway ng ika-apat na palapag upang tumungo sa hagdan pababa ng ikatlong palapag. At ng makababa na sila ng hagdan natisod si Zindel dahil sa isang bagay na nakaharang sa kanilang dinaraanan. Bumagsak ito sa tabi ng... Natigilan ito ng mapagtanto nito kung ano ang bagay na nasa tabi nito. Isang katawan ng patay na tao. Nanlaki ang mga mata nito at akmang sisigaw, mabilis na tinakpan niya ang bibig nito upang hindi makalikha ng ingay.
"Huminahon ka muna, pare!" Pagpapakalma niya sa kaibigan. Inilayo niya ito sa bangkay ng isang estudyanteng lalaki. "Aalisin ko ang kamay ko sa bibig mo ngunit mangako ka na hindi ka sisigaw."
Tumango ito bilang tugon. Inalis niya ang kanyang kamay sa pagkakatakip sa bibig nito. Nilapitan niya ang katawan ng estudyante na nakahandusay sa sahig. Base sa ID nito, isa itong Criminology student na nasa ika-apat na taon. Marahil manlaban ito kanina dahil may hawak itong baril. Ngunit nagtataka siya kung saan nito kinuha ang baril. May tama ito ng bala sa dibdib na siyang ikinasawi nito. Isinara niya ang mga mata nito na nakadilat pa rin.
"Hindi ka ba natatakot?" Nanginginig ang boses na taong tanong ng kanyang kaibigan.
"Ngayon ka lang ba nakakita ng patay?" balik niyang tanong rito na ikinatawa niya. "Tumayo ka na riyan at aalis na tayo." Binuhat niya ang katawan ng estudyante upang ilagay sa isang silid sa ibaba ng gusaling kinaroroonan nila. Kung saan dito rin niya inilagay ang mga katawan ng mga taong natagpuan niya na wala ng buhay.
"Hindi ka ba riyan nabibigatan?" tanong nito sa kanya habang naglalakad sila pababa ng hagdan sa ikalawang palapag ng gusali. Nakasunod ito sa likuran niya. Mabuti na lamang at maliwanag ang buwan sa kalangitan na siyang nagiging tanglaw nila sa paglalakad. Hindi na inaabot ng sinag na nanggagaling sa mga ilaw sa kalsada ang gusaling kinaroroonan nila.
"Bakit? Tutulungan mo ba ako?"
"No!" mariing sagot nito.
"Bakit ka ba matatakot sa mga patay? Mas matakot ka sa mga buhay dahil pwede ka nilang saktan o patayin. Katulad ng nangyayari ngayon sa paligid natin."
Nakahawak lamang sa balikat niya ang kaibigan habang naglalakad sila. Ayaw nitong humiwalay sa kanya at baka may makita ito ulit na patay na tao.
"Saan mo ba kasi iyan dadalhin pare?" Nanginginig ang boses na tanong nito.
"Andito na pala tayo!" Huminto sila sa tapat ng room 24.
Inutusan niya itong buksan ang pinto na ginawa naman nito. Kadiliman ang bumabalot sa apat na sulok ng silid na sumalubong sa kanila.
"Buksan mo ang ilaw," utos niya.
Agad naman pinindot ni Zindel ang switch ng ilaw. At ng sumabog ang liwanag ng florescent lamp sa buong sulok ng silid tumambad sa harapan nila ang ilan pang katawan ng tao na wala ng buhay. Nakahelera ito sa sahig. Mas lalong nadagdagan ang takot na nararamdaman ni Zindel.
"Hindi ka ba papasok?"
Hindi ito sumagot. Mahigpit lamang ang pagkakahawak nito sa kanyang balikat. Natatawa siya sa kaibigan. Kulang na lang yumakap sa kanya.
Ibinaba niya ang buhat-buhat. Itinabi niya ito sa isang babaing estudyante na nasa ikatlong baitang ng kursong Nursing. Umusal siya ng isang panalangin para mahanap ng mga ito ang katahimikan at kapayapaan sa di inaasahang biglaang pagkamatay ng mga ito.
Pagkatapos nilisan na nila ang silid upang bumalik na sila kung saan naroon ang iba pa nilang mga kasama. Nasa ikatlong palapag na sila ng makaramdam si Zindel ng pagkalam ng sikmura. Kahapon pa sila hindi kumakain ngunit ngayon lamang nakaramdam ng gutom.
"Tol, nagugutom na ako," nakahawak ito sa tiyan at hinihimas ito.
"Sana kanina mo pa sinabi ng nasa baba pa tayo," naiinis niyang sabi.
"Sorry naman, tol. Sige na, maghanap na tayo ng makakain sa cafeteria."
"Ano pa bang magagawa ko? Kung hindi lang talaga kita kaibigan inihulog na rin kita dyan sa ibaba."
"Thank you, tol!" Maluwag ang pagkakangisi nito.
Maliwanag ang buong paligid ng cafeteria ng marating nila. Nanay ni Zendaya ang nagpapatakbo ng cafeteria. Dito lamang nila parehong naalala si Aling Azunta. Nasaan na kaya ito?
Tahimik ang buong paligid ng pumasok sila sa loob. Agad na naghanap ng makakain si Zindel. Pagkakita niya sa isang balot na biscuits agad niya itong binuksan at nilantakan. (Imported ang biscuits na ito, galing Korea.) Habang ngumunguya tinungo nito ang refrigerator at binuksan. Kinuha nito ang isang bote ng soft drink at ininom ito. Pihong gutom na gutom na nga ito dahil walang tigil nitong nilanlantakan ang pagkain na hawak-hawak.
Samantalang si James Zhuo naman ay nakikiramdam sa buong paligid. May narinig siyang mga kaluskos na nagmumula sa ilalim ng lababo. Tinungo niya ito. Hahawakan na sana niya ang kurtinang tumatakip sa kabuuang ilalim nito ng bigla ay may kasabay ring nagwasiwas ng kutsilyo dahilan upang masugatan siya sa kamay. Nabitawan naman ni Zindel ang hawak na bote ng soft drink sa bigla niyang pagsigaw. Agad na tumakbo ito sa kanyang kinaroroonan.
BINABASA MO ANG
Killing Us Softly (Depopulation Series No. 1)
Science-FictionIsang sekretong samahan na ang kanilang layunin ay bawasan ang populasyon ng mundo. Isang sakit na pinakalat sa buong mundo upang maisakatuparan nila ang hangaring sapilitang pagbabakuna sa mga tao. Isang pagsiklab ng kaguluhan na ang kahahantungan...
