Chapter Five

382 8 0
                                    


"ANO ANG ibig mong sabihin?"

"Iniharang ni Julio ang sarili sa akin nang magsimulang mamaril ang taong nasa opisina. Ang isa sa mga bala ang lumampas at tumama sa balikat ko."

"Paanong nalaman ni Ate Olivia ang bagay na iyan?"

"Inamin ko sa mga pulis ang ginawa ni Julio noong kausapin kami. Isa pa'y nakita naman iyon sa CCTV. Nakaligtaan mo marahil..."

"Oh." Hindi na niya gaanong pinagkaabalahang tingnan ang mga camera. Ipinaubaya niya iyon sa mga imbestigador. Labis siyang namighati sa pagkamatay ng ama niya.

"Natitiyak ko na kung hindi ako nagkunwaring patay ay babarilin niya akong muli. Pero mula sa labas ay may tumawag sa lalaking bumaril sa amin ng tatay mo. Nagmamadali sila." Niyakap nito si Aurora. "Thank you. Wala akong ibang pupuntahan..."

"You're my father's widow, Doreen.

Karapatan mong manatili rito sa bahay. Subalit tama naman si Ate Olivia. Sa sandaling mag-asawa kang muli ay hindi ka maaaring manatili pa rito."

Umiling ito. Mapait na ngumiti. "Hindi na marahil ako magmamahal pang muli, Aurora. Ayoko na." Quietly, Doreen left the library.

After her graduation pinilit siya ni Doreen na gamitin ang regalo ng tatay niyang bakasyon sa ilang bansa sa Europa. Minabuti na rin niya ang magbiyahe upang kahit paano ay makagaan sa dibdib niya.

Gusto sana niyang isama si Doreen subalit hindi pa siya handang tanggapin ang katotohanang buhay sana ang tatay niya kung hindi nito iniharang ang sarili para sa asawa. Nang araw na iyon, tinungo niya ang munisipyo at pinanood ang naturang kuha ng CCTV. Again, she cried. Realizing for the first time that her father truly loved his wife—worthy or not, Julio gave his life for Doreen. May sakit at paninibugho siyang naramdaman.

Pero sino siya para husgahan ang kanyang ama sa ginawa nito? Iyon man ay out of reflex o sadyang ginawa nito. Sa buong buhay niya ay hindi nagkulang ang tatay nila sa kanilang magkapatid. Wala siyang dapat na ipaghinanakit. Dalawa sila ni Doreen na nawalan ng minamahal. Huwag nang idagdag pa ang bawal na pag-ibig ni Olivia sa tatay niya.


MULING kumislap ang kidlat sa kalangitan. Napapitlag si Aurora at nagbalik sa kasalukuyan ang isip. She was cold, scared, and hungry. Tuloy sa pagbuhos ang mahinang ulan. Nilingon niya ang kaliwang bahagi ng karagatan. Hindi na niya natatanaw ang liwanag mula sa sumabog na Tamaraw. Tuluyan nang pinatay ng ulan ang apoy. Marahil usok na lang ang natitira.

"ANO ANG sinisilip mo sa teleskopyo?" tanong ni Lukas sa pinsang si Mikhail nang malabasan niya ito sa turret ng ikatlong palapag. "Kanina pa nakahain ang hapunan sa ibaba. Alam mong ayaw ni Manang Jacinta na pinaghihintay ang pagkain."

Nilingon siya ng binatilyo. Nagsasalubong ang mga kilay. Nasa mukha ang bagabag. "Here. Silipin mo." Iniaabot nito sa kanya ang teleskopyo. "Three o'clock."

Banayad na kinabig ni Lukas ang teleskopyo at inilayo sa kanya. "Hindi ako interesado, Mikhail."

"But there's someone there—"

"Leave it. Hindi natin kailangang panghimasukan ang mga bagay na hindi dapat." Lumakad ito patungo sa hagdan. "Tayo nang kumain. Magagalit si Manang Jacinta kapag wala tayo sa hapunan."

"Baka kailangan niya ng tulong natin," pahabol nito, muling itinuon ang teleskopyo sa dakong kinakitaan ng nakakabagabag dito.

"I said leave it!" Lukas snapped. "Ilang beses ka na bang napapahamak dahil sa pakikialam mo?"

PHR GOTHIC ROMANCE: The Wolf & The BeautyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon